PINAPURIHAN KAHAPON NG Philippine Coast Guard si outgoing President Gloria Macapagal-Arroyo sa kasabay ng isang testimonial parade at sea review sa pag-iiwan nito ng isang “vibrant maritime sector” at pagtulong mamodernisa ang PCG.
Kinilala ni Admiral Wilfredo Tamayo, PCG commandant, ang Pangulo sa pagiging isang “captain who steered her ship to safety after enduring the harshest conditions.”
“And for making her term a development age for the country’s maritime sector,” pagdidiin pa ni Tamayo.
Pinasalamatan din Tamayo si Arroyo at ang mga miyembro ng 14th Congress sa pagsasabatas noong Pebrero ng Republic Act No. 9993, o ang Coast Guard law.
Sa pamamagitan ng RA 9993, lumawak ang kapangyarihan ng PCG sa pagpapatupad ng batas, kabilang ang awtoridad para magkulong at mapigilan ang pagbibiyahe sa dagat ng mga substandard na passenger at cargo vessel.
Dahil din sa naturang batas, napormalisa ang estado ng PCG bilang ahensiyang nakaugnay sa Department of Transportation and Communications, pero may probisyon na ilalagay ang ahensiya sa ilalim ng Department of National Defense sa panahon ng giyera nang may pagsang-ayon ng Kongreso.
Pinoy Parazzi News Service