KAPANA-PANABIK NA rin ang huling linggo ng Kailangan Ko’y Ikaw. Malalaman nang buhay pala si Roxanne (played by Kris Aquino) at teka muna, naaksidente naman ‘tong anak nilang si Precious (played by Miles Ocampo), kaya tingnan natin kung ano pa ang mangyayari sa pagkakakamabutihan nina Bogs (Robin Padilla) at Ruth (Anne Curtis).
Nagtataka kayo kumba’t saglit lang, ‘no?
Actually, noon pa sinabi ni Kris Aquino na hindi matatapos ang April at tapos na itong serye nila. At siyempre, pahinga na muna (o baka hindi na gumawa) ng teleserye si Kris at ipu-fulfill na lang muna niya ang kanyang kontrata sa Kris TV at Pilipinas Got Talent.
Pero marami pa rin ang humihirit sa amin sa Twitter na ‘wag nang magbakasyon sa showbiz si Kris at ituloy na lamang ito. Knowing Kris, hindi niya matitiis ang kaligayahan niyang maging bahagi ng showbiz.
At feeling namin, baka manibago si Bimby na hindi nakikita ang ina sa small screen.
Kaya feeling uli namin, hihiritan ni Bimby si Kris na, “Mama, don’t leave showbiz. Hindi ako sanay.”
Hahahah! Sasabihin kaya ‘yon ni Bimby eh, baklang-bakla ang dayalog? Hahaha!
NUMBER ONE fan pala ni John Lloyd Cruz si Arjo Atayde. “Hay, nako, Ogie, nu’ng nasa Butuan City kami, aba eh nagmamadali ba namang umuwi at manonood daw siya ng movie ni John Lloyd at Sarah (Geronimo),” pambubuko ng inang aktres na si Sylvia Sanchez.
“Nabuwisit ako. Juice ko, sabi ko sa kanya, ‘Puwede ba, pag-uwi na lang natin ikaw manood, ha? Hindi pa matatapos ‘yung showing ng movie, ‘wag kang OA!’
“Nakakalokah ‘yang batang ‘yan, diehard ni John Lloyd talaga. Lahat ng pelikula ni JLC, pinanonood niya, wala siyang pinalalampas. Me mga kabisado pa ngang lines ni John Lloyd ‘yan, eh! Ganyan siya, Ogs.”
Kaya nu’ng iparating namin ito kay Arjo nu’ng makita namin, nagulat ang bruho. Parang hiyang-hiya pa. “But that’s true, sobrang idol ko talaga si John Lloyd. Sobrang galing umarte.” At sabi namin sa kanya, pag tinititigan siya, kahawig pala niya si JLC.
“Sabi nga nila… I’m flattered!”
22 years old na ang panganay sa apat na anak ng mag-asawang Sylvia at Art Atayde. Pagkatapos nga ng E-Boy,” feeling ni Arjo ay wala na siyang puwang sa showbiz, kaya ito’y nabarkada na lamang at nahilig sa larong “breaker”.
“Ay, pero ngayon, tito, hindi na. When they got me for a kontrabida role in ‘Dugong Buhay’, sabi ko, ‘eto na ‘to, I have to give all my best, kasi, gusto ko ‘to. Sobrang dream ko talaga to be an artista, kaya pagbubutihin ko ‘to, dahil dream ko rin na makasama sa movie ni John Lloyd in the future.”
Anak ni Sunshine Cruz sa Dugong Buhay ang role ni Arjo. Sila lagi ni Ejay Falcon ang magkakaengkwentro sa mga eksena.
“Ejay is a nice guy. Actually, iisa ang gym namin at bago pa ‘tong teleserye na ‘to, bonding na kami niyan, kaya close kami niyan.”
Eh, ano’ng masasabi niya, me nakausap ako sa production office na ang laki ng in-improve ng akting niya rito sa Dugong Buhay at baka lamunin niya si Ejay?
“Nako, hindi mangyayari ‘yon. Si Ejay pa rin ang bida. I’m just doing my job as an actor. Thank you kung nagustuhan nila sa production!”
Kunsabagay, si Sylvia Sanchez, ang husay ring aktres. Lagare rin sa Apoy Sa Dagat at Be Careful With My Heart. “She told me nga, pinaglaban niya ‘ko sa dad’s side ko eh, na ayaw talaga akong pumasok sa showbiz at gusto nila magnegosyo.
“But my mom told them, kung ano ang gusto ko, susuportahan niya ‘ko, kaya pinagbubuti ko talaga. Dahil gusto ko, maging proud sa akin ang mga Atayde. Lalo na my mom, hindi ko siya puwedeng ipahiya.”
Oh My G!
by Ogie Diaz