AMINADO ANG kampo ni Ara mina na hindi talaga siya pinapayagan ng kanyang lawyer na magpa-interview sa kahit anumang media tungkol sa naging sigalot nila ng kapatid niyang si Cristine Reyes. Makailang beses nang sinubukang lambingin si Ara ng kahit kumustahang interview lang sa Paparazzi Showbiz Exposed ng TV5, kaso mariing pakiusap din ni Ara na huwag na muna dahil bawal pa nga. Nakasampa na kasi ang kasong Grave Coercion at Libel sa piskalya laban sa kapatid.
Noong Biyernes, May 4, sa tulong na rin ng Executive Producer ng Untold Stories Mula sa Face to Face na si Miss Nel Rodriguez-San Luis, napagbigyan ni Ara ang Paparazzi ng isang maikling panayam, guest kasi si Ara sa episode na ‘Sagrada Pamilya’ na ipalalabas sa May 19, 2012, 10:30 a.m. Ang role dito ni Ara ay isang misis na iniwan ng labing apat na taon ng kanyang mister para sa sumama sa ibang babae. Nagkaanak daw sila ng isa.
Kinumusta namin ang pakiramdam ni Ara ngayon matapos ang kanyang sinuong na kalbaryo mula sa mga diumano’y masasakit na salita thru text ng kanyang kapatid na si Cristine. Maiksing sagot niya, “Okay naman ako, back to work na.”
Mula noong pumutok ang kontrobersiya sa kanila ni Cristine, obserbasyon ng marami na lahat halos ay kumampi kay Ara. Kahit sa mga write-ups ay puro simpatiya sa kanya ang mga paksa. Ano kaya ang nararamdaman niya sa pagbuhos ng suporta sa kanya ng mga tao? “Siyempre nakakataba ng puso. Eh, alam mo naman ako, totoo ang mga ipinapakita ko sa tao.”
Isa rin sa naging witness ni Ara noong nagsampa siya ng kaso kay Cristine ay si Bulacan, Bulacan Mayor Patrick Meneses. Nabanggit din kasi sa mga diumano’y texts ni Cristine kay Ara ang pangalan nito. Hanggang ngayon ay hindi pa nagpapa-interview si Mayor Meneses, pero nasa likod lang daw ito ni Ara at nakasuporta.
Napabalita na rin, mga isang linggo na ang nakararaan na gusto na diumanong maki-pagbati ni Cristine sa ate niya. Ayon kay Ara, “Statement na lang, magpapadala na lang ako ng statement, and then lumalabas naman lahat eh, pero magpapadala na lang ako ng statement.”
Matapos ang panayam sa nasabing location taping, nagpadala ng statement si Ara through text at na-ere rin ito kahapon sa programang Cristy Ferminute ng Radyo Singko 92.3 NewsFM at Aksyon TV. Narito ang buong statement ni Ara Mina tungkol sa pakikipagbati ni Cristine sa kanya:
“Nais ko pong kumpirmahin na nag-text sa akin si Cristine at nakikipag-ayos. Hindi po ako sumagot dahil hinihintay kong aminin niya ang kanyang nagawang pagkakamali at humingi siya ng paumanhin sa kanyang mga nagawa.
“Iba ho kasi ang pinapalabas niya sa media sa ginagawa niya. Matapos niya akong i-text ng pakikipag-ayos ay pinagsisigawan naman niya ang mommy namin. ‘Yun po ba ang nagsisisi? Masakit ang sugat na ginawa ng kanyang mga paninira sa akin. Siniraan niya ako sa maraming tao.
“Mali po ang ikinakalat ng kanyang kampo na ako ang nagsa-publiko ng mga bagay na ito. Si Cristine ang nanira sa akin sa ibang tao. Ginawa ko lamang po ang tanging paraan na nakita ko upang matigil ang ginagawa niyang paninira sa akin at upang mabigyan siya ng leksyon kaya po ako nagsampa ng kaso.”
“Sa awa po ng Diyos, tumigil na ang paninira niya sa akin sa text. Subalit walang pagsisisi on her part at sa kanyang ginawa. Paano mo patatawarin ang isang taong hindi naman uma-amin na siya ay may nagawang pagkakamali?
“Mahal ko ang kapa-tid kong si Cristine, pero kahit mabigat sa loob ko, kailangan ko gawin ito para proteksyunan naman ang sarili ko sa mga mapanira at mapanghamak na text niya. Hinihintay ko po ang public apology ni Cristine.
“Sabihin niya sa publiko na ang mga sinabi niyang paninira sa akin ay hindi totoo. Aminin niyang siya ang nagkamali at saka siya humingi ng tawad. Kapag nagawa na niya iyon, marahil ay maaari na kaming mag-usap upang maibalik ang dati naming relasyon na siya mismo ang sumira.
“Anumang sugat ay napaghihilom ng panahon. Subalit ang pagpapatawad ay ibinibigay lamang sa taong nagsisisi at humihingi ng tawad.”
Handa na ba si Ara na makipagbati sa ka-patid? “Hindi pa. Ayoko pang pag-usapan.”
Sure na ‘to
By Arniel Serato