DATI BANK account lang ang nasa bokabularyo ng mga kabataan. Pero tingnan mo ngayon, konti na lang at hindi na mabibilang sa mga kamay ang “accounts” na mayroon sila, ay kami pala. Nariyan ang Facebook account, Twitter account, Tumblr account, Instagram account, Soundcloud account, YouTube account.
Ang mga kabataan talaga ngayon, hindi na nakuntento sa iisang social networking site. Kaliwa’t kanan na nga ang pagla-log in at log out pero bored pa rin sila at gumawa pa ng pinakabagong Ask.fm account. Ewan ko na lang kung ma-bored ka pa niyan.
Bago ang Ask.fm site na ito pero hindi na bago ang features nito dahil in-adapt ito sa nauso noon na Formspring. Ano nga ba mayroon sa dalawang sites na ito at kinababaliwan ito ng mga kabataan ngayon? Ito ay isang klase ng social networking site na kung saan nabibigyan ng pagkakataon ang tao na magtanong sa kung sinu-sino na trip nila nang hindi nagpapakilala. Kapag may Ask.fm account ka, lahat ng magtatanong sa iyo ay kailangan mong sagutin hanggang sa makakaya mo. Nasa sa iyo na kung seseryosohin mo iyong mga sagot mo o magpapa-cute ka lang. Kaya kay daming nahuhumaling sa Ask.fm dahil nakae-enjoy ito.
Lakas maka-blind item lang kapag sinubukan mong hulaan kung sino iyong nagtanong sa ‘yo. Lalo na kung ang mga tanong sa iyo ay tipong nakaiinis, nakatatawa, nakalulungkot at nakaiintriga. Nabibigyan din ng guts ng Ask.fm ang mga bagets na torpe sa crush nila. Kaya iyong iba na torpe diyan, sa ask.fm na lang idinadaan iyong mga gustong tanungin sa crush nila. Mga moves nga naman ni kuya.
Well, katulad ng ibang social networking sites gaya ng Twitter at Facebook, nagkakaroon ka rin kahit papaano ng koneksyon sa mga celebrity na idol mo na may Ask.fm account din. Suwertihan na lang kung hindi sila busy at masagot nila ang katanungan mo. Taas siguro ng lundag mo kapag nangyari iyon.
Sa ibang bagets naman, ginagawa nila itong pampalipas-oras. Ang sisipag nilang sumagot ng mga katanungan sa kanila at magbato ng tanong sa iba. Isa pa sa kapansin-pansin sa mga bagets ngayon ay ang kanilang pagiging very vocal. Bakit ko nasabi ito? Dahil madalas, isini-sync pa nila ang kanilang Ask.fm account sa Facebook at Twitter nang mabasa ng mga libu-libong friends and followers. To think na kadalasang itinatanong sa Ask.fm ay ang mga personal na bagay.
Naku, kapwa ko bagets, huwag ganoon. May mga bagay na minamabuting itago na lang para sa sarili, kumbaga confidential at personal, ‘ika nga. At isa pa, wala namang masama sa paggamit ng Ask.fm o kaya sa paggamit ng Facebook, Twitter, Instagram at kung anu-ano pang social networking sites basta kailangan tapusin muna ang mga homework na ibinigay nina Ma’am at Sir. Mas importanteng makasagot sa paaralan kaysa sa Ask.fm.
Usapang Bagets
By Ralph Tulfo