MAYROONG 20 leaders ang sigurado ng dadalo sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit na gaganapin mula ika-18 hanggang ika-19 ng buwang kasalukuyan. Hinihintay na lamang ang kompirmasyon ng bansang China kung dadalo ang kanilang pangulo na si Xi Jinping.
Sinabi naman ni Deputy Presidential Spokesperson Abigail Valte na hindi naman sobrang garbo at naiiba ang paghahandang ginagawa ng pamahalaan kumpara sa mga ginawang paghahanda noon ng mga nakaraang administrasyon. Nilinaw rin ni Valte ang isyu hinggil sa “no-fly zone policy” ng Ninoy Aquino International Airport terminals kung saan ay bukas na muli ito sa publiko ng November 18, dahil nasa bansa na ang mga delegado sa araw na ito. November 17,19 at 20 naman ipatutupad ang “no-fly zone policy”.
Sinabi rin ni Valte na ang mga apektadong kalsada sa Metro Manila ay napaghandaan na at mayroon nang mga traffic advisory para makaiwas ang mga motorista sa maaaring matinding traffic na maidudulot ng APEC. Nakahanda rin sila sa inaasahang kritisismo na maglalabasan sa araw na magsimula na ang summit. Sa kabila ng lahat ng ito, makabubuti umano ang pagdaraos ng APEC sa Pilipinas dahil 1996 pa nang huling ganapin ang APEC sa bansa.
SA KABILA ng paghahanda ng pamahalaan sa APEC, kabi-kabila naman ang mga problemang hinaharap ng bansa at nakaaapekto na ito sa pinaghahandaang APEC summit ng pamahalaan. Maging ang United Nations (UN) ay nagbigay na rin ng babala sa kanilang mga staff at sa mga kasaping bansa na mag-ingat sa pagbisita sa Pilipinas dahil sa panganib ng “tanim-bala” na pinaniniwalaan ng marami na isang organisadong sindikato.
Tila hindi kasi masupil ng kinauukulan ang problemang ito dahil habang umuusad ang mga araw mula nang pumutok sa media ang “tanim-bala” modus operandi ay mas dumarami pa ang mga taong nakikitaan ng bala sa kanilang mga bagahe. Mas dumarami pa ang mga nagrereklamong sila ay naging biktima ng “tanim-bala”.
Iba naman ang pagtingin ko rito habang tumatagal ang pangyayari at mas dumarami ang nagiging biktima umano ng “tanim-bala”. Kung iisipin kasing maigi ay natural lamang na magpalamig muna ang sindikato sa likod nito kung totoo ngang sila ang may gawa ng “tanim-bala”. Pero bakit tila lalong sinasadyang magpahuli ang mga pasaherong kinakitaan ng bala sa kanilang mga bagahe? Malinaw para sa akin na posibleng ito ay isang estilong paninira lamang sa pulitika.
MADALI NAMANG kumausap ng isang kasapakat sa planong sirain ang pamahalaan at kandidato nito sa eleksyon. Magkano lamang ang ticket sa eroplano o piyansang madaling bayaran ng isang makapangyarihang pulitiko o partido para maisagawa ang kanilang demolition job. Halata kasing sinasamantala lamang ng isang grupo ang kasikatan ng “tanim-bala” para tuluyang ilubog sa kahihiyan ang pamahalaan, lalo’t palapit na ang APEC.
Ang mas malaking problema ay hindi lamang ang pamahalaan ang apektado rito, kundi pati na rin ang ating ekonomiya, at sa huli ay ang kabuhayan na ng ating mga mamamayan. Kung sino man ang nasa likod nito, dapat bitayin para mabawasan naman ang mga demonyo sa Pilipinas.
Unahin na ring dapat sibakin sa puwesto ni PNoy ang mga namumuno sa mga paliparan ng NAIA dahil sa kapalpakan nilang resolbahin ito bago pa kumalat sana ang isyu sa buong mundo. Ngayon, kalat na sa buong mundo ang “tanim bala” at nakahihiya tayong lahat dahil dito.
DAPAT NA ring tanggalin sa puwesto ang pamunuan ng Bilibid sa Muntinlupa dahil sa huling raid na isinagawa ng NBI ay muling nakakuha ang mga ito ng malalakas na kalibre ng baril mula sa mga kubol ng mga malalaking personalidad na preso. Tila handa na sa isang giyera ang mga preso dahil sa dami ng mga baril at taas ng mga kalibre nito. Natagpuan din ang mga dati nang kinumpiska na mga gamit gaya ng LCD TV, refrigerator, at iba pang magagarang kasangkapan.
Halatang nabubuhay pa rin sa karangyaan ang mga presong ito sa kabila ng dapat ay pinagdurusahan nila ang parusa sa kanilang mga kasalanan. Ang tanong ay bakit patuloy na nakapapasok ang mga baril at gamit sa loob ng bilibid? Malinaw naman ang sagot dito na ang mga pamunuan diyan sa bilibid ay bayaran at patuloy ring nakikinabang sa mga mayayamang preso.
Tila nasasayang naman ang pagpapaganda ng pamahalaan sa imahe ng Pilipinas kung magpapatuloy ang ganitong kabulukan sa NAIA at Bilibid. Paano mo maipagmamalaki sa APEC ang bansa kung ang lalantad sa balita ay mga ganitong kapalpakan sa mga ahensya ng gobyerno.
HANDA NA nga ba ang Philippine National Police (PNP) para sa seguridad ng mga bisitang dadalo sa APEC? Kahit na ipinagmamalaki ni Chief Director Joel Pagdilao na siya mismo ang nagsagawa ng isang “walkthrough” sa security preparations nila para sa APEC, tila hindi na maiaalis sa isip ng mga delagado ang pangamba dahil isa na namang kaso ng pagdukot sa mga bisitang banyaga ang naganap sa kamay ng mga Abu Sayyaf.
Apat na bilyon o tag-iisang bilyon ang hinihinging ransom money ng Abu Sayyaf sa bawat bihag nila. Tiyak na sakit na naman sa ulo ito para sa ating lahat. Paanong makakukumbinsi tayo ng mamumuhunan dito sa bansa kung alam nilang nanganganib ang buhay nila sa kamay ng mga kidnappers na ito. Matagal nang problema ang Abu Sayyaf, ngunit hanggang ngayon ay patuloy ang kanilang paghahasik ng lagim.
Sa ganitong kalagayan ng bansa ay tiyak na APEC-tado na ang lahat!
Makinig at manood ng Wanted Sa Radyo 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ito ay naka-simulcast din sa 101.9 FM sa Cebu at Davao. Sa Cagayan de Oro ito ay kasabay na napakikinggan din sa 101.5 FM at sa 97.5 FM naman sa General Santos City. Samantalang sa Bacolod City naman ay sa 102.3 FM.
Ang inyong lingkod ay mapanonood din sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:00 nn.
Mapanonood din ang inyong lingkod sa T3: Alliance sa TV5 sa bago nitong oras tuwing Linggo, 1:30 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo