FROM HOSTING mukhang mas gusto talagang mag-focus sa acting ang isa sa mahusay na host at actor na si Arnell Ignacio na mapapanood naman ngayon sa indie film na I Luv U Pare Ko.
Tsika nga ni Arnell, sayang naman ‘yung mga acting workshop na ginagawa niya sa mga mahuhusay na nagha-handle ng acting workshop abroad na minsang nagturo sa mga Pinoy at isa nga si Arnell sa masuwerteng napasama.
Ito raw ang mundong gustong tahakin ni Arnell ngayong taon, ang mundo ng pag-arte. Kaya naman daw excited siyang gumawa nang gumawa ng pelikula at very thankful nga siya at isinama siya sa nasabing pelikula, kung saan isa na namang gay role na may gusto kay Rocco Nacino na isa ring gay sa nasabing pelikula ang kanyang ginagampanan.
Pero hindi naman daw porke’t priority niya ang umarte ngayong taon ay pababayaan na niya ang kanyang hosting, kung saan siya nakikila at sumikat. Kaya naman join din siya sa Game ‘N Go All Stars bilang isa sa co-host nina Edu Manzano at Joey De leon na pareho nitong malalapit na kaibigan.
AFTER BEA Binene and Marvelous Alejo, may bago na namang protégé ang controversial na attorney na si Atty. Topacio. At this time, hindi na babae ang gustong tulungan ni Atty. kung hindi lalaki na. Kaya naman biro ng mga press people na hindi na mali-link dito ang mabait at generous na attorney.
Xavier Cruz ang name ng protégé ni Atty. na nagbabalak ding pasukin ang mundo ng pag-awit. Family friend ng pamilya ni Xavier si Attorney kaya naman gustong tulungan ni Atty. Topacio si Xavier na matupad ang pangarap nito na maging sikat na mang-aawit, na hindi naman malabo dahil bukod sa guwapo ito na may hawig sa actor na si JM De Guzman ay matangkad pa ito, mula sa buena pamilya at maganda ang timbre ng tinig.
Fave singer ni Xavier si Martin Nievera at ito raw ang isa sa kanyang inspirasyon para pagbutihin ang kanyang pagkanta. Gusto rin daw nitong maka-duet ang Philippine Concert King kung magkakaroon siya ng concert.
Anydays from now ay magre-record na si Xavier ng kanyang sariling album sa tulong ni Atty. Topacio kung saan ang lilikha ng mga awitin ng new singer ay ang batikan at award-winning composer na si Maestro Vhenee Saturno.
NAGING MAKULAY ang selebrasyon ng nagdaang Sinulog Festival float parade sa siyudad ng Cebu dahil sa pagdalo ng maraming mga celebrities at iba’t ibang mga turista. Kabilang sa mga ito ay ang 2012 Miss Earth-Air na si Stephany Stefanowitz at ang 2012 Mr. Manhunt International titleholder na si June Macasaet na lulan sa peach blossom-inspired float ng Psalmstre, ang kumpanyang gumagawa ng New Placenta skin whitening & anti-aging skin care products.
Ayon kay Mr. Jim Acosta ng Psalmstre, ang partisipasyon ng kanilang kumpanya sa nasabing festival ay bahagi ng kanilang layunin na dalhin ang kanilang bagong product endorser sa iba’t ibang lugar sa buong bansa. “Paraan namin ito upang maipakilala nang personal si Ms. Stephany sa mga Pilipino sa pamamagitan ng paglahok sa ganitong uri ng mga proyekto. Bukod dito, naipapaliwanag din namin sa mga tao ang kagandahan ng aming produkto na ngayo’y may Advanced Placenta-Care Formula na,” diin nito.
Si Ms. Stephany ang mapalad na bagong mukha ng New Placenta na kilalang produkto sa pagpapa-puti at pagpapakinis ng kutis. Taglay nito ang magandang kutis, amo ng mukha at ganda ng kalooban dahil sa pagmamahal sa kalikasan na siyang bahagi ng kanyang tungkulin sa Miss Earth Foundation ng Carousel Productions.
Pagkatapos ng Sinulog Festival, nakatakda ang grupo ng Psalmstre na makiisa naman sa taunang Festival ng Panagbenga sa darating na February 24 sa Baguio City.
John’s Point
by John Fontanilla