NATATANDAAN N’YO PA ba si Lola Madonna? Siya ‘yung may-edad nang babaeng may puting buhok na ni minsan ay hindi lumiban sa mga programa noon ni Arnell Ignacio sa GMA.
Ayon nga sa matalinhagang pagwawangis, malakas pa sa kabayo ang noo’y walang-kapagurang si Lola Madonna na kulang na lang — dahil sa pagiging malapit nila ni Arnell — ay magpalit na sila ng mukha. Ang malungkot, wala na ang dakilang tagahangang ito ng TV host-comedian na kamakailan lang pumanaw.
Isa si Lola Madonna na agad dinalaw ni Arnell nang bumalik ito mula sa Japan kamakailan. Makaraang nakipagkita siya sa amin, Arnell’s next stop was in Kalentong in Mandaluyong City where he would pay his last respects to his number one fan.
Lola Madonna led an army of fellow elderly women para ipakita ang kanilang suporta sa TV host, nu’ng magtungo ito noon sa korte sa San Juan kaugnay ng kanyang kaso laban sa tatlong miyembro ng PNP-Highway Mobile Patrol Group.
“Imadyinin mo, kelan pa ‘yung huli kong show sa GMA, pero kahit wala na akong show, ni minsan, hindi nawala ang suporta sa akin ni Lola Madonna. Sayang, hindi man lang niya mapapanood ang first indie film ko, ang ‘Bola,’ pero kayanin kaya niyang panoorin ang mga eksena kong laplapan sa leading man (newcomer Kenneth Salva) ko? Ha, ha, ha! But seriously, Lola Madonna’s memory will always live on,” sey ng hitad.
KUNG NATUTUKAN N’YO ang Pilipinas Got Talent noong Linggo, kapansin-pansin ang personal na pagdalaw ng mga hurado sa mga lugar as far as Visayas and Mindanao para ihatid ang balitang pasok sa semi-finals ang ilang nakalusot sa elimination round.
But this is not the catch. Even before it piloted last Sunday, masusi palang binabantayan ang pantapat ng GMA, ang bagong programang Protégé (borne out of the collaborative ingenuity of Rommel Gacho and Real Florido). Curious, I was switching channels, on the lookout for both similarities and dissimilarities, and as to which program has the edge over the other.
No doubt, ‘di hamak na mas established na ang PGT, and whatever it is doing now is just a repetition of the two previous seasons. Ang bago nga lang, in that particular Sunday episode, was the judges’s personal visits.
But journey and visit are two different things. Sa kaso kasi ng Protégé, mas makabuluhan ang paglalakbay ng mga talent hunters as they discover what lies behind and beyond the auditionee waging — as the slogan goes— a battle for the big break.
Partikular na nakaantig ng aming damdamin ang kuwento ni Lirah, pagkantang sinabayan niya ng pagtugtog ng gitara ang nakakuha ng pagsang-ayon mula sa kanyang mentor na dumayo pa sa kanilang probinsiya. Pero hindi sa pagpapakitang-gilas lang ni Lirah kami bumilib, her life story is an arresting piece in itself, having to bear seeing her eight year-old brother battle against brain cancer.
Bale ba, nai-record pa ng pamilya ni Lirah ang duet nilang magkapatid noong 2007, apat na taon pa lang noon ang masiglang bata na may magandang timbre rin ang boses. Pero isang araw ay nagbago ang “musika” para sa pamilya ng Protégé hopeful na ito.
Simpleng pananakit lang daw kasi ng ulo ang ininda isang gabi ng kapatid ni Lirah. Dahil walang sapat na pasilidad ang pagamutan sa kanilang probinsiya, napilitan silang lumuwas ng Maynila upang dito masuri ang bata.
Para sa amin na bumilang na ng maraming taon sa TV, madali naming makaliskisan ang programang may puso, o nagpupusu-pusuan lang. In my Facebook comment, biases set aside, unang sultada pa lang ng Protégé ay nakuha na nito ang aming paghanga dahil sa pagkakaroon nito ng mapusong sangkap na hungkag ang PGT.
‘Yun nga lang, sana’y mabigkas naman nang tama ng ilang mentor ang salitang Protégé, pronounced as “prowt’ezhey,” accent either on the first or last syllable. Hindi “prot’ejee,” Imelda Papin!
Pepperoni
by Ronnie Carrasco III