DALAWANG NILIKHA NA iniikutan ng mundo ng aking di-mapipigilang pagtanda. Kung totoong may anghel sa lupa, sila ang katibayan. Mga paslit kong apo.
Si Anton, 15, ay first year high school sa Ateneo. Si Daniela, 12, ay Grade IV sa Poveda. Matatalino. Malulusog. Masasaya. Makukulit. At paminsan-minsan, pasaway. Tsampyon sa text at computer. Pataba sa puso na pagmasdan ko sila habang nag-aaral, naglalaro, kumakain, at kahit natutulog.
Bakit ganito na lang ang kaligayahan ng isang lolo sa kanyang mga apo?
Tubo sa puhunan. Laman ng aking laman. Ngunit sa aking malalim na pananaw, may higit pang malalim na dahilan.
‘Di lalaon, sina Anton at Daniela ay palalaot na sa maalong dagat ng buhay. Bilang kalasag, pinalaki sila ng kanilang magulang na mapagmahal sa Diyos, sa bayan, sa kapwa lalo na sa mahihirap. Hinubog sila na magkaroon ng positive attitude sa buhay. Character. At determinasyon na pagtagumpayan ang mga balakid sa mundo.
Sa edad na 68, naramdaman ko na palamig nang palamig ang haplos ng hangin sa dapit-hapon. Konting oras na rin ang aking naitutulog. ‘Pag minsa’y laging balisa, natatakot, nagmumuni-muni. Malayo na rin ang nalakbay ko sa mundo. Sa lahat-lahat, napakabait sa akin ng Panginoong Diyos. May mga pangarap na natupad. May mga pangarap na nasawi. ‘Ika nga, para bang sa edad kong ito, naghihintay na lang ako ng final roll call. Ito ay pinaghahandaan ko.
Sa aklat ng aking mga ginintuang alaala sa mundo, ang pangalang Anton at Daniela ang una at huling letra.
ANO ITONG TSISMIS na lalong naging sexy at kaaya-aya ang kasalukuyang Labor Secretary?
Oks lang. Kailangan ng bayan ng isang personable Labor Secretary sa pagharap niya sa mga foreign guests at sa paglilibot niya sa ibang bansa. Kapansin-pansin na si Secretary Rosalinda Baldoz ay low-profile at hindi masyadong nagga-grandstand sa media. Trabaho lang. Tahimik ngunit effective. Isa siya sa mga rare assets ni P-Noy.
Sana’y gayahin siya ng ibang miyembro ng gabinete. Sana’y ‘wag niyang lubayan ang pagtulong sa mga OFWs at pagbubuo ng industrial peace sa labor front. Cheers!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez