Apo at Pan de Sal

MAHIGIT NANG 12 taon akong retiro. Apat na dekada akong parang hilong trumpo na naglingkod sa pribado at government sector. Napakahabang taon ng sari-saring karanasan, pagbubuo at pagtataguyod ng pamilya at paglilingkod sa kapwa at komunidad at paghahanda sa ‘di maiiwasang pagtanda. Sumaakin na ang pagtanda.

Sabi ng ‘di iilan, para raw akong sirang plaka. Wala nang ibang paksa kundi pagtanda. Subalit unawain ninyo ako. Darating din kayo sa pagtanda.

Mahirap sa paggising sa umaga ay wala akong malamang gawin. Ang routine ko’y magdasal, check-up ng blood pressure, magturok ng insulin at magbasa ng pahayagan. Sa pahayagan, una kong binubulatlat ay obit page. Susunod na ang front page at sports section. Ayaw ko nang magbasa ng kolum na karamihan ay negatibo. Nagdidilim ang umaga ko.

Bandang tanghali, sundo sa dalawang apo. Text sa kapatid, kamag-anak at kaibigan. Siesta time. Bandang alas-singko, brisk walk sa park at makinig ng 6:00 P.M. mass sa Christ The King Church, Q.C.

Sa gabi, tulog bago mag-alas-nueve. At sa pagtulog, panaginip o bangungot ang karanasan.

Ganito ang padaloy ng aking pagtanda. Karamihang oras at araw, nauukol din sa pagkonsulta sa manggagamot. Iba’t ibang discomforts ang binubuno sanda-sandali.

Ang balik-tanaw sa nakalipas ay nakabubusog ng alaala. Ang malakas na kabataan. Ang mga paghihimagsik at paglaban sa maraming hamon sa masalimuot na buhay. Ang paghaha-ngad sa katanyagan at kayamanan. Parang daloy ng tubig sa ilog, papunta kung saan.

May nakalimutan pala ako. Sentro rin ng a-king pagtanda ang dalawang bagay tuwing u-maga: pagbibihis ng apo papasok sa eskuwela at pagbili ng pan de sal sa panaderia. He, he, he.

SAMUT-SAMOT

 

LABIS NAMAN ang pagka low-profile ni Executive Sec. Paquito Ochoa. Ni isang abakada, wala akong narinig. Kabaligtaran siya ni DoJ Sec. Leila de Lima. Dada King, taguri sa kanya. Ngunit tila ayos lang ang pananahimik niya. No speak, no mistake. At saka nariyan din si USec Abigail Valte, kapatid ni De Lima sa ‘lanang kapararakang pagdada.

‘PAG NAKITA mo si dating DoJ Sec. Raul Gonzales, alam mong tapos na ang maliligayang araw. Payat, medyo namumutla at mabagal lumakad. Siya ang isang survivor ng kidney transplant sa kagandahang loob ng kanyang donor, kanyang driver. Halos tuwing Linggo ng 6:30 P.M., kasabay ko siyang magsimba sa Christ The King Church, Q.C. Si Gonzales ay napakahabang panahon ang pinaglingkod sa bayan sa maraming kapasidad. Ang kahuli-hulihan ay bilang DoJ Sec. sa panahon ni GMA. Nawa’y malasap niya ang katahimikan at ibayo pang kalusugan sa kanyang retirement.

ANG LAGIANG pagdarasal sa Holy Spirit ay magdudulot sa iba’t ibang biyaya. Sa mga masalimuot na suliranin ginagabayan ang ating isip sa wastong kalutasan. Sa maraming paglingun-lingon, binubuksan niya ating isip sa tamang direksyon. Malimit ang Holy Spirit ay may ibinubulong sa akin. Tulungan mo ito. Kaawaan mo sila. Magpatawad ka. At mga ito, aking isinasagawa agad-agad. Sa aking laging pagkatakot, Holy Spirit ang aking gabay at kalasag.

EKSAKTONG TATLONG beses ‘sang araw magsiyapan ang alaga kong love birds sa aking aviary. Para silang may relo.  Walang mintis o paltos ang takdang oras. ‘Di ba medyo kababalaghan ito? Kahanga-hanga rin ang sparrows of Capistrano. Sa takdang oras at minuto at araw ‘di maaaring ‘di sila – daang mga sparrow – ang bumabalik sa church belfry ng Capistrano. Taun-taon, ito ay tourist attraction. Kaya tumatanyag ang awitin “Where the sparrows come back to Capistrano.”

PANALO ANG Sarah G. Live! musical program ni Sarah Geronimo tuwing Linggo ng gabi. Top-rated sa ganyang primetime na oras. Kasama rin sa top-rated ay ang Rated K ni Korina Sanchez. Super entertaining ang Sarah G. Perfect script, guest choices, music at ang sexy – nguni’t ‘di bad taste – na dance numbers ni Sarah. ‘Ika nga, de kalidad. Malaking kaiba sa mga run-of-the-mill musical programs ng ibang istasyon. Cheers, Sarah! Superb production din ang Rated K ni Korina. ‘Di nauubusan ng human interest bits na super entertaining. At talagang tsampyon ang veteran host. Ganitong kalidad ay ‘di maabot ng ibang networks. Kaya no. 1 pa rin ang ABS-CBN.

SI DATING Sen. Jamby Madrigal ay isa na ‘ata sa pinakamadasaling taong aking nakilala. At sobrang generous pa. Nu’ng 2010 senatorial campaign, magkasama kami sa provincial sorties. Bago nagtalumpati sa isang bayan, ‘di maaaring ‘di dadaan sa simbahan. Kita ko ang taimtim ng kanyang panalangin. Bilang senadora, nagpamalas siya ng pagka-mahirap at kontra sa mga nang-aapi. Sana’y magsilbi muli siya sa bayan.

PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez

Previous articleAng Balut ni Dingdong Dantes!
Next articleSino ang hudas na kamag-anak ni Mayor?

No posts to display