SA PAGBUNGAD ng taong 2014, natutuwa si Arjo Atayde na siya ang bida sa naging pambuwena-manong episode na pinamagatang ‘Gay Parent’ ng Maalaala Mo Kaya. Sa kauna-unahang pagkakataon, gumanap siya bilang isang gay na buong tapang na ipinaglaban ang kapakanan ng mga batang kanyang inampon sa kabila ng mga hindi magandang sinasabi laban sa kanya.
Sa direksyon ni Raz dela Torre, mahusay namang nai-portray ni Arjo ang kanyang role. Pero aminado siyang nahirapan sa pagkilos at pagbibihis-babae.
“I find it hard na naka-wig tapos may false eyelashes pa,” natatawang sabi ni Arjo. “Pero naging malaking challenge for me ang role na ito.”
In preparation for the said character, pinag-aralan daw ni Arjo at pagkilos at pagsasalita ng mga bading na kaibigan ng mommy niyang si Sylvia Sanchez.
“I have huge respect sa mga gay,” aniya. “Hindi ako nahihiyang sabihin na I grew up with gays. Kasi si mommy, most of his friends are gays nga kaya walang problema sa akin.
“Nakakasama namin sila lagi sa mga lakad namin. Madalas ay nasa bahay sila kaya nakasanayan ko na sila when I was growing up.
“That’s why never akong nailang sa mga gay. Kasi nakae-enjoy naman ang company nila. They have this unique sense of humor kaya nakae-enjoy making ng mga kuwento nila. They say what’s on their mind. They’re very straight forward.”
Happy raw si Arjo na maganda naman ang naging review sa pagganap niya bilang isang gay. Ito ang ikatlong pagkakataon na maitampok siya sa MMK.
Una ay sa episode na Bangka, kung saan nanalo pa siyang Best New TV Personality sa PMPC Star Awards For Television noong 2012.
Last year ay ginawa naman niya ang isa pang episode na kapareha ang young comedienne na si Kiray.
Kasunod nito ay ang pagganap niya bilang bida-kontrabida sa panghapong serye sa ABS-CBN na Dugong Buhay, kung saan pangunahing tampok din si Ejay Falcon. Nanalo naman dito si Arjo bilang Best Drama Supporting Actor sa 27th PMPC Star Awards For Television noong November, 2013.
Ngayong 2014, Year Of The Horse, inaasahang magiging parang pangarerang kabayo na aariba pa nang husto ang kanyang career. Marami na ang nag-aabang sa tambalan nila ni Alex Gonzaga sa Pinoy adaptation ng Koreanovelang Pure Love na malapit nang umere sa Kapamilya Network.
“I was surprised by this new project,” aniya. “Nakakatuwa kasi alam ko na marami ang nakapanood ng original version nito nang umere sa ABS. Hindi ko inasahan na magkakaroon ng local adaptation nito at makakasama ako sa cast.
“And when I heard that I will be part of this, I did my own research of its story. First time ko to do something like this on television. And I hope I’ll do justice to my role.”
Dream come true daw para kay Arjo na makapareha si Alex. Matagal na raw niyang crush ito.
“Pagdating sa babae, weakness ko ang tsinita girls na may mahahabang buhok. For me, that’s the physical aspect that makes a girl or a woman sexy.
“Si Alex, I like her bubbly personality. She’s very down to earth. Hindi siya ‘yong snob or mayabang. At lagi pa siyang naka-smile.
“For me, ‘yong pagiging simple niyang tao ang maganda. I really admire her. Kaya sobrang tuwa ko nang sabihin sa akin na makakasama ko siya sa Pure Love,” sabi pa ni Arjo.
by Fernan de Guzman
Fer ‘Yan Ha?!