Arte

NOONG UMPISA AWANG-AWA ako kay dating pangulong Gloria Macapagal Arroyo nang hindi payagan ng pamahalaan ang kahilingan niyang makapagpagamot sa abroad. Makailan beses ko ring binatikos si Pangulong Noynoy dahil sa akala ko ay pamemersonal kay GMA sapagkat animo’y manhid ito sa kaawa-awang kalagayan ng dating pangulo.

Paano naman kasi, sa mga larawan ni GMA na ipinalabas sa media, makikitang haggard ang mukha nito, namamaga ang mga mata at namumutla pa. Nakatulong din sa pagiging mukha niyang kaawa-awa ay ang buhok niya na magulo at wala sa ayos.

Sinabi ko pa noon sa programa ko sa WANTED SA RADYO na kapag dapa na ang isang tao – tulad ni GMA, siya ay dapat kinakaawaan at hinahayaang munang makabangon bago siya muling tuligsain sa kanyang mga kaso.

Nagulat ang co-host kong si Niña Taduran at hindi siya makapaniwala sa kanyang mga narinig dahil animo’y biglang umiba raw ang ihip ng hangin sa akin. Noon ‘yun, tulad ng marami sa atin, masasabi ko sa wikang Ingles na we’ve been had – naisahan tayo.

Tama nga naman si Niña nang sabihin niyang para sa kanya, nakakataas kilay raw ang ‘di man lang pag-aayos ni GMA sa kanyang hitsura – tulad ng pagsusuklay ng buhok at paglalagay ng make-up – bago magpakita sa media bilang isang dating pangulo na kilala noon sa pagiging banidosa.

Ang mga doktor na mismo ni GMA ang nagsasabi ngayon na gumaganda na ang kanyang kalusugan. At mismong mga abogado ni GMA ang humihiling na ngayon ng house arrest sa halip na hospital arrest. Ayon pa kay DoJ Sec. Leila De Lima, wala sa medical abstract ni GMA mula sa St. Lukes Medical Center, ni minsan, nagsasabing malubha ang kalagayan nito at kailangan maipagamot sa abroad.

Ang ibig sabihin, noon pa man, hindi niya talaga kailangan pang magpagamot sa abroad dahil mayroon naman palang kakayahan ang ating bansa na gamutin ang kanyang karamdaman. Ito rin ang naging paniniwala ng ilang mga dalubhasang doktor dito sa Pilipinas maging ng mismong St. Luke’s Hospital bagamat sinasabi ng St. Luke’s na mayroon siyang karapatang pumili ng mga ospital at mga doktor na gagamot sa kanya.

Magaling lang talagang magdrama si GMA.

KUNG MERON MANG positibo at kapuri-puring nangyari sa salpukan sa pagitan ni Pangulong Noynoy at ng Korte Suprema, na pinag-ugatan kay GMA, ay ang pagdedesisyon ng una tungkol sa pamamahagi ng mga lupain ng Hacienda Luisita sa mga magsasaka nito.

Ilang dekada na ring ipinaglalaban ng mga pobreng magsasaka ng Hacienda Luisita ang kanilang mga hinaing. Ngunit naging bingi-bingihan ang gobyerno sa kanila. Ilan sa kanila ang nagbuwis pa ng buhay.

Ang tawag sa nangyaring bangayan sa pagitan ni P-Noy at ng Korte Suprema para sa mga magsasaka ng Hacienda Luisita ay blessing in disguise. Sino ba naman ang mag-aakalang ang pag-aaway lamang ng dalawang kampong ito ang siyang magbibigay pala ng ultimong solusyon sa napakatagal nang problema ng mga magsasaka ng Hacienda Luisita? Mabuhay ang Korte Suprema.

Ang WANTED SA RADYO ay mapapakingan sa 92.3fm Radyo5, Lunes hanggang Biyernes 2-4pm. Ito ay simulcast na mapapanood sa AKSYON TV Channel 41. Mamayang gabi panoorin ang isa na namang makabuluhang episode ng WANTED sa TV5, 10:30pm.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleValid ba ang secret marriage?
Next articleTV host/ actress, dalagita na ang itinatagong anak!

No posts to display