YEAR 2OOO NANG seryosohin ni Arnold Reyes ang pag-aartista. Nagsimula as stage actor then gumawa ng mga makabuluhang indie films tulad ng Condo, Huling Araw ng Linggo, Vendo, Pisay, Pera-Perang Lata, Big Time, Adela, Imoral, Independencia, Manila, The Forgotten War at Astig, kung saan siya nanalong Best Supporting Actor sa Cinemalaya Filmfest.
Ang maganda kay Arnold, pinag-aaralang mabuti ang bawat character na nilalabasan. Nag-iiba-iba siya ng look na very effective sa audience. “’Yun ang gusto ko as an actor, napapansin ‘yung character ko sa film. Actually, seventeen ako nu’ng mag-start ako as stage actor, parang laro lang sa akin noon. Then, na-realize kong masarap palang umarte, naging curious tuloy ako. Hanggang sa nagsimula na akong gumawa ng indie film para sa Cinemalaya. After Astig ginawa ko ang Muli with Sid Lucero, Pinoy version daw ng Brokeback Mountain ni Adolf Alix, set in Baguio City.
“It’s a gay film, daring ‘yung pelikula and daring din ‘yung ginawa namin ni Sid. Pero hindi siya bastos kapag pinanood mo. Hindi ako nababastusan, hindi pinilit ‘yung mga sex scenes, nagkataon lang na mga bakla ‘yung character pero totoong pagmamahal ‘yung nandodoon. First love ako ni Sid dito sa pelikula, ako ‘yung lover niya, aktibista kami. Kaya ako nagpapakahasa sa indie film para mapansin ako ng network kaya tinatrabaho kong maigi. Dream ko ring makagawa ng pang-primetime soap.”
As an actor, malaki ang paghanga ni Arnold kay Sid kaya hindi siya nagdalawang-isip na tanggapin ang offer ni Direk Adolf. “Siyempre, si Sid hinahangaan ko ‘yang artista, sobra! Tuwing eksena namin, ang dami kong natututuhan sa kanya. Para nga siyang hindi umaarte, so natural. Ako nga as an actor, kapag nakaka-encounter ka ng artista siyempre tinitignan mo kung papaano siya magtrabaho. Ano ang style niya? Paano siya umaarte? Paano niya nagagawa ‘yun? So, naa-amuse ako kay Sid, tinitignan ko rin kung ano ‘yung matututuhan ko sa kanya sa experience na ‘yun.”
Wala bang ilangan sa inyo ni Sid habang kinukunan ang passionate love scene na nakahubo’t hubad? “Hindi, kasi si Sid napaka-professional. Unang-una, nag-i-start kami sa pulos tawanan, biruan… pero kapag eksena na, nagsu-switch na si Sid na parang o, eksena na, professional na tayo.”
Tatlong gay films na rin ang nagawa ni Arnold, kasama sina Gardo Verzosa, Paolo Paraiso at Sid. Pagkakaiba ng bawat isa pagdating sa kissing and love scene… “Actually pare-pareho lang, kay Gardo naman walang body contact, kay Paolo may kissing scene kami. Ang tinitingnan ko kung paano humantong du’n… Like with Sid, magpapaalam ako, parang hindi ko alam kung magkikita pa kami or what. ‘Yun ‘yung halik na may love parang ganoon ang nangyari. Parang nandodoon ako kung bakit nangyari ‘yung kissing scene. Hindi doon sa kissing scene mismo. Hindi du’n sa experience na halikan. Nandoon ako sa… as an actor, bakit mangyayari ‘yung halikan? Like kay Paolo, nagkaroon kami ng kissing scene sa Imoral, kasi aalis siya kasama si Katherine Luna, nag-away kami. Parang ‘yun ang kiss and make-up namin.”
Aware kaya si Arnold na baka ma-typecast siya sa ganitong klaseng pelikula? “Siyempre sa industriya natin, normal lang ‘yung mata-typecast ka. Suwerte pa rin ako sa ABS na ‘yung role na nakukuha ko, hindi ganu’n. Actually, bakit ko kinonsider ‘yung Muli? Ang casting, Sid Lucero naman ‘yun. Ang direktor ko naging director ko na sa iba’t ibang pelikula na nagawa ko. ‘Yung magagandang indie films na nagawa ko, si Direk Adolf ang direktor ko. So, ang luwag sa dibdib na gawin mo, ‘di ba? Minsan kasi kapag may project na ini-offer sa ‘yo, titignan mo kung sino ‘yung makakasama mo kasi papanoorin nang matagal na panahon ‘yang pelikulang gagawin mo na hindi na mabubura sa isipan ng manonood. Ginawa ko naman ‘yun dahil maganda ang istorya, maging ‘yung direktor ko, magaling ‘yung writer ko.Si Sid Lucero sobrang galing umarte, para naman ano… kung si Sid nga gagawin, bakit ako, hindi, ‘di ba? Sobrang bow ako sa taong ‘yan, malaking opportunity na makasama mo ang isang Sid Lucero sa pelikula. Nagkataon nga lang na may kissing scene. Actually, balanse naman, sa soap na Rosalka at Phantom rapist ang role ko rito. Ako’y parang isang artista na nagsisimula na naghahanap palagi ng bagong experience sa role na ipo-portray ko.”
Nangangarap din si Arnold na makagawa ng pang-primetime teleserye. “As an actor, ‘yun ang dream ko, magkaroon ng soap na pang-primetime, para handog ko sa Nanay ko na may sakit. ‘Yun nga, every time na may premiere ako, stage play, sisilip ako sa stage kung nandu’n ang Nanay ko. Kapag nakita ko na siya puwede na akong mag-perform, masaya na ang gabi ko,” aniya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield