Angeline’s teleserye debut; balik-tambalang John Lloyd-Bea, palpak
ANYARE AT hindi nagtagumpay ang unang sabak ni Angeline Quinto sa pag-arte sa kanyang kauna-unahang teleserye na Kahit Konting Pagtingin. May mga nadismaya sa acting skills ng singer sa nasabing soap bukod pa sa marami rin ang hindi nagustuhan ang love triangle nila ni Sam Milby at Paulo Avelino. Marami kasi ang pumuna na hindi talaga nakaaarte ang hitad at puro pagpapa-cute lang. Sigaw ng mga mahadera, sa pag-awit na lang mag-focus si Angeline kesa umarte sa telebisyon o pelikula.
Kung hindi nag-hit ang first ever teleserye ni Angeline, hindi naman kinagat ng televiewers ang balik-tambalan sa telebisyon nina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo sa A Beautiful Affair. Matagal na nasabik ang mga tagahanga ng dalawa sa kanilang pagbabalik sa primetime, pero hindi umubra ang pinagkagastusang serye na kinunan pa ang ilang eksena sa Vienna, Austria. May mga nagsabing hilaw ang istorya, kahit pa naging panlaban ang galing sa pag-arte nina Lloydie at Bea kasama sina John Estrada at Eula Valdes. Dahil sa mababang rating, agad ding tsinugi ang nasabing drama serye.
Expensive films nina Marian, Ai-Ai, Piolo at Gerald, nilangaw
TINAWAG NAMAN na ‘Semplang Queen’ si Marian Rivera matapos hindi tangkilikin ang pelikulang Kung Fu Divas na pinagsamahan nila ni Ai-Ai delas Alas. Ito nga raw ang maituturing na pinaka-flop na pelikulang ginawa ng Comedy Queen na sinasabing hinila pababa ng Kapuso actress pagdating sa box-office appeal. Ang masakit pa, isa si Marian sa co-producer ng nasabing pelikula at talagang ginastusan ang visual effects na pang-Hollywood pa, pero nilangaw lang sa takilya. Sa laki ng ginastos sa Kung Fu Divas, P32,772,204 lang ang overall na kinita nito.
Isa pa ring ginastusan nang malaki ay ang pelikulang OTJ (On The Job) na hinangaan internationally ang first action film na ito nina Piolo Pascual at Gerald Anderson. Pinuri man ang pelikula abroad, inalat naman ito sa ating sariling bansa dahil tila hindi sinuportahan ng Pinoy viewers. Umabot sa P50 milyon ang production cost ng OTJ na pinaniwalaan nilang makababawi sa pagpapalabas sa takilya sa pamamagitan ng word of mouth pero hindi rin maganda ang naging resulta at kumita lamang ng P13,459,037. Flop man sa ‘Pinas, balitang magkakaroon naman ito ng Hollywood remake kaya baka sakaling makabawi.
Richard Gutierrez, ‘malas’ sa leading ladies
HINDI ITO ang taon ni Richard Gutierrez pagdating sa pelikula at teleserye dahil parang minalas ang aktor sa mga naging leading lady niya sa mga ginawang projects.
Unang natikman ang nasabing kamalasan sa muli nilang pinagsamahang pelikula ni Marian Rivera sa GMA Films, ang My Lady Boss. Maaalala na naudlot ang pagpapalabas nito dahil tila nabahag ang management sa katapat na pelikulang It Takes A Man and a Woman nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo sa Star Cinema. Nang ipalabas na sa mga sinehan ang My Lady Boss, kumita lang ito ng kabuuang P19, 452, 412 sa takilya, na masasabing isang certified flop. Malaki ang pagkakaiba nito sa naunang pelikula ng dalawa na My Bestfriend’s Girlfriend na isang box office hit ngunit ang nangyari sa My Lady Boss ay totoong nakadidismaya.
Kung malas si Chard sa balik-tambalan kay Marian, mas lalong minalas ang anak ni Bisaya sa pakikipagtambalan kina Solenn Heussaff at sa true to life girlfriend na si Sarah Lahbati sa pelikulang Seduction ng Regal Films. Kahit pa maganda ang naging reviews sa nasabing pelikula ni Direk Peque Gallaga, hindi naman naramdaman sa mga sinehan. Hindi rin naging effective ang pagpapakita ng puwet ni Richard at ilang mapangahas na sex scenes. Bakit, wala na bang interesado? Umabot lang ng P3.67 milyon ang kinita na isa yata sa pinakanilangaw na local films ngayong taon.
Minalas din si Richard sa kanyang leading lady na si Bella Padilla sa ginawa nilang teleserye sa Siyete, ang Love and Lies. Ilang linggo lang tumagal sa ere ang primetime serye na may tema pa namang aksyon. Mukhang hindi kinagat ng mga manonood ang tambalang Richard at Bela dahil ang alam namin, si Lovi Poe talaga ang orihinal na makakapareha sana ng aktor ngunit hindi natuloy. Ano ‘yon, hinila pababa ni Bela ang kanyang leading man dahil sa hindi naman talaga siya kasikatan?
Una at muling subok, waley pa rin
ILAN NAMAN sa mga hinahangaan nating taartits at showbiz personality na sumabak sa pulitika ang minalas at natalo, lalo na ang mga baguhan na noon ay malakas ang bulung-bulungan na malaki ang tiyansang manalo, pero naligwak naman sa boto ng taumbayan.
Una, nabigo ang aktor na si Aga Muhlach na pamunuan ang ikaapat na distrito ng Camarines Sur matapos matalo kay Wimpy Fuentebella sa dikitang laban na nagkaroon pa ng pagsugod mula sa avid fans ng aktor matapos na padapain ng kanyang kalaban. Inakusahan din ng dalawang panig ang isa’t isa na nandaya. Iginiit pa ng aktor na ang ilang boto para sa kanya ay hindi nabilang, habang ang hirit naman ni Fuentebella ay ang pag-angkin ni Aga sa conditional cash transfer program ng DSWD, ngunit pinulot lang naman sa kangkungan ang mga nasabing akusasyon ng dalawa sa isa’t isa. Hindi umepekto ang kaguwapuhan at kasikatan ni Morning sa mga botante kaya tama lang na manahimik na lang sa showbiz at ‘wag nang pasukin ang politics.
Naligwak din sa pagka-kongresista sa first district ng Cebu ang first timer ding si Annabelle Rama. Tinalo si Rama ng re-electionist na si Raul del Mar. Ayon sa anak na si Richard Gutierrez, wala naman daw itong pinagsisihan sa pagtakbo sa eleksyon, malaki raw ang naitulong nito para maging buo silang pamilya at maging close sa mga kababayan sa naturang lalawigan. Mukhang hindi umubra ang pagiging Bisaya ng kontrobersyal na manager sa mga Cebuano.
Kung hindi naging matagumpay ang pagiging first timer nina Aga at Annabelle, hindi pa rin pinalad na makasama ni Richard Gomez ang misis na si Lucy Torres sa pulitika dahil natalo rin bilang mayor ng Ormoc City. Dalawang beses nang tinangkang pasukin ng aktor ang tinaguriang‘dirty world’, una ay noong 2007 kung saan tumakbo siya sa pagka-senador at noong 2010 na tumakbo bilang congressman sa Leyte ngunit na-disqualify dahil sa residency issue. Pero never give up pa rin si Goma, kaya ang resulta waley pa rin sa ikatlong pagkakataon.
Tulad ni Aga, pagtuunan na lang ni Richard ang pagiging artista dahil hindi para sa kanila ang mundong ‘yan. At para naman kay Tita Annabelle, better luck next time at pagtuunan na lang ng pansin ang showbiz career ng mga alaga.
Photos by Mark Atienza, Luz Candaba, Ronnie Bernaldo, Fernan Sucalit & Parazzi Wires