ISANG BUWANG NAMALAGI sa Japan si Arnell Ignacio, hindi para magtrabaho! Nagliwaliw lang. At malamang nag-alis ng mga ka-nega-han sa paligid niya.
Kaya, kahit na may work siya sa trabaho sa kanyang radio program sa AksyonTV ng TV5, iniwan muna ito ni Arnelli.
At kahit naman nasa malayong bansa siya ng Japan, hindi pa rin iniwanan ng intriga si Arnelli.
Habang hindi pa niya natatapos ang mga eksena niya sa indie movie na Bola, nagsalit-salitan naman ang mga intrigang kumalat na may ‘ginawa’ siya sa kasama niyang baguhan sa mga sexy scenes nila sa nasabing love story ng isang bading at ng isang mahilig mag-basketball na tinulungan niya.
At kahit sa Japan, naintriga pa rin ito. Nang magmagandang-loob lang siyang dumalo sa isang paanyaya sa kanya ng isang kumpanyang nagre-remit ng pera rito. Minasama pala ito ng isang network at agad-agad na siyang ini-report sa Immigration. Buti na nga lang daw, napatunayan na hindi naman siya nagtungo roon para mag-show.
“Saan ka naman nakakita ng magsu-show na ni hindi na ‘ata ako nakapagpalit ng suot ko dahil wala nga akong ginawa doon kundi mamasyal nang mamasyal at i-explore ang magagandang mapupuntahan in Japan.”
At pag-uwi ni Arnell, isang masaklap namang balita rin ang umabot sa kanya. Ang pagyao ng isang taong mula pa ng Kalatog-Pinggan days niya eh, sinubaybayan na ang kanyang career, na nakilala rin ng mga tao sa paligid ni Arnell as Lola Madonna (Pacita Loyola in real life).
“Kahit ano ang gawin ko kasi, para kay Lola Madonna, ako ang pinakamagaling. Kaya lahat ng memories na iniwan niya sa akin, magaganda at pawang nakakatawa.”
Sinamahan ko si Arnell sa burol ni Lola Madonna sa kanilang lugar sa Sta. Ana at makikita mo naman na maraming nagmamahal kay Lola Madonna sa kanilang lugar. Kumbaga, life of the party ngang maituturing si Lola Madonna. At ang hiling lang nito, maging masaya ang lahat sa kanyang hu-ling gabi (sa Sabado). At wala nga itong sinasambit bago malagutan ng hininga kundi ang pangalan ni Arnell. Na nakunan pa ng video ng kanyang anak na si Lilet. Kaya, muntik nang mawalan ng ulirat si Arnell sa nasabing burol dahil hindi nito makayanan na ang kanyang nanay-nanayan all these years na hindi siya hiniwalayan eh, sumakabilang-buhay na.
Samantala, balik na si Arnell sa kanyang radio program. At binalikan din niya ang mga eksenang kailangan niyang tapusin sa Bola.
“Naku, tigilan ako ng mga paratang na itinuloy ko ang mga eksenang ginawa namin doon. Tinanggap ko ‘yung pelikula dahil nakita ko naman ang intensyon ng direktor sa magandang script na ibinigay sa akin. Kung kinailangan kong makipaglaplapan sa eksena eh, ginawa ko. At hindi ako ang may gusto nu’n.”
ISA PANG PARA lang ginagawang Quiapo ang Japan eh, ang actress-turned-businesswoman na si Jobelle Salvador.
Pero tuwing may pagkakataon na kailangan nitong umarte sa harap ng camera eh, agad-agad itong umuuwi sa bansa.
Recently, umuwi lang ito para sumalang sa taping ng MMK (Maalaala Mo Kaya) para sa isang espesyal na episode na mapapanood sa darating na Sabado.
Dahil ipinapa-renta ni Jobelle ang isa lang sa mga condomi-niums niya sa bansa eh, iniintriga na ito na naghihirap na. Dahil na nga rin sa pinasok nitong pagtakbo sa pulitika noong nakaraang eleksyon.
“Hindi po totoo ‘yun. Sa BGC (Bonifacio Global City) kasi, dalawa ‘yung units ko sa Bellagio. Kaya, ipinapa-renta ko naman ‘yung isa. Sayang din kasi kung hindi mo natitirhan ang unit mo. At saka paalis-alis nga ako.”
May plano nga si Jobelle na pasukin ang mundo ng pagpo-produce ng pelikula in the future. Pero pinag-aaralan muna niya itong mabuti! After her stint in MMK, fly muna uli siya sa Japan!
The Pillar
by Pilar Mateo