NAKARAANG LINGGO ng gabi, naalimpungatan ako sa pagtulog nang biglang nagtitili sa tuwa ang aking dalawang apo na nanonood ng programa ni Vice Ganda sa Channel 2. Mabilis kong kinusot ang aking mata at bumulaga sa akin ay aking matagal at matalik na kaibigang Mon Tulfo. Aba, sumasayaw, kumukumpas, gumigiling at kumekembot. Graceful at sexy ang dating. Habang parang sinisilihan sa bibig si Vice sa katitili.
Kumislap ang nakalipas. Matagal nang aprub sa buhay ko si Tulfo. Nu’ng siya’y police reporter pa lang sa Times Journal, dekada ‘60, matalik ko na siyang kaibigan. Sa totoo lang, siya’y aking tinaguriang “what you see, is what you get” na nilalang at kaibigan. O isang taong “you just can either like or hate”. Walang puwang sa kanyang pagkatao ang pagka-ipokrito.
Sa unang impresyon, mapagkakamalan mong siya’y arogante at suplado. O brusko. Subalit sa likod ng mga iyon, siya’y may pusong mamon. Mapagpatawad. Mapagbigay. Mapagmahal.
Sa totoo lang, marami siyang kaaway sapagkat marami ang sakim, mapang-abuso at mapang-api. Full-cycle na ang buhay at karanasan bilang isang beteranong mamamahayag. Ang kanyang uri ng pagsulat ay pinakasimple, understandable at straight to the point. Ngunit malalim ang laman. Sa kasalukuyang henerasyon at hanay ng manunulat, siya lamang ang may angkin ng ganitong katangian. Kaya ang Inquirer kolum niya ay hinahanap, binabasa, binabantayan.
Ang pagmamalasakit sa mahihirap at naaapi ay second nature kay Mon. Wala siyang pag-aatubili at pagpapanggap.
Ang incident sa NAIA ay nakatakdang mangyari. ‘Di kailanman palalampasin ni Mon na ‘di ipagtanggol ang isang inaapi.
Aba’y nagluluksuhan pa sa tuwa ang dalawa kong apo. Sabay sigaw: “Lolo, look, wala nang blackeye si Mr. Tulfo.” He, he…
SAMUT-SAMOT
PINAKAMASARAP NA isdang natikman ko ay Maliputo. Isang special na isda na matatagpuan lang sa Taal Lake. ‘Pag may ayaw makipagbati sa ‘yo, regaluhan mo ng Maliputo. At presto, magkaibigan na muli kayo. Problema lang, unti-unti nang nawawala ang Maliputo. May nag-aabang na panganib ng fish kill sa Taal Lake dahil sa pollution at kapabayaan.
MATUNOG ANG balita ng racket ng Marikina Fire Dept. na inirereklamo ng mga nagpatayo ng bahay at gusali sa lungsod. Lagay muna bago release ng fire permit. Kung hindi hahanapan ka ng kung anu-anong butas at maghihintay ka hanggang katapusan ng mundo. Limang libo ang lagay bawat isang apartment door. Beinte mil flat sa isang bahay. Bukod pa rito ang pagbebenta mula sa kanilang supplier ng fire extinguisher.
MAY ISANG tirador ang hepe ng bumbero. “Sir, for the opis.” Maingat tumanggap ng suhol. Gumagamit pa ng guwantes para walang fingerprints. Pagkatanggap, karipas agad. May kasamang lookout. Ang tirador ay makisig na lalaki, kulot ang buhok at maraming suot na alahas. Humanda ka. Nabibilang na ang araw mo, demonyo.
ITO NA nga ang sinasabi natin. Matuwid na daan. Maaaring ang Pangulo at ibang opisyales, matuwid. Subalit sa gitna at ilalim ng bureaucracy, business as usual pa rin. Dating gawi. At baka masahol pa. Sa Bureau of Customs (BOC), walang pagbabago ang sitwasyon. At lumalala pa. Inutil ang mga namumuno. Sablay na sa target collection, ‘di pa masugpo ang corruption. Bakit nagtatanga-tangahan ang Pangulo?
MGA GIANT at mamahaling billboards ni TESDA Chair Joel Villanueva na nagkalat na sa Kamaynilaan. ‘Di ba bawal ang mga ito kagaya ng wang-wang? Maliwanag na ang dahilan. Isa si Villanueva na pinipisil na senatorial bet ng LP. Pesteng yawa. Ano ba ‘yan? Mr. Villanueva masyado ka namang ambisyoso. Magpa-kitang-gilas ka muna. ‘Di na kayo nadala ng tatay mo. Pangulo, paalis ninyo ang mga billboard na ito!
TAPOS NA ang boxing. Sa madaling salita, ito ang kinalabasan ng SWS at Pulse Asia surveys dated May 15. Abante-kalabaw ang Erap-Isko team sa tandem ni Mayor Fred Lim. At habang papalapit ang halalan, lalago pa ang agwat. 24 na konsehal at apat na kongresista nasa kampo na ni Erap. ‘Di pa kasama rito ang lahat halos ng barangay chairmen. Balitang panay ang inom ng tranquilizer ni Mayor Lim. Huwag sana siyang mag-overdose.
SA GITNA ng Hulyo magdaraos ng concert sa PICC Plenary Hall ang celebrated Glenn Miller Orchestra. SRO ito! Mahal ang ticket subalit puwedeng ipangutang. Mga sentimental at immortal old favorites ng Roaring 20’s ang gugunitain kasama ang kilalang Andrew Sisters. Ano ang mga repertoire? “Moonlight Serenade”, “You’ll Never Know”, “Chichanongga Boogie”, at iba pa. Kurot sa puso na paglalakbay sa ‘di malilimutang nakalipas. Problema, one day concert only sa Maynila. Pangalawa ay sa Cebu. Tara na!
ARISTOCRAT AT Max’s restaurants na lang ang nalalabi sa mga dating sikat na kainan sa Maynila nu’ng 60’s. Nasaan na ang Bulakeña, Victoria Peak at Peacetime? Iba ang takbo at simoy ng buhay nu’ng dekadang ‘yon. Tahimik, mura ang bilihin, ‘di pa complicated ang way of living. Beinte pesos ay puwede kang mag-night out sa Jimmy’s at Bayside. Hina-hanap-hanap ko ang dekadang ‘yon.
ISA NA lang ang pangarap ko sa buhay ang ‘di pa natutupad. Maging full-time farmer sa isang ‘di ka-layuang bukirin sa Kamaynilaan. Tagaytay sana subalit may kamahalan ang lupa. Trip kong magtanim ng okra, petsay, litsugas, talong at iba pang short crops. Trip ko ring mag-alaga ng native chickens, bibe at pato. Ang magbungkal ng lupa ay may leksyon sa kaluluwa. Ayaw ko na ng Kamaynilaan at iba pang makikinang na bagay sa mundo. Nais ko lang ang yakap ng Maykapal.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez