GUSTO NA raw rumampa sa Cosmopolitan Bachelor Bash 2015 ni Arjo Atayde, isa sa casts ng inaabangang soap sa ABS-CBN, ang pagsasa-telebisyon ng pelikula ni Da King Fernando Poe, Jr. na Ang Probinsiyano, na pagbibidahan ni Coco Martin.
Kaya lang daw ay gusto muna nitong pagandahin ang kanyang katawan nang sa gayon ay handa siyang mag-topless sa harap ng maraming tao.
“Puwede naman siguro, kaya naman siguro, tingnan natin. Pumayat naman ako. So, imi-maintain ko na para mas gumanda. Ayaw kong magsalita bang tapos. Hopefully. Let’s see.
“Ayaw ko namang umoo, tapos magmumukha naman akong ewan, kasi hindi okey ang body ko. Gusto ko, pagsabak ko, handa ako physically.
“Ako naman kasi, ayaw ko naman talagang maghubad-hubad sa harap ng maraming tao. ‘Yung rumarampa nang nakahubad. Pero gusto ko lang masubukan, at least once, para masabi ko sa sarili ko na nagawa ko rin ‘yun,” pagtatapos ni Arjo.
Twins ni Joel Cruz, madadagdagan na
MADADAGDAGAN NA raw ang twins ni Lord of Scents Joel Cruz dahil sa balitang manganganak na raw sa October ang isang Russian girl. Same mother pa rin, pero itinanim ‘yung egg cell sa sinapupunan ng ibang babae dahil nalalaglag daw.
Tsika nga ni Sir Joel, “Kaya magkakapatid pa rin sila. Isa pa rin ‘yung nanay nila at isa pa rin ‘yung tatay nila.”
“Gusto ko boy and girl sana,” sambit pa niya.
At kahit nga raw may paparating na bagong babies si Sir Joel, nananatiling zero ang kanyang lovelife. “Wala. Mukhang mahirap eh, lalo pa ngayon, nagkaroon pa ako ng anak.”
Malabo rin daw na ma-in love siya sa ina ng kanyang mga anak. “No. Never akong na-in love sa babae,” natatawang pahayag ni Sir Joel.
Edukasyon para sa lahat ng Filipino ang nais ni Pasig Rep. Roman Romulo
BUMISITA SA radio program ni Kuya German Moreno sa DZBB 594 Walang Siyesta kahapon ang napakasipag at mabait na congressman ng Pasig na si Cong. Roman Romulo, kasama si Ms. Mons Romulo dala ang makabuluhang balita tungkol sa Iskolar ng Bayan na malaking tulong sa mga estudyanteng kapos sa buhay at ‘di kayang pag-aralin ng mga magulang pero gustong mag-aral.
Ayon nga kay Pasig Rep. Romulo, ang mga mag-aaral na grumadweyt sa high school na nasa Top 10 sa kanilang eskuwelahan sa buong Pilipinas ay makakukuha ng scholarship sa kolehiyo at maaaring maging Iskolar ng Bayan.
Bukod sa Iskolar Ng Bayan, isinusulong din ni Pasig Rep. Romulo na maaprubahan ang Unifast (kung saan through Internet ay puwede ka nang makapag-aral. Kaya naman ang mga taga probinsiya at maging ang ating mga kababayang nasa ibang bansa na gusto pa ring mag-aral sa Pilipinas ay pupuwede na. Isa itong malaking tulong sa ating mga kababayan para mas mapadali ang proseso ng pag-e-enrol at pag-aaral kahit nasa malayo kang lugar o nasa ibang bansa.
John’s Point
by John Fontanilla