BAGO PA man kainin ng Internet ang oras at mundo natin, ang mga bagets na Batang 90’s ay aktibo sa mga bagay-bagay. Dahil hindi pa nga ganu’n kalaganap ang katamaran… este, ang impluwensya na dala ng Internet, kung saan ngayon pagkauwi nang bahay galing eskwela o kaya kapag Sabado at Linggo, nagkukulong na lang sila sa kanilang kuwarto at magbababad sa Internet.
Noon, ang mga bagets ay hindi mapalagay sa bahay kaya hahanap at hahanap ‘yan ng matatambayan na masusulit at makapagpapasaya sa kanila. Kaya naman, maki-throwback muli sa mga Batang 90’s tambayan!
Batang 90’s ka nga kung Makati Cinema Square ang gustong puntahan sa tuwing manonood ng sine. Sino ba ang hindi makami-miss sa old style nang panonood ng sine, kung saan may mga balcony seating. At kung puno man ang sinehan, okay lang sa iyo dahil kumportable ring umupo sa mga aisle. Dito rin nauso ‘yung ‘di bale nang hindi mo maabutan ‘yung umpisa ng palabas dahil puwede ka namang manatili sa iyong upuan at hintayin ang susunod na showing dahil papayagan ka namang panoorin ito muli. Kaya nga mas sulit ang P80.00 na movie ticket noon dahil puwede mo pang ulitin ang palabas nang sunud-sunod.
Hindi rin lang naman ang sinehan ang dinarayo sa Makati Cinema Square dahil pati ang music store na bilihan ng mga minus one na plaka ng mga kanta ay dinarayo rin ng mga bagets. Kasi noon, wala pang iTunes o kaya Spotify, ‘eh. Pero gayunpaman, nae-enjoy pa rin ng mga Batang 90’s ang pagtambay rito.
Sikat din ang Chinese restaurant dito na naghahain ng masasarap na dishes lalo na ang kanilang patok na patok na fried rice. Kung meryenda naman ang habol mo, may mga donut stalls lang din sa paligid na doon pa lang, solve-solve na. Hindi pa kasi uso rin noon ang Starbucks ng mga Millenials ngayon.
Kahit may Virra Mall pa rin ngayon, wala pa ring tatalo sa saya na naibibigay ng Old Virra Mall. Saan ka nakakita ng mall na puwedeng mamingwit ng tilapia sa kanilang fish pond. Kung ‘di naman trip ‘yun ng mga bagets, puwede naman na sina mommy at daddy na lang ang magmuni-muni sa fish pond habang ang mga kids ay sasakay sa train na nakapaikot lang sa mall.
Sasabayan pa nila ang tunog ng tren na “choo choo train!” May simbahan din dito kaya naman blockbuster ang Virra Mall tuwing Linggo. May mga restaurants din sa paligid na puwedeng kainan ng mga magpapamilya at magbabarkada.
Nakami-miss naman ang mga ganitong uri ng bonding. Para sa akin, mas masayang makasama at maka-bonding ang mahal sa buhay sa mga memorable places kaysa maka-bonding ang inyong mga cellphones, laptop at iPad.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo