TAMA, NAGSIMULA na ang APEC week…. Nagsimula na nga ang APEC week. Kahit dalawang araw pa lamang ang lumipas, kay raming mga Pinoy ang naapektuhan sa dulot ng APEC. Sabihin na lang din natin, kay raming APECtado. Anu
-ano nga ba ito?
Noong nakaraang linggo lamang, ako ay gumawa ng artikulo patungkol sa mga APEC advisories na dapat malaman ng publiko. Pauna na riyan ang APEC traffic advisory. Maraming kalsada ang isinara, maraming bagong traffic rules ang ipinatupad. May mga EDSA lanes na isinara para lang sa mga APEC vehicles. Noon pa lang, busog na busog na tayo sa mga paalala. Pero Lunes pa lang, kayraming APECtado sa matinding traffic na naganap. Lalo na ang mga patungong South, juice colored! Walkathon ang ganap ng mga tao partikular na ang nga mamamayan na pumasok sa trabaho, dahil hindi pa naman kanselado ang pasok sa mga pribadong sektor. Kung dati-rati, inaabot ka na ng isa’t kalahating oras patungong trabaho, aba sa simula pa lang ng APEC week, tatlo hanggang apat na oras ang inabot ng iba nating mga kaibigan. Siyempre papunta pa lamang iyon, idagdag mo pa ang pauwi. Puwedeng-puwede ka na ngang tumira sa kalsada, total mas matagal pa ang inalalagi mo roon kaysa sa bahay. Kahit nga ang namumukod-tanging pag-asa ng mga south people na Skyway ay walang nagawa sa APEC traffic madness kasi para itong nagsilbing parking lot noong Lunes.
Dati-rati, delayed flights lang ang ating pinorpoblema sa tuwing may flight tayo patungo sa malalayong lugar mapa-local o international. Pero, kasabay ng obserbasyon sa APEC, marami ang cancelled flights. At magpa-hanggang ngayon, padagdag pa rin ng padagdag ang mga flights na kinakansela. Kay raming APECtado lalo na ang mga kaibigan natin na nagbabakasyon sa ibang bansa. Nakupo, bukod sa kukulangin na ang leave credits nila dahil sa super extended na bakasyon nila, mas mapagagastos pa sila dahil kailangan habaang ang stay sa hotel at siyempre ang pagkain din! Marami-raming supply dapat ng pagkain nang hindi gutumin. Ang iba nga, hindi na masyadong ma-enjoy ang bakasyon dahil sa pag-alala na kailan na ba mare-rebook ang flights nila. Dahil may kaibigan ako na hanggang ngayon, wala pa ring sumasagot sa e-mail niya para sa mga kinauukulan patungkol dito. Nagdadalawang-isip pa siya na tumawag dahil malaki ang charge nito dahil overseas call.
Bagsak din ang Philippine Stock Exchange Index o stock market natin dahil sa risk aversion na tinatawag. Ibig sabihin, kay raming sell off ang naganap lalo na sa emerging countries gaya natin dahil sa terrorism threats and attacks na naganap. Isang malaking factor ang Paris attack. Kaya noong Lunes, tayo ay nagsara sa halos 6700 level. Kay raming APECtado, pero kung kayo ang mga totoong investors, gagamitin n’yo ang oportunidad na ito para bumili o mag-invest pa para mababa ang presyo o mura ang mabibili n’yong stocks. Tandaan, cyclical naman ang merkado. Parang gulong ng palad lang ‘yan, minsan nasa ibabaw, minsan nasa itaas. Ang mahalaga, hindi ka naman maiiwan sa ibaba habang buhay.
Kay rami ngang APECtado sa APEC week, pero isipin n’yo rin lagi na may magandang maidudulot sa atin ang pagdaos ng APEC sa bansa. Maaari tayong makakuha ng mga direct foreign investments at mas makikilala pa ang bansa natin sa buong mundo. Kaya kahit kay raming APECtado, tayo ay maging positibo na lang.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo