KUNG TOTOO ang reports ni Ellen Tordesillas sa VeraFiles tungkol sa relationship ni Korean TV host Grace Lee at Pangulong P-Noy, isa lang ang maitatawag ng mga salbaheng intrigero sa una: Wow! Atat na atat!
Ayon kay Tordesillas, pinagmalaki raw sa isang interview ni Grace na sila ni P-Noy ay “going full length” at malamang na mapunta sa altar. Sinabi rin diumano ni Grace na apat na oras silang nag-uusap ni P-Noy sa cellphone at inalok pa diumano siya ng PSG bodyguards. Naturalmente, pinabulaanan ang lahat ng tsimis na ito ni Grace. Ngunit lalong umikot nang umikot na parang isang mil-yong trumpo ang tsismis at intrigra.
Kung ako ang tatanungin, panahon na para lumagay sa tahimik ang Pangulo. Singkuwenta’y dos anyos na siya at maaaring magkaanak pa ng marami. Panahon na upang magkaroon ng first lady ang Palasyo at may makalaro si P-Noy sa favorite pastime niya: PS. Sabi ni Madam Auring, ang dalawa ay maaari talagang magkatagpo na ng landas. Kung kailan, ‘di masabi. Subalit malapit na. Kontra ng iba sapagkat si P-Noy ay ‘di marrying type.
‘Di kami naniniwala sa intriga na laging may dalang lubid si Grace para dibdiban nang siluin ang Pangulo. At bakit hindi nga? Very prized catch. Komento naman ni Spokesman Edwin Lacierda, ‘pag natuloy sa altar ang relationship ng dalawa, dadagsa ang Korean tourists sa ating bansa. Of course, biro lang daw.
Ang tsugi lang, dapat magpreno ng bunganga si Grace. Left and right ang presscon tungkol sa relationship nila. Halatang ‘di siya ang hard to get type. Kilig to the bones. Atat na atat. ‘Say n’yo?
SAMUT-SAMOT
MUKHANG NAGKAKALAT at ‘di preparado ang prosecution panel sa impeachment hearing. Lagi silang ino-object ng defense panel sa pangunguna ni Atty. Serafin Cuevas na lutang sa kanyang puting ternong pants at amerikana. Bawat tanong ng abogado ng prosecution sa kanilang witness, laging hinaharang ni Cuevas na kabisado ang batas. Kadalasan, ang pag-object ni Cuevas ay granted ni Presiding Judge Enrile. Sa tagisan ng talino at husay, bilib ako kay Cuevas na mistulang isang professor na nagle-lecture sa kanyang mga estudyante.
KUNG PAKAPALAN ng mukha ang pag-uusapan, wala ‘atang tatalo kay Rep. Neil Tupas. Mantakin mo, araw-araw halos iniinsulto siya sa impeachment trial ni CJ Renato Corona dahil sa kapalpakan ng prosecution team. Subalit natitiis niya ang lahat ng ito kahit na sa harap ng laging mapang-insultong pananalita ni Senator-Judge Miriam Defensor Santiago. Intriga ng iba, dapat daw si Rep. Fariñas ang naging head ng prosecution team. Bar topnotcher, veteran legislator at expert litigator, si Fariñas ay dapat katapat ni lead defense team, retired Justice Serafin Cuevas. Personal kong kakilala si Rudy way back during our JC days. Tambak-tambak ang mga sinampa sa kanyang kaso subalit napanalunan niya lahat ang mga ito. Siya mismo ang nagtatanggol sa kanyang sarili.
ABA, BIGLANG nagpasikat si Senator-Judge Antonio Trillanes. Biro mo, halos araw-araw na siyang tumatayo at nagsasalita sa impeachment hearing. ‘Yun lang, lagi niyang binabasa ang manifestations at mga katanungan niya. Pansin ng iba, laging pagalit ang kanyang mukha. Intriga naman ng iba, may kayabangan daw ang dating. Ala eh, ‘di hamak na kapuri-puri siya kaysa dalawa pang senador na ni comma ay walang mai-contribute sa impeachment proceedings. Pero teka, bakit nagkaganyan si Trillanes. Alam ko na. Tatakbo siya sa re-election next year at kailangan niya ang free media exposure kahit baku-bako ang kanyang pag-iisip at pananalita.
PALABAN TALAGA si Senator-Judge Franklin Drilon. At napakasimple ang pagpapaliwanag niya ng mga complex legal issues para sa edukasyon ng mga manonood. Sulit ang taxpayers kay Frank. Maaasahan. Full of conviction. Walang grandstanding. Matagal ko ring nakasama si Frank nu’ng panahon ni Cory-Doy, dekada ‘80. Siya ay Justice Secretary samantala ako ay spokesman ng yumaong Doy Laurel. Napakadisenteng nilalang, patas sa pakikitungo sa lahat.
‘DI BA panahon na upang i-discontinue ang EVAT? Tumatangis na ang mga mamamayan sa mabigat na pasang-krus na ito. Saan napupunta ang EVAT proceeds? Magdadalawang-taon na wala pang major infrastructure projects si P-Noy. Ni isang kalyehon wala pa yata siyang napapagawa para matandaan siya ng tao. Wala kasi siyang focus kasi, walang short-range and long-range programs. Day-to-day governance lang. Buwagin ang corruption by all means. Subalit ‘wag namang kalimutan ang pagpapalakas sa ekonomiya. Ayon sa recent statistics, bumaba nang 40% ang ating export output.’ Pag bumaba pa ito nang bumaba, bagsak ang ekonomiya. Anong solusyon ang ginagawa ng government economic team?
KUNG SI P-Noy lang ang pag-uusapan, talagang ‘di siya naliligaw sa matuwid na daan. Hanggang ngayon, malinis pa siya at ang kanyang kamag-anak. Subalit ‘di natin ito masasabi sa iba niyang malalapit na kaibigan at sa mga crony opportunists na ngayo’y parang mga bangaw na umaaligid sa kanya. Ang graft and corruption sa maraming layers ng gobyerno ay rampant pa rin. Subukan n’yong mag-transact ng mga papeles sa maraming sangay ng pamahalaan. Lagay pa rin ang gawi. Kamakailan, nalathala ang isang clerk sa Bureau of Customs na nagmamay-ari ng P9.5-M na Porsche. Ano ito?
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez