SAN FRANCISCO, USA: Ngayong gabi, sasalang sa dinarayong sing-along bar and restaurant sa Westborough, South San Francisco, ang Edna’s Ichiban-The Library, ang sexy actress na si Ara Mina.
Dumating noong Miyerkules ng gabi, June 24 si Ara, kasama sina Toni Gonzaga, Vice Ganda at ang Aegis para sa sari-saring shows na sasalangan nila sa iba’t ibang lugar sa bayan ni Uncle Sam.
Dadayo rin sa Los Angeles, Las Vegas, Milpitas, Cache Creek Resort and Casino at sa Phoenix, Arizona si Ara.
Bago ito lumulan ng eroplano noong Miyerkules ng gabi, ang pinag-uusapan na namang isyu sa kanyang kapatid na si Cristine Reyes ang naihain sa dakilang Ate.
Si Ara nga ang patuloy na nahihiya sa ginawi ng kanyang kapatid sa biglang paglundag pabalik na naman sa istasyong minsan na nitong nilayasan.
“Ang sa akin lang naman kasi, kung naghahangad lang siya ng mas mataas na talent fee, hindi naman dapat na ganito ang ginagawa niya. Kasi, kailangan din naman nating magkaroon ng delicadeza, ‘di ba? At ‘yung magkaroon tayo ng puwedeng maging pagtitiwala sa atin ng mga nakaka-deal natin in the business. Kung sampung libo lang naman ang difference, puwede naman siguro siyang nakipag-negotiate na lang uli. Kasi, ano’ng magiging tingin sa kanya, ‘yung iniluwa niya, isinubo niya?”
Medyo inis nga si Ara dahil kahit paano, matitira na naman ang kanyang kapatid. Sabi niya, it definitely breaks her heart. Na nagiging dahilan ngayon ng problema ng mga taong nakakatrabaho nito ang kapatid!
ARCHED BROWS?: NAKAKUWENTUHAN ko sa labas ng Edna’s Ichiban-The Library ang bagong toast ng nasabing sing-along bar doon na si Rey Kilay.
Umaariba na si Kilay nang mag-desisyon itong mamalagi muna sa Amerika. At ngayon ngang dinalaw siya ng kaibigang si Vice Ganda, nai-share sa akin ni Kilay ang pasasalamat sa kanya ng namamayagpag naman ngayon sa mga kilalang hosts sa linya ng sing-along sa comedy bars na si Vice Ganda nga.
Na-touch daw si Kilay dahil ang sabi ni Vice sa kanya, hindi pa sana ito makakaariba kung nanatili pa sa ‘Pinas si Kilay. Dahil ito na nga ang madalas na mamulatawan sa mga programa sa dalawang networks na namamayagpag.
Pero may buntong-hininga ang Kila. Hindi na nga lang daw niya magawa ngayon ang mga ipinagpasalamat sa kanya ni Vice na ginagawa nito at sa kanya ng kinilala ng mga tao sa kanyang pagpapatawa. Sabi naman ni Kilay, mahal niya ang friendship nila ni Vice, kaya okay na raw sa kanya na ito na ang magpatuloy sa local scene ng nauna na raw niyang ginagawang klase ng pagpapatawa.
May isa pang tanong sa akin si Kilay, ha? Kung totoo raw ba na nagbago na rin ang matagal din niyang nakasama sa The Library sa Malate na si Pooh? Dahil ‘yun daw ang naramdaman nila rito nang makasama nila sa Ichiban.
The Pillar
by Pilar Mateo