NAGING VERY EXCITED nga ang Queen of All Media na si Kris Aquino sa paghahanda sa unang araw sa school ng kanyang bunsong si Bimby James. Kaya naman personal niyang ipinamili ng mga kagamitan ang anak, pati na rin ang panganay na si Joshua.
Ang wish lang ni Kris eh, maging super masunurin sa kanyang teachers at hindi maging pasaway ang anak na excited na rin namang maranasan kung ano ba ang feeling pumasok sa school gaya ng kanyang kuyang si Josh.
Pero bukod sa dalawang anghel niya sa buhay, nagsilbing ina ng bayan si Kris sa pagtupad sa pangakong binitiwan niya sa libu-libong Pilipinong nakasalamuha niya sa pag-iikot nilang magkakapatid sa campaign sortie ni P’Noy!
Kaya, katulong ang mga Ate niyang sina Viel, Ballsy at Pinky, kuta-kutakot na school supplies na ang personal nilang nadala sa ating kababayan, in time for school’s opening.
Naihanda na ni Kris ang sarili sa pansamantalang pamamaalam sa mga trabaho niya sa harap ng camera – sa hosting jobs niya sa The Buzz at SNN at sa Kung Tayo’y Magkakalayo. Halo naman ang saya at lungkot niya sa pagkakapili sa kauna-unahang Pilipinas Got Talent winner na si Jovit Baldivino at sa pagtatapos nito sa ngayon.
Pulitika na nga ang napipintong iikutan ng buhay ng Queen of All Media. Presidential Sister – ‘yun na ba ang bago niyang titulo?
IF LOOKS COULD KILL. Ito ang pagsasalarawang magagawa namin sa sumisingasing ngayon sa galit na si Ara Mina, sa masasabing panggagantso at pamamalasubas na ginagawa sa kanya ng promoter na nagdala sa kanya (uli!) sa Amerika, with sister Cristine Reyes and Bugoy Drilon, na si Guia (Alegria Nathalene) Natividad.
Hindi ito ang unang reklamo laban kay Natividad ng mga artistang nakatrabaho na niya at dinala sa Amerika para mag-tanghal doon. Pero sa bandang huli eh, masasabing short-changed, dahil kung ‘di nito gawan ng paghingi ng tawad sa mga talent fees ang mga artista, aalis na lang ang mga artista eh, hindi pa nito naibibigay madalas ang kabuuang bayad sa mga ito. Pawang mga pangako ang kanyang ihahain sa mga drama niyang huhulug-hulugan na lang ito o kaagad-agad na ihahabol o ipadadala ang naturang bayad.
Nakaulit pa kay Ara si Natitivad, dahil kahit na nabayaran siya nang buo nito noong nakaraang pagtatanghal niya roon last year with Toni Gonzaga and Vice Ganda, binarat-barat naman siya ni Guia sa mga kinita niya.
Sa mensahe sa akin ni Ara sa kanyang Facebook account, sinabi nitong hindi na nga raw makauulit pa sa kanya itong si Guia, na wala na ngang mukhang iharap sa kanya. Kaya, tinatawagan ni Ara ang mga artistang sasalang sa deal with Guia Natividad, na mag-ingat na.
Si Natividad din ang sinasabi ng Aegis Band na nanloko rin sa kanila last year, nang kasabay nina Ara, Vice Ganda at Toni eh, dinala rin sila roon ni Guia nang wala naman palang katiyakan ng mga paglalagakan sa kanilang bars kung saan sila magkakaroon ng mga gigs, na siya ring inabot ng ilang sing-along hosts na dinala roon ni Guia. Balita namin, mula sa isang sing-along master na namamalagi na roon, $50 kada ulo ang kita ni Guia sa mga ito sa bawat set nila sa mga bars na iniikot nila roon.
Ang yaman, ha? Pero bakit hindi makapagbayad ng tama sa mga artistang dinadala roon?
Someone close to us na taga-roon ang naghatid na rin sa amin ng balitang sa ngayon, kinakalampag nitong Guia ang mga kaibigan niya para mangutang muna ng mga diumano’y ipambabayad niya muna sa mga artistang dinala niya roon like Ara.
Hanggang ngayon, nine-name drop pa rin ni Guia ang Artist Management na pinangunguluhan ni Sandra Chavez na bahagi siya. Pero matagal nang hindi tauhan ng nasabing management si Guia. Tama ba, Ms. Sandra and Helen Chavez?
Kapag naman naulit pa sa Guia na ito si Ara eh, alam n’yo na…
The Pillar
by Pilar Mateo