Asunto kay Ka Freddie?

MAINIT NGAYON ang isyu tungkol sa pagkakaroon ng isang labing-anim na taong-gulang na nobya ng sikat na mang-aawit at kompositor na si Freddie Aguilar. Dahil sa layo ng agwat ng kanilang mga edad, hindi pumasa sa panlasa ng lipunan ang kanilang relasyon. Marami pa ang nagsasabi na maaari raw makasuhan si Freddie Aguilar dahil sa kanyang ginawa. May mga nagsasabi na puwede raw siyang ihabla ng “statutory rape”, “qualified seduction”, “simple seduction”, o “child abuse”, kung mapatutunayan na nagtatalik na sila ng kanyang nobya. Naaangkop nga ba ang mga krimen na ito sa kanilang relasyon?

ANG “STATUTORY rape” ay ang krimen ng pakikipagtalik sa isang biktima na ang edad ay hindi pa umaabot sa labindalawa. Ito ay pinaparusahan ng Kodigo Penal kahit na sumang-ayon pa ang biktima sa sinasabing pagniniig dahil pinagpapalagay ng batas na ang bata na wala pa sa labindalawang taong gulang ay walang kakayahan na magbigay pahintulot sa anumang pagtatalik. Dahil labing-anim na taong-gulang na ang nobya ni Freddie Aguilar, malinaw na hindi sila saklaw ng batas na ito.

ANG “QUALIFIED seduction” at “simple seduction” naman ang mga krimen ng pakikipagtalik sa mga biktima na menor de edad, kung saan ang mga ito ay labindalawang taong-gulang pataas na, ngunit wala pang labingwalo. Gayonpaman, para maging “qualified seduction”, kailangan na inabuso ng may sala ang kanyang kapangyarihan, ang pagtitiwala sa kanya, o ang kanilang relasyon para magkaroon ng pakikipagtalik sa biktima. Karaniwan itong krimen ng mga guro na nakikipagtalik sa kanilang mga menor de edad na estudyante o ng mga tao na umaabuso sa mga menor de edad na nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

Para naman maging “simple seduction”, kinakailangan na nagkaroon ng panlilinlang kaya pumayag na makipagtalik ang biktima na menor de edad. Ang panlilinlang na ito ay ang karaniwang pangako ng kasal na humikayat sa biktima na ipagkaloob sa nasasakdal ang kanyang sarili.

Dahil sa mga kondisyon na ito, kung hindi mapatutunayan na ang kanyang nobya ay nasa ilalim ng pangangalaga ni Freddie Aguilar at inabuso niya lamang ang kanyang kapangyarihan para magkaroon sila ng pagtatalik, mukhang hindi rin siya saklaw ng “qualified seduction”.  Samantala, dahil wala namang indikasyon na nagtalik lamang sila dahil nangako ng kasal si Freddie Aguilar, mukhang hindi rin angkop ang kasong “simple seduction”.

ANG “CHILD abuse” naman sa ilalim ng Republic Act No. 7610 ay nagpaparusa rin sa mga tao na makikipagtalik sa mga menor de edad na labindalawang taong-gulang pataas na, ngunit wala pang labingwalo. Ngunit upang maging kaparu-parusa ang pagtatalik, kinakailangan na ito ay produkto ng pamimilit o impluwensya ng isang taong nasa tamang gulang na. Ayon sa Korte Suprema sa kasong “Caballo vs. People” (10 June 2013), ang “pamimilit” ay ang maling paggamit ng puwersa upang kumbinsihin na pumayag sa pakikipagtalik ang menor de edad. Samantalang ang “impluwensya” naman ay ang maling paggamit ng kapangyarihan upang maisakatuparang ng nasasakdal ang kanyang malisya laban sa menor de edad. Kung nagkakilala lamang sila, nagkagustuhan, at wala namang pamimilit at impluwensya na nagamit, mukhang hindi rin sila saklaw ng batas na ito.

ANG PAG-IBIG at pagnanasa ay parehong walang kinikilalang edad, panahon, at lugar. Maaring hindi angkop sa ating panlasa ang maraming bagay, ngunit hindi lahat ng kinokondena ng lipunan ay matatawag na krimen. Minsan, ang tanging kaparusahan na lang na matatanggap nila ay ang masabihan ng “ewww”, “yuck”, at “yaiks”.

Sampal-Tubig
By Atty. Reynold S. Munsayac

Previous articleBea Alonzo, umaasang si Zanjoe Marudo na ang ‘the one’
Next articlePops Fernandez does the ‘Pantasya’

No posts to display