FLYING HIGH ang showbiz career ngayon ni Atak, a great singer/comedian on TV, movies and sing- along bar in Klownz and Zirkoh. Unti-unti na ngang napapansin ang galing nito sa pagpapatawa. Napag-ukulan na nga siya ng pansin ng box-office director na si Wenn Deramas kaya’t agad siyang isinalang sa mga comedy film at fantaseryeng “Kokey” ng Kapamilya network.
Agaw-eksena naman ang naging papel ni Atak sa Bromance ni Zanjoe Marudo na kinagiliwan ng manonood. Nang dahil sa husay at galing nito sa comedy, agad-agad binigyan siya nang follow-up movie ni Direk Wenn, ang Momzillas na box-office success din sa takilya. Ngayon nga, ginawang side kick si Atak ni Joey Paras sa launching movie nitong Bekikang with Tom Rodriquez and Lassy Marquez na dinirek ng award-winning director Wenn D. This time, mahalagang papel ang gagampanan ng magaling na komedyante.
“Magaling si Atak, may karisma siya sa tao. Mahusay sa mga eksenang nakakatawa. Itsura palang niya matatawa ka na. Magaling sa timing, alam niya kung kailan siya babato ng linya at saka walang arte. Kahit ano ang ipagawa mo sa kanya, wala kang maririnig na reklamo kaya’t palagi siyang nasa pelikula ko,” papuring sabi ni Direk Wenn.
Sobrang thankful si Atak sa tiwalang ibinibigay sa kanya ni Direk Wenn. Hindi malayong marating nito ang kanyang mga pangarap na maging isang sikat na comedian. “Thanks to Direk Wenn sa break na ibinibigay niya sa atin. Naniniwala ako na ang ikatatagumpay ng isang tao nasa kanyang sarili. Bigyang halaga natin ang magagandang blessing na dumarating sa atin pati na rin ang mga taong nagtitiwala sa ating kakayahan bilang artista. Mahalin natin ang ating propesyon para hindi tayo nawawalan ng project,” say ng taong-Gasul.
Small but terrible si Atak. He will prove to us that size doesn’t matter. Patatawanin niya tayo kapag nagsimula na itong rumampa on stage. As a comedian, hindi na siya bago, nag-TV guesting na rin siya sa Super Inggo, Lovespell, at MMK. Hindi na rin mabilang ang mga pelikulang kanyang nilabasan tulad ng Home Along Da Riles Da Movie ni Dolphy, Ano Ba ‘Yan Part 2, Makati Ave. Office Girls, Hating Kapatid, Manay Po, Ang Tanging Pamilya, at Petrang Kabayo. Nakasama na rin niyang mag-perform abroad sina Sharon Cuneta at Vice-Ganda. Nakapag-show sa Dubai, Bahrain, Abu Dhabi, Hong Kong, Singapore, Macau, Seatlle, Washington, Sidney and Canberra, Australia.
MATAPOS ANG makasaysayang selebrasyon ng ika-60 taon ng ABS-CBN saASAP 18 kamakailan sa Marikina Sports Center na dinagsa ng mahigit 20,000 fans, maagang Pasko naman ang handog ng longest-running musical variety show sa bansa. Itinampok ang best of the best episode nila last Sunday.
Sobra kaming naaliw sa sunud-sunod na bonggang sopresang inihatid nina Judy Ann Santos, Bea Alonzo, Enrique Gil , unkabogable box-office star na si Vice-Ganda at ang Miss World 2013 na si Megan Young.
Nagsabay naman ng good vibes sa ASAP center stage ang Kapamilya heartthrobs na sina Piolo Pascual, Sam Milby, Jericho Rosales, Xian Lim, Matteo Guidicelli, Enchong Dee, Enrique Gil, Ejay Falcon, Daniel Padilla at si Richard ‘Ser Chief’ Yap na hinarana ang TV viewres sa pag-awit ng “Don’t Know What To Do, I Don’t Know What To Say” na official theme song ng pelikulang She’s The One ng Star Cinema.
Back-to -back musical treats ang pinamalas sa world-class collaboration ng OPM icons na sina Freddie Aguilar at Rico Blanco. Sa reunion ng 80’s singing group na Triplets, nagre-unite sina Manilyn Reynes, Tina Paner, at Sheryl Cruz. Hindi rin nagpatalbog sa kantahan ang The Voice of the Philippines grand champion na si Mitoy kasama ang mga kapwa finalists niyang sina Myk Perez, Paolo Onesa, Morissette Amon, Klarisse de Guzman, Radha, Janice Javier at Thor.
Nakamamangha ang musical performance nina Martin Nievera, Lani Misalucha at Gary Valenciano. Makatindig-balahibo naman ang concert performance nina Bamboo, Jed Madela, Erik Santos, Angeline Quinto sa ASAP Sessionistas at ang jamming session ng ASAP covers na sina Yeng Constantino, Zia Quizon, Paolo Valenciano at Aiza Seguerra.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield