[imagebrowser id=132]
KATATAPOS LANG ng ika-walong Cinemalaya Film Festival. Dalawampu’t limang pelikula mula sa Shorts, Directors at New Breed category ang nagpakitang-gilas para ipanood sa madla ang kani-kanilang obra.
Siguradong nahirapan ang mga hurado sa pagpili kung sinu-sino ang dapat parangalan noong nakaraang Linggo, huh!
Ang Cinemalaya Film Festival ay nagiging pinto hindi lang sa mga director, kundi ma-
ging sa mga artista para sa maraming oportunidad. Sa pagsabak sa indie films unang napansin ang kakayahan nina JM de Guzman, Lovi Poe, Coco Martin, Mercedes Cabral, at Edgar Allan Guzman sa pag-arte.
Kapansin-pansin sa taong ito ang pag-usbong ng mga bagong artista. Isa sa mga karakter na minahal ng mga Cinemalaya 8 moviegoers ngayon ay si Joanna, isang transgender na may busilak na puso. Ito ay matagumpay na ginampanan ng theater actor na si Anthony Falcon. Kahit ang director ng Requieme! na si Loy Arcenas ay bilib na bilib sa talento nito. Sa gala night ng nasabing black comedy ay nagbitiw ito ng pahayag na ‘Watch out for this guy!’.
Newbie na maituturing sa paggawa ng pelikula ang binata, ngunit beterano na sa mundo ng teatro ang 24-year old Caviteño. Una niyang pinasok ang pag-arte sa pamamagitan ng pagsali sa Teatro Lasalliana (institutional theater group ng De La Salle University-Dasmariñas). Pagkatapos ng kolehiyo ay napasali ito sa Virgin Labfest 5 bilang Stage Manager. Pagkaraan ng mahigit isang taon ay muli siyang sumabak sa pag-arte sa entablado.
Inimbitahan siya ni Ed Lacson, assistant director ng pelikulang Requieme na subukang mag-audition para sa papel na Joanna. Para maging kapani-paniwala ang kanyang pagganap, pinahaba niya ang kanyang buhok at kuko. Kahit ang kilay niya ay ipinagalaw niya rin at nagpa-wax din ito (aray!). Dito n’ya nabatid na hindi pala ganu’n kadali physically ang pagiging babae. Inaral din niya ang tamang paglalakad at hinanap niya ang kanyang ‘female voice’ na kumportable at hindi maging OA ang kalabasan nito sa pelikula.
Dahil na rin sa tunay na pagmamahal sa karakter, nagawa rin nitong mag-research sa pamamagitan ng pag-interbyu ng ilang trans girls (pati na rin ang mga bf nila) na mula sa iba’t ibang antas sa buhay. Nagbasa rin ito tungkol sa fashion, transgender culture at psychology. Dito niya nakuha ang kaluluwa ni Joanna at kung ano ang pinaghuhugutan nito. Sa sobrang sipag ni Anthony, pati ang pananahi ay natutunan na rin niya. Ang husay lang, ‘di ba? Sana lahat ng artista ay ganito – marunong mag-asikaso ng assignment!
Ayon kay Mr. Falcon, mahirap ang iskrip ni Rody Vera (na nagwagi bilang Best Screenplay). Isa na ring responsibilidad bilang aktor na gampanan nang mabuti ang isang papel na kumakatawan sa komunidad (transgenders). Malaki ang kanyang pasasalamat sa lahat ng tumulong sa kanya para mas maging realistic ang kanyang pagganap.
Base sa mga Facebook, Twitter at blog updates, mukhang nagtagumpay si Anthony Falcon. Marami ang natuwa sa kanyang pagganap bilang Jose/Joanna sa REquieme. Kahit ang mga kapatid natin mula sa gay community ay puring-puri ang kanyang pagganap. Isa rin siya sa bet namin sa Best Actor noong nakaraang awards night.
Ang ilan sa mga katatapos lang na theater works niya ay ang Bombita ng Tanghalang Pilipino, Livin’ La Vida Imelda ni Carlos Celdran at METTA’s Twelfth Night sa ilalim nina Ana Valdez Lim at Jose Estrella. Hasang-hasa na, huh! Isa kang tunay na anak ng sining!
Ang Requieme ang debut film ni Anthony Falcon, at sigurado kami na masusundan pa ito.
Ang wish lang namin ay sana, hindi siya ma-stereotype sa gay roles. Guwapo (at maganda) pa man din siya. Woot!
By Mica Rodriguez
Showbiz Blogster
by Mica Rodriguez
Pinoy Fans Club