KAPAG TINATANONG natin ang ating mga anak kung ano ang gusto nilang “maging” kapag lumaki na sila, nababanggit ba nila ang salitang “politiko?” Ang kadalasang sagot ay ang pagiging doctor, abogado, inhinyero, guro at pulis ang karaniwan na rin nating inaasahang sagot, ‘di ba? May mga kakilala ka ba na simula’t sapul ay gusto na maging politiko?
Napapansin ko na sa ating bansa ay malaking bagay ang pamilya sa pagiging politiko ng isang tao. Bukod pa sa karaniwang pagtingin ng diskursong sosyolohiya na ang pamilya ay isang malaking puwersa na nag-uudyok sa tao sa mga desisyon nito sa buhay, may isang katangian ang mga political dynasty na mahalaga sa pagiging politiko ng isang tao.
Sa artikulong ito ay pag-uusapan natin ang isyu sa tinatawag nating dinastiya ng mga politikong pamilya rito sa Pilipinas. Ano ba ang kahalagahan ng anti-dynasty law? Paano ito makaaapekto sa ating politika? Pag-uusapan din natin ang kalikasan ng pagiging isang politiko, kung papaano ito dapat kumilos at ang karakter na dapat mayroon ito gaya ng mga karakter na mayroon ang mga doctor, guro at iba pang mga propesyunal.
ANG PANUKALANG-BATAS na anti-dynasty law na nasa Kongreso ngayon ay isang hakbang na raw para sa paggapi sa lumalalang political dynasty sa Pilipinas. Hindi na siguro bago sa atin ang mga pangalan sa politika na nag-uugat pa sa kasaysayan ng ating bayan. Halimbawa ay ang pangalang Roxas na taglay ni DILG Secretary Mar Roxas. Si President Manuel Roxas ang unang pangulo ng Republika ng Pilipinas pagkatapos pagkalooban tayo ng mga Amerikano ng kasarinlan o soberenya noong July 4, 1946.
Maging ang pangalang Aquino sa politika ay nag-uugat din sa kasaysayan. Si Benigno Aquino Sr., na ama ng bayaning si Ninoy Aquino at lolo ni PNoy ay malaki rin ang ginampanang bahagi sa gobyernong Hapon sa Pilipinas bilang pangalawang pangulo, kung saan si Jose P. Laurel ang naging pangulo, na isa ring prominenteng pangalan sa political dynasty.
May mga bagong usbong din na pangalan na naging political dynasty na rin dahil sa ang mga kapamilya gaya ng asawa, mga anak, pamangkin at kapatid ay pawang nasa pulitika lahat mula sa pagiging konsehal, mayor, kongresista, gobernador at senador. Isang halimbawa nito ang naglalabang mga pangalan sa politika gaya ng Binay at Cayetano. Ang magkapatid na Pia at Alan Cayetano sa Senado, ang asawa ni Alan na mayor sa Taguig at mga kapatid nitong kongresista ay isang bagong political dynasty ngayon sa Pilipinas. Si VP Jejomar Binay na ang asawa ay naging mayor din at mga anak na mayor ng Makati, kongresista at senador ay masasabing isang bagong uri rin ng political dynasty.
ANG TANONG ay dapat bang alisin o limitahan ang political dynasty sa Pilipinas? Ang panukalang-batas na anti-political dynasty ay naglalayong limitahan lamang ang dinastiya sa politika ng mga pamilya. Ito raw ang unang hakbang sa puntong “anti-political dynasty” ng ipinapanukalang batas. Ngunit ang pangamba ng marami ay hindi ito maipapasa bilang batas dahil karamihan nga sa Kongreso at Senado ay pawang mga produkto ng dinastiya at ito ay banta sa kanilang mga angkan.
Ang pagiging bahagi ng isang political dynasty ay isang katangian ng pamilya na nakalalamang sa mga gustong tahakin ang pagpupulitika na hindi nagmumula sa isang political dynasty. Bukod sa yaman ay maipluwensya rin ang kanilang mga pangalan. Ang kasikatan ng pangalan ay malaking adbentahe sa pagkakapanalo sa politika kaya marami ring mga politiko na nagmumula sa hanay ng mga artista at celebrity gaya ng mag-asawang Manny at Jingky Pacquiao.
Ang hindi maganda sa sistemang dinastiya ay hindi nakikita ang kagalingan at pagkahanda ng isang kandidato dahil dinadala lamang siya ng kanyang pangalan. Suwerte na lamang kung nanalo ang isang politiko dahil sa kanyang pangalan at magaling pala talaga ito. Ang paglilimita ng kapangyarihan sa gobyerno sa iilang pamilya ang pinakamasamang epekto ng dinastiya dahil pinapatay nito ang esensya ng demokrasya. Ang political dynasty ay isang pagbabalik sa barbarikong panahon ng oligarkiya at aristokrasiya kung saan hindi ang mga taong-bayan ang makapangyarihan kundi isa o iilang aristokratang pamilya lamang.
HINDI RIN siguro maaaring maikumpara ang pagiging politiko ng isang tao sa impluwensya ng pamilya sa mga pamilyang doktor, abogado, guro at iba pa. Una ay ang mga karerang pagdudoktor at pagiging titser ay isang pagpiling personal. Ang ibig sabihin ay nagiging doktor at guro ang isang tao dahil personal niya itong gusto, bukod pa sa impluwensyang dala ng kanyang pamilya na puro doktor o guro ang mga ito.
Ang pagpili sa pagiging politiko ay hindi dapat personal kundi dapat ay may pag-uudyok din mula sa taong nagsasabing ikaw ay nais nilang maging pinuno. Ito ang esensya ng demokrasya sa pagpili ng politiko para maglingkod sa taong bayan.
Pangalawa ay hindi rin naman dapat ituring ang pagiging politiko bilang isang karera dahil hindi dapat ito pinagkakakitaan. Ang paglilingkod-bayan bilang isang politiko ay isang marangal na paghahandog sa sarili nang walang kapalit. Ito ang tunay na serbisyong-bayan. Isang uri ng paglilingkod sa taong-bayan nang wala dapat kapalit na kaginhawaan para sa sarili.
NANINIWALA AKO na ang pagiging politiko ay isang bagay na hindi pinagpaplanuhan bagkus ay nagaganap lamang bugso ng mga pangyayaring nagdadala sa kanya para maging lingkod-bayan. Maaaring isang napaka-“ideal” kung tawagin ang sinasabi kong mga katangian ng isang politiko. Ngunit ito lamang ang tiyak na magagarantiya na ang mga susunod na politiko ng ating bayan ay tapat at mahuhusay.
Minsan hindi naman masama ang mangarap ng “ideal” dahil ang tagumpay ng bawat tao ay nagsisimula sa kanyang mga pangarap. Ito ang nagbibigay-inspirasyon sa ating lahat. Kung mangangarap tayong lahat na darating ang panahon na wala ng political dynasty sa ating bayan ay mangyayari rin ito.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-87-TULFO at 0917-7-WANTED.
Shooting Range
Raffy Tulfo