MUKHANG ANG gobyernong Aquino ay halos hindi na makatulog sa pagiging abala sa nalalapit na Asia Pacific Economic Cooperation (APEC). Hindi pa man dumarating ang mga araw na idaraos ang APEC sa bansa ay ramdam na ang traffic at tensiyon sa kalsada.
Makikita na rin ang mga magagarang sasakyan na gagamitin sa APEC na umiikot na sa buong Maynila para masubukan ang daloy at lagay ng traffic. Kabi-kabila na rin sa telebisyon ang mga paalala sa publiko hinggil sa cancellation ng mga flights sa Ninoy International Airport (NAIA). Ngunit sa lahat ng ito, saan makikita ang pagkakaugnay nito sa mga mahihirap?
Sapat na bang isipin na ang usap-usapan na makatatanggap ng P4,000 ang mga homeless na pamilya ngayong panahon ng APEC ang direktang tulong at ginhawang dala ng APEC sa mga maralitang taga-lungsod?
Hindi ba napaka-artipisyal naman ng tulong na ganito at pansamantala lamang. Pagkatapos naman ng APEC ay magbabalik din ang mga homeless na pamilyang Pilipino sa mga kalsada at muling sasabak sa dating mapanganib na pag-inog ng kanilang buhay.
Nasaan at papaano rin maiuugnay ang kapakanan ng mga ordinaryong manggagawa sa APEC? Giginhawa ba ang kanilang buhay? Tataas ba ang kanilang mga sahod? Gagaan ba ang kalbaryo ng kanilang biyahe patungo sa kanilang mga trabaho at opisina? Mababawasan ba ang traffic? Matitiyak na ba ang kaligtasan nila mula sa mga masasamang elemento gaya ng mga holdaper at isnatser sa kalsada?
ISANG PANANDALIANG sulusyon at pakitang-tao lang naman ang ginagawa ng gobyerno ngayon dahil gusto lang magpasikat ni PNoy sa ibang mga lider ng bansang bahagi ng APEC. Kung sa bagay ay kahihiyan din naman nating lahat ang nakasalalay rito o national pride, ‘ika nga.
Ngunit dapat naman sigurong maging sinsero ang pamahalaan sa pagtulong sa mga homeless. Hindi naman makatarungan na itinatago lang sila at hindi binibigyan ng tunay na pabahay. Sa laki ng savings o underspending ng pamahalan sa buong taon, sana man lang ay matayuan sila ng isang tenement malapit sa lugar ng kanilang mga trabaho.
Ang totoo ay ang kaligtasan lang naman ng mga delegado sa APEC ang pinagtutuunan ng pansin ng gobyerno. Ang mga ordinaryong manggagawa ay patuloy pa ring pumupusta sa kapalaran na sana ay hindi sila mabiktima ng masasamang loob habang nasa labas sila ng kanilang mga tahanan o maging sa loob nito.
Patuloy pa rin kasi ang mataas na bilang ng mga kasong krimen lalo na sa Metro Manila. Tila ngayon ay ang tutok ng pagbabantay ng mga pulis ay sa mga bisita na lang ng APEC. Papaano naman ang kaligtasan ni Juan at Juana Dela Cruz? Baka naman mapabayaan na sila sa panahon ng APEC?
Ang kalbaryo ng biyahe patungo sa trabaho at opisina ng mga ordinaryong manggagawa ay tiyak na mas hihirap pa dahil sa APEC. Nakita naman natin ang mga special lanes na ginawa para sa mga delegado ng APEC. Tiyak na lalong sisikip ang kalsada dahil nabawasan ang lanes sa EDSA at isinara ang ilang mga pangunahing kalsada gaya ng Roxas Boulevard.
Malinaw na ang biyahe lamang ng mga kasali sa APEC ang gaganda at tiyak na suwabe. Ang mga ordinaryong manggagawa na etsa-puwera sa APEC ay magdurusa gaya ng dati. Para kanino ba talaga ang APEC?
KUNG ANG APEC ay para sa mahirap, dapat ay guminhawa ang kanilang buhay sa pamamagitan ng isang permanenteng solusyon sa mabigat na traffic araw-araw. Hindi ‘yung ang mga bisita lamang ang giginhawa at patuloy na magtitiis ang mga mamamayan sa traffic.
Isang permanenteng solusyon at hindi lamang panandalian gaya ng pagkakansela ng mga pasok sa eskuwela. Kung tutuusin ay maraming napeperhuwisyo ang paraan ng paghahanda ng gobyerno ni PNoy sa APEC.
Kung totoong para sa mahirap ang APEC ay dapat payagan na ni Pnoy ang pag-aamyenda sa batas para bumaba ang kaltas sa sahod ng mga manggagawa mula sa personal income tax. Kaya naman talagang ibaba ito, ngunit tila matigas lang ang puso at ulo ng pangulo para sa batas na ito.
Tiyak naman na mararamdaman ng lahat ng ordinaryong manggagawa ang ginhawa sa buhay kung mas malaki na ang kanilang mauuwi at magagastos na pera mula sa kanilang suweldo, dahil maliit na ang bawas mula sa binabayarang personal income tax.
Kung ang APEC nga ay para sa mahirap, dapat makita ng publiko ang konkretong epekto nito sa ating lipunan. Dapat ay hindi lamang matatapos ang gaan ng buhay sa pagtatapos din ng APEC sa bansa.
Hindi dapat bumalik sa pagtitiis ang mga tao at isang tunay na repormang pang-ekonomiya ang dapat nilang ipatupad. Ang pagpapababa ng personal income tax na nga siguro ang pinaka-konkretong magagawa ni Pnoy kung talagang gusto niyang maramdaman ng mga tao ang tunay na diwa ng APEC.
MAS MAIGI pang siguraduhin natin ang repormang ito sa pagbubuwis, partikular sa ating personal income tax return sa pamamagitan ng pagsuporta natin sa mga pagkilos na gagawin sa panahon na gaganapin ang APEC dito sa bansa, para maipanawagan kay PNoy na suportahan na niya ang batas na ito!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo