NAPAPANAHON ANG pag-uusapan natin dahil bukas, Pebrero 25, ay ipagdiriwang ang ika-28 na anibersaryo ng People Power Revolution. Ito ay pinakamalaking kaganapan sa kasaysayan, hindi lang sa Pilipinas kundi pati sa buong mundo. Ito kasi ang nagpatunay na puwedeng mahagkan ang kalayaan nang hindi dadaan sa dahas, nang walang dugong dadanak. Ito rin ang nagpakita na hindi porke’t sinabing rebolusyon, giyera agad ang ibig sabihin nito dahil sa People Power Revolution na naganap dalawampu’t walong taon na ang nakalipas, dasal at pagkakaisa ang sandata ng mga Pilipino. Dito kasi nakamit ng mga Pilipino ang maraming mithiin sa buhay at nangunguna na riyan ang kalayaan at kapayapaan.
Dalawapu’t walong taon na ang lumipas nang mapuksa ang Martial Law ni Ferdinand Marcos ngunit para bang nauulit ang kasaysayan ngayon sa ibang pamamaraan. Iyon ay walang iba kundi ang “e-Martial Law” o “electronic Martial Law”. Noong naganap ang People Power, ang mga kabataan sa henerasyon ngayon ay hindi pa naisisilang, parang pinaglalaruan tayo ng pagkakataon at gusto yatang ipagdamot sa atin ang kalayaan na minsan nang tinangkang kunin sa mga Pilipinong nakaranas ng Martial law.
Trending ngayon ang pagpapasa ng “online libel” bilang constitutional. Sa madaling salita, kapag ikaw ay nag-post ng mensahe na ‘libelous’ sa iyong mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter, maaari ka nang maparusahan. Mga bagets, anong say n’yo?
Kaunting impormasyon lamang, naipasa noong Setyembre 12, 2012 ang Republic Act No. 10175 o ang Anti-Cybercrime Law. Ang batas na ito na pinangunahan ni Senador Edgardo Angara ay inaprubahan ng ating kasalukuyang pinuno ngayon, si PNoy. Makalipas ang ilang buwan, hiniling ni Senador Sotto na isama ang Section 19 sa batas na ito ang “Online Libel”. Ang batas na ito ay natigil sa pagpapatupad dahil kayraming bumatikos dito. Pinangunahan na ito ng mga iba’t ibang NGOs at ng mga kabataan sa bawat sulok ng bansa. Kaya nga lang, nito lang, naipatupad na sa batas ang sinasabing online libel.
Kung may maaapektuhan sa isyung ito, malamang ang mga kabataan iyon. Unang-una sa lahat, ang mga social networking sites tulad ng Facebook at Twitter ay personal na pagmamay-ari ng isang tao. Kaya, siya ang may hawak ng kontrol dito. Pangalawa, nagsisilbi ang Facebook at Twitter bilang paglulugaran ng mga samu’t saring opinyon at saloobin ng mga bagets sa panahon ngayon. Dito na sila naglalabas ng hinaing sa mga bagay-bagay kasama na rin ang gobyerno at dito rin nila inilalabas ang kanilang mga sarili sa pamamagitan ng pag-post ng larawan at pag-post ng status. Kung ang mga bagay na iyon ay ire-regulate ng pamahalaan, aba, karapatan na yata natin ang nakataya riyan.
Hindi tiyak at konkreto ang basehan ng libel lalo na at ito ay online. At hindi rin yata makatao na kapag ikaw ay naglabas ng hinaing sa gobyerno o ‘di kaya nag-like at nag-share ng post ng ibang tao na patama sa pamahalaan at sa kung ano pang bagay, maaari ka nang maparusahan.
Kung hindi ako nagkakamali, may karapatan tayong mamili kung ano ang paniniwalaan. At mas lalong may karapatan tayong magpahayag ng sariling opinyon at saloobin at kung ang mga karapatang ito ay malalagay sa alanganin, mukhang maaaring maglunsad ang mga kabataan ngayon ng kanilang People Power Revolution.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo