WITHOUT SEC. LITO Atienza knowing it, na-absuwelto niya si Ara Mina sa matagal na nitong pagkakaugnay sa Pambasang Kamao na si Manny Pacquiao.
“Niregaluhan po ako ni Manny ng isang Land Cruiser at ito hanggang ngayon ang ginagamit ko,” aniya nang makausap natin noong Lunes.
Si Ara kasi ang napagbibintangang niregaluhan ni Manny ng binili niyang Land Cruiser noon. Pati misis niyang si Jinkee, sumawsaw rin sa intriga at kaliwa’t kanang inalipusta ang singer-actress. Makahihinga na nang maluwagag ang nakatatandang kapatid ni Cristine Reyes. At matatahimik na ito sa piling ng bago niyang boyfriend. Mae-enjoy pa niya ang panonood ng Totoy Bato na nag-umpisa nang i-ere sa GMA 7 noong Lunes ng gabi, kung saan gumaganap siya bilang asawa ni Robin Padilla.
ISA PANG INTRIGANG inamin ni Sec. Lito ay ang pagiging mas sikat sa kanya ng anak na si Kim Atienza.
“Tatay na lang po ako ngayon ni Kuya Kim,” aniya. “Kapag ipinakikilala ako ngayon sa mga pagtitipon, sisimulan iyon sa pagsasabing, narito na po ang tatay ni Kuya Kim. Ganu’n din ang nangyayari kapag may mga bumabati sa akin. Kumusta na po si Kuya Kim? Bakit hindi n’yo po kasama si Kuya Kim? Iba talaga kapag nakikita lagi sa telebisyon,” natatawa niyang wika.
Hindi rin sinasadya na sa mundo ni Kim at kanyang mga hayop, nakatutulong siya kay Sec. Lito, lalo’t tagapag-alaga ito ng ating kalikasan at likas na yaman, na pinasayang tahanan ng animalandia ni Kuya Kim.
Sayang at hindi interesado si Kuya Kim sa pulitika. Panalo na sana siya kapag nagkataon. Hindi lang mga tao ang boboto sa kanya, kundi pati mga hayop na inaalagaan niya, ‘di ba?
Kidding aside, hindi naman pinanghihinayangan ni Sec. Lito ang pagkatalo ng anak niyang si Ali sa nakaraang eleksiyon. He lost as mayor to Alfredo Lim.
Katwiran ni Sec. Lito: “Ako rin naman noong unang sabak ko sa pulitika, natalo rin. Ang maganda kay Ali, after he lost, ipinagpatuloy niya ang mga gusto niyang gawin. I am proud of both Kuya Kim and Ali. Ayaw nilang tumigil sa pagtulong sa kapwa. Ito na kasi ang nagisnan nila sa aming pamilya.”
Itinuwid din ni Sec. Lito ang tsismis noon na siya ang nagsulsol kay Manny Pacquiao na pumasok sa pulitika.
“Hindi ko kinunsinti ang desisyon na iyon ni Manny. On the contrary, tutol ako roon. Idolo siya ng mga tao, bilang boksingero, pagkatapos, pulitika ang sasabakan niya. Marami kasi ang mga bumubulong sa kanya. Nagsulsol. Nakinig naman siya. Napasubo. Tingnan mo, ang laki ng nagastos niya. Sana huwag na niyang ulitin pa ang pagkakamaling iyon.
“Matalinong tao si Manny. Actually, isa siyang genius. Hindi siya nakapag-aral, pero nagagawa niya ang dapat gawin ng isang boksingero para magpatuloy ang kanyang tagumpay.
“He is also God Fearing. Lahat ng dasal ay ginagawa niya before and after his bout. Tingnan n’yo laging nagtatagumpay.
“Marunong din siyang tumanaw ng utang na loob. Kahit ngayong hindi na ako pulitiko. Naalaala pa rin niya akong lagi. Pumapasyal siya sa opisina ko, nagpapadala ng airplane tiket kapag may laban siya. Gusto niyang kasama pa rin at nakikita sa paligid niya ang mga tumutulong sa kanya.
“Buti na lang at hindi ako kandidato sa eleksiyon. Hindi ako mapagbibintanagan namumulitika na ngayon pa lang. Natatawa nga ako sa iba diyan, kung anu-ano ang ginagawa para masabing hindi raw sila namumulitika. Eh, ano ba ang ginagawa nila.”
Aray ko, sinu-sino kaya ang pinatatamaan niya?
BULL Chit!
by Chit Ramos