MADALAS SABIHIN ng marami na ang dahilan ng pananatili bilang 3rd world country ng Pilipinas ay dahil sa malubhang sakit na korapsyon sa pamahalaan. Sa kabila ng mayamang kalikasan natin at taglay na kakayahan ng mga mamamayan ay nananatili ang kahirapan sa maraming pamilya.
Simple rin lang ang lohiko na nagdudugtong sa kahirapan at korapsyon. Dahil ninanakaw ang yaman ng bansa ng mga nagpapatakbo nito ay napipilitang mangutang at mabaon sa utang ang bansa. Mula rito ay hindi na nakabangon ang bayan natin sa utang dahil patuloy ring nananatili ang kultura ng korapsyon sa pamahalaan.
Ang sagot sa problema ay simple lang. Gamutin ang sakit na korapsyon sa gobyerno. Madali man ang sagot sa problema ngunit mahirap isagawa ang solusyon at gamot dito. Kinakailangan ng isang presidente na mayroong paninindigan sa katarungan, kaayusan, at paglilingkod nang tapat sa bayan. Kailangan din ng mga matatapat na kasapi ang pangulo sa kanyang gabinete at kaalyado sa pulitika. Mukhang mahirap itong makamit, ngunit kaya itong magawa kahit paunti-unti lamang.
Ito ang aral na nakita natin sa nakaraang 5 taong panunungkulan ni PNoy bilang pangulo. Kahit malimit ay pinupuna natin ang kapalpakan at pagkukulang ng Pangulo, marapat din namang kilalanin ang kanyang pamumuno kung saan maraming mga maimpluwensya sa pulitika at lipunan, mayayaman at nasa kapangyarihan, ang nasampulan ng pagsupil sa mga tiwali at kurakot na opisyal. Sa pagkakatanggal ni General Alan Purisima sa serbisyo dahil sa mga kaso ng korapsyon at pag-aabuso sa kapangyarihan, nawa ay maging aral ito sa lahat ng pasaway sa gobyerno.
SI PURISIMA at ilang mga opisyal ng PNP ay pinatawan ng dismissal ng Ombudsman dahil napatunayan ng mga mahistrado na nag-abuso ang mga ito sa kapangyarihan kung saan ay kinakitaan ng mabigat na ebidensya ang mga bintang sa kanila.
Ang pag-aabusong ito sa kapangyarihan ay isang paraan upang makapagkamal ng nakaw na yaman ang isang opisyal. Bahagi ng parusang dismissal ay ang pagkakaalis ng lahat ng benepisyo ng mga nahatulan at pagbabawal sa mga ito na maging bahagi muli ng pagseserbisyo sa pamahalaan.
Ang ganitong pangyayari ay isang tanda na ang ating bansa ay unti-unti ng namumulat sa isang kultura ng hustisya kung saan ang mga nasa kapangyarihan at malalakas ang kapit sa itaas ay hindi naliligtas sa pangil ng katarungan ng ating batas.
Kilala si Purisima at mga kasamahan nito na na-dismiss sa trabaho bilang malalapit kay Pangulong Aquino, ngunit ang kanilang maimpluwensyang kapit ay hindi nanaig sa pangil ng batas. Ipinakikita lamang ng sangay ng hudikatura na nananatili itong independete at nananalig sa ipinag-uutos ng Saligang Batas.
KUNG MAGPAPATULOY ang ganitong paniningil ng hustisya sa mga tiwaling opisyal ay hindi malayong makahabol tayo sa mga karatig-bansang mauunlad na ngayon. Bago pa sumiklab ang ikalawang digmaang pandaigdig ay mas mahusay ang ating ekonomiya sa mga bansang gaya ng Japan, China, Indonesia, Malaysia, India, at Singapore.
Ngunit ngayon ay malayong-malayo na ang kaunlaran nila sa atin. Kung papansinin natin, ang lahat ng mga bansang ito ay natutuhang maging mahigpit sa ipinag-uutos ng batas. Hindi rin nila pinapaboran ang mga pulitiko at lider ng kanilang bansa na nagkasala sa batas hindi gaya rito sa atin na kung hindi binibigyan ng special treatment, tulad ng hospital at house arrest, ay nabibigyan naman ng pardon.
MENOS ISANG taon na lamang ang nalalabi sa termino ng kasalukuyang pamahalaan. Ang hamon sa ating mga botante ay makapili tayo ng isang pangulo na magpapatuloy sa kampanya ng administrasyong Aquino laban sa mga mapang-abusong opisyal ng pamahalaan.
Marami pa ang dapat makulong at matanggal sa serbisyo dahil sila ay nag-aabuso sa kapangyarihan at nagnanakaw sa kaban ng bayan gamit ang kanilang kapangyarihan.
Sikapin nating matiyak na ang mga susunod na lider ng ating bansa ay may paninindigan sa katarungan, katapatan, at may malinis na pangalang walang bahid ng anomalya at korapsyon.
Tiyakin natin na sa pagkakataong ito, sa darating na eleksyon ay hindi na makalulusot sa puwesto ang mga tiwali, trapo, at mga nagkukunwaring kandidato. Turuan natin ng leksyon at mag-iwan tayo ng aral sa mga maling taong naghahangad ng kapangyarihan.
Dapat nilang malaman na tapos na ang maliligayang araw nila at kailanman ay hindi na sila makababalik sa puwestong hindi nila dapat hinawakan noon pa man. Sikapin din nating maipakulong ang mga dapat makulong at managot dahil sa pang-aabuso nila sa pera ng bayan. Dapat nilang pagbayaran ang mga buhay na naghihirap at nagsikamatayan dahil sa matinding kahirapan dulot ng pagnanakaw ng mga tiwaling ito sa yaman ng bayan.
Sikapin nating alamin ang kanilang mga plataporma at maiaambag sa ating bayan. Ngunit, una sa lahat ay alamin natin ang kanilang pagkatao. Marami sa kanila ang nagpapanggap lamang na mabait ngunit ganid naman sa kapangyarihan.
Kilala natin ang mga ganid sa kapangyarihan dahil kadalasan ay kasama nila ang kanilang buong pamilya sa paghahari-harian sa pulitika. Kilala rin natin ang hindi marunong sumunod sa ipinag-uutos ng batas at humahanap ng lusot sa mga panuntunan ng batas. Hindi na sila dapat iboto! Ito ang tunay na aral sa mga pasaway.
Ang inyong lingkod ay napakikinggan at napanonood sa programang Wanted Sa Radyo sa 92.3 FM Radyo5 at Aksyon TV Channel 41, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 pm.
Napanonood ang inyong lingkod sa Aksyon Sa Tanghali sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30am – 12:00nn.
Panoorin ang T3: Alliance sa TV5 tuwing Sabado, 4:30 – 5:00 pm.
Para sa inyong mga sumbong, mag-text sa 0908-878-8536 at 0917-792-6833.
Shooting Range
Raffy Tulfo