Napaiyak ang broadcaster nang makita ang video habang kinakalbo si Zoey.
“Nung pumayag si Zoey na magpakalbo at nalaman kong papunta na sa ospital ang misis ko kasama si Ate Tet, umalis na muna ako. Akala ko ay malakas na ako. Marupok pala. May video habang kinakalbo si Zoey.
“At tuwing makikita ko iyon, hindi ko mapigil ang pagpatak ng aking luha. Ang wala o maikling buhok ang isa sa dahilan ng insecurity ni Zoey.
“Pero nung makita kong ipinost niya, nagpaalam ako na ipo-post ko rin. Hanga ako sa tapang ng aming panganay. I love you, Zoey,” lahad pa ni Anthony.
Sa naunang post ni Anthony ay naikuwento nito na isang taon ng nakikipaglaban sa sakit ang kanyang panganay.
“Eksaktong isang taon na pala mula nung subukin ang aking pamilya ng isang karanasang hindi namin makakaya kung kami lamang. Bandang alas dos ng madaling araw, ginising ako ni Zoey na umiiyak dahil napakasakit daw ng kaniyang mga binti hanggang sa kaniyang hita.
“Nanalangin kami ng taimtim sa Ama at saka nagpasyang magtungo sa Delos Santos Medical Center. Andun kaagad ang aking Kumpadreng Doktor, si Doc Frank Detabali.
“Inasikaso kami pati ng kaniyang anak na Doktor din na aking inaanak na si Paola. Si Doc Frank ay isang orthopedic surgeon, akala kasi namin ay isang sakit na may kinalaman sa buto ang sanhi ng mga kirot na idinadaing ni Zoey.
“Ngunit mas malubha pala (crying emojis). Si Zoey ay inilipat namin sa katabing hospital na St Lukes sa pangangalaga ni Doc Allan Robert Racho. Doon nakumpirma, ang aming panganay ay may bone marrow disease na sa bandang huli ay natukoy bilang LEUKEMIA,” detalyado niyang kuwento.
Patuloy ni Anthony, “Parang guguho ang mundo naming mag-asawa lalo’t si Zoey na noon ay 11 taong gulang pa lamang, ay nakikita naming nahihirapan.
“Walang tigil ang aming pananalangin, kahit gusto sana naming ikubli sa aming anak ang pagluha upang ipakita sa kaniya na kami’y matapang at malakas subalit tuwing kami’y dudulog sa Diyos ay hindi maiwasan na kami’y tumangis.
“Ang pangunahing laman ng aming ang mga pagdaing — alisin ang kirot at hapdi at kung puwede ay ako na lamang bilang ama ang magdanas para sa aming anak.
“Oo nga at may magaling na Doktor, oo nga at merong mga gamot at pasilidad subalit lahat ay walang halaga kung hindi ipapahintulot ng Diyos na si Zoey ay gumaling.
“Pabalik balik ang aming anak sa ospital subalit ang hindi namin kinalimutan ay ang tagubilin ng aming Namamahala, ang Kapatid na Eduardo Manalo na ipagpatuloy ang pagpapanata at pagpapahid ng langis kay Zoey na kalooban ng Panginoong Diyos.”
Sa kasalukuyan ay patuloy daw na umaayos ang kalagayan ni Zoe.
Nagbigay din ng mensahe si Anthony sa kanyang anak.
“Salamat sayo, Anak… Zoey… inspirasyon ka namin dahil sa yong katapangan at lakas. Wag kang mag-alala, maganda ka pa rin! Mahal na mahal ka namin ng Mommy mo at ni Helga,” pahayag ng ama sa kanyang anak.