Dear Atty. Acosta,
ANO PO ba ang maaari kong ikaso laban sa babaeng nagsa-sabing kasal siya sa aking asawa bago pa kami ikinasal?
Liez
Dear Liez,
BAGO MO isipin ang uri ng kaso na maaari mong isampa laban sa babaeng nagsasabi na kasal siya sa iyong asawa bago pa kayo ikinasal, makabubuti kung suriin mo muna kung may katotohanan ang sinasabi niya sa pamamagitan ng pagkuha ng CENOMAR o Certificate of No Marriage mula sa National Statistics Office (NSO). Lalabas ang entry ng kanyang kasal sa iyong asawa kung sakaling totoo ang sinasabi niya. Kung nagkaganoon, ang asawa mo pa nga ang maaaring kasuhan ng krimeng Bigamy sa ilalim ng Artikulo 349 ng Revised Penal Code dahil nagpakasal siya sa iyo nang hindi pa napapawalang-bisa ang kanyang kasal sa nasabing babae. Ayon sa artikulong ito, kung mapapatunayan ang pagkakasala ng iyong asawa sa krimeng Bigamy ay mapaparusahan siya ng anim na taon hanggang labindalawang taong pagkabilanggo (prision mayor). Samantala, ang kasal ninyo ay maaari mong ipawalang-bisa dahil ito ay isang bigamous marriage. Ang bigamous marriage ay void o walang bisa mula pa sa simula ng isang kasal (Artikulo 35, Family Code).
Samantala, kung pagkatapos ng pagsusuri mo ng CENOMAR ay napatunayan mo na hindi totoo ang paratang ng nasabing babae, maaari siyang managot sa krimeng Slander ayon sa Artikulo 358 ng Revised Penal Code, kung ang puri ng iyong asawa ay nasira dahil sa paratang. Ang asawa mo ang dapat na magsampa ng kaso laban sa nasabing babae. Kung mapapatunayan sa kor-te ang kanyang pagkakasala ay mapaparusahan siya ng pagkabilanggo ng 1 araw hanggang tatlumpung araw o multa na hindi tataas sa 200 pesos. Maaari ka ring magsampa o ang iyong asawa ng danyos sa kor-te dahil sa panggugulo na ginagawa sa inyo ng nasabing babae (Artikulo 2217, 2219 [7], Civil Code).
Halinang manood ng “PUBLIC ATORNI: ASUNTO O AREGLO” tuwing LUNES, 9:20 pm sa AksyonTV.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta