SABI NG mga nakatatanda, napakadali lang ng buhay-estudyante o ng buhay ng isang bagets. Bakit? Dahil wala naman silang ibang kailangang intindihin kundi ang kanilang pag-aaral at makatapos ng kolehiyo lamang. Tumatanggap pa sila ng araw-araw ng baon mula sa magulang.
Hindi tulad ng mga nakatatanda na kailangang magtrabaho at kumayod nang mabuti araw-araw dahil pera ang kapalit nito at ang perang ito ay ginagamit pangtustos sa pag-aaral ng kanilang anak. Tama nga naman ito. Pero malaki pa rin ang hinaing ng mga bagets diyan. Dahil mahirap pa rin naman talagang mag-aral. Paano ba naman, sa isang araw, umaabot ng lima hanggang walong asignatura ang kanilang inaaral. Napakahirap pa kung sa isang araw, magkakasunod ang mga subject gaya ng Math, English at Science, samahan mo pa ng sandamak na kakabisaduhin sa History class. Tapos, may mga takdang aralin pa sa bawat subject. May groupwork pa na kinakailangan ng meeting at practice.
Paano pa kung sabay-sabay ang exams? Yari na! Mahirap nga naman, ‘di ba? Sasang-ayon din ako sa inyo dahil pinagdaraanan ko rin naman ‘yan.
Pero mga bagets, huwag kayong mag-alala dahil may aral tips akong ibabahagi sa inyo na tiyak na makatutulong upang mapadali ang paghihirap n’yo sa pag-aaral lalo na kung may pagsusulit na magaganap.
1. Power nap
Ayon sa pag-aaral, makatutulong ang pag-power nap o ‘yung pagtulog nang panandalian. Iminumungkahi ng mga mananaliksik na sapat na ang 20 minuto na power nap. Ipinapahinga nito at hinahanda ang utak mo sa mga impormasyon na kailangang masagap mula sa iyong aaralin. Maganda ang 20 minuto na tulog lamang dahil iniiwasan nito ang iyong mahimbing na pagtulog dahil kung mas humaba pa ito, mahihirapan ka nang maging alerto, aantukin ka pa nga mas lalo. ‘E ‘di hindi ka na makaaaral niyan. Mas mabuti pa nga talaga ang 20 minuto na power nap kaysa sa nakasanayan nating pagtulog nang tig-dalawang oras. Kasi naman mga bagets, siesta na ang tawag ‘dun, hindi na “nap”.
2. 30 – 15 minute study principle
Ano ba itong 30 – 15 minute study principle na ito? Simple lang naman ang sinasabi nito, i-set mo ang sarili mo na mag-aral o magkabisado ng mga konsepto nang 30 minuto, ‘pag natapos na ang 30 minuto, mag-break muna ng 15 minuto at gawin ito ng paulit-ulit hanggang sa matapos mo ang iyong inaaral. Makatutulong ang pagsunod dito dahil binabalanse nito ang kundisyon ng utak mo. Mas mabilis mong naiintindihan ang iyong inaaral dahil hindi ka nagkakaroon ng tinatawag sa Ingles na “information overload”. Nakakukuha ka kasi ng tamang oras na pahinga. Pero mga bagets, tandaan 30 minuto na pag-aaral at 15 minuto na pahinga. Walang labis, walang kulang. Hindi rin puwede itong mapagbaliktad.
‘Yan ang epektibong tips na talaga nga namang subok na. Sana makatulong ito sa inyong pag-aaral. Pero kailangan n’yo ring tandaan na ang tips na ito ay balewala kung kayo mismo ay walang kusa at kooperasyon. Ang tips ay nariyan upang tulong lamang at hindi ‘yan responsable sa inyong mga pagsusulit. Pagsisikap pa rin ang kinakailangan. Tandaan, daig pa rin ng masipag ang matalino.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo