SADYANG NAKAPANLULUMO ang magkasakit sa mga panahong ito at mas masidhi kung ang karamdamang ito ay nangangailangan ng pangmatagalang gamutan. Ating maituturing ang kanser sa atay na isa sa mga matitinding sakit na kinakailangang tugunan, hindi lamang ng indibidwal, kundi ng buong pamilya.
“Kung hindi ito mapipigalan ngayon, ang bilang ng mga nasasawi sa sakit na kanser sa atay ay dodoble, mula dalawampu araw-araw hanggang apatnapu araw-araw makalipas ang dalawampung taon,” ayon kay Dr. Samuel So ng Stanford Asian Liver Center noong World Cancer Day.
Ito ay isa sa pinaka-mapanganib na kanser sa buong mundo at mayroon itong mortality to incidence ratio na 0.95. Ibig sabihin, sa isang-daang katao na makakakuha ng kanser sa atay, 95 sa mga ito ay may malaking tyansa na masawi sanhi ng pagkakasakit nito. Noong taong 2012 lamang, mayroong 746,000 naitalang bilang na nasawi sa buong mundo. Ito ang pinahayag na pagtatantya ng International Agency for Research on Cancer (IARC) for the Philippines.
Ang kanser sa atay ay nagsisimula kapag nagkakaroon ng diperensya o cirrhosis ang atay. Ang cirrhosis sa atay ay nangyayari kapag nagkaroon ng galos ang mga tisyu ng atay. Ayon sa pag-aaral na ginawa, may kaugnayan din ang Hepatitis B Virus (HBV) sa kanser sa atay.
Lingid sa kaalaman ng nakararami, ang kanser sa atay ang ikatlong pangunahing sanhi ng pagkasawi ng buhay sa bansa, ikalawa sa mga kalalakihan at ikalima naman sa mga kababaihan, ayon sa ulat ng Philippine Cancer Society. Isa rin umano sa bawat sampung Pinoy ay active carrier ng Hepa B virus na maaaring makahawa sa iba.
Ang sakit na kanser sa atay ay maaaring umusbong mula sa Hepatitis B Virus, Hepatitis C Virus, pag-abuso sa pag-inom ng alak; at intake ng mga pagkain na madaming aflatoxin (ito ay isang kemikal na nagiging sanhi ng kanser galing sa mga amag na tumutubo sa mani, mais, soy beans at iba pang ani). Karamihan sa kaso ng kanser sa atay rito sa bansa ay maaaring mapigilan sa pamamagitan ng bakuna laban sa HBV sa mga bagong panganak na sanggol at pangangalaga sa kalusugan.
Dapat bigyang-diin ang pag-iwas sa kanser sa atay. Tulad din ng maraming karamdamang ito ay maaaring malunasan o maiwasan. Mayroong dalawang pamamaraan upang malunasan ang nakapanlulumong sakit na ito. Isa ay ang Chemotherapy at ang ikalawa ay Radiotherapy.
Sa Chemotherapy, gamot ang ginagamit upang malunasan ang kanser. Sinisira ng mga gamot na ito ang mga selula ng kanser, pinipigilan ang mga ito na lumaki at kumalat, pinapaliit ang sukat ng tumor o pinapagaan ang mga sintomas ng kanser. Ang inyong doktor ang magdedesisyon sa klase ng mga gamot at kung gaano kadalas ito ibibigay
Ang Radiotherapy ay karaniwang uri ng panlunas na gumagamit ng high-energy rays o high frequency radiation, kadalasan x-ray upang malunasan ang sakit na ito. Pinapatay nito ang cancer cells sa lugar na kailangang pagalingin. Bagaman ang mga mahuhusay na cells ay maaaring mapinsala, ang mga ito ay maaaring maisaayos. Sa kabilang banda, ang mga cancer cells ay walang kakayanan tulad nito.
Ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ay may nakaakmang benepisyo para sa may kanser sa atay. Para sa chemotherapy administration, sagot ng PhilHealth ay P7,280.00 kada cycle. Ayon sa datos ng PhilHealth, nakapagtala ng 45,637 na Chemotherapy claims mula Enero 1 hanggang Hunyo 30 ng taong ito at umabot sa P124,527,880.00 ang halagang naibayad na para rito.
Para naman sa Radiotherapy, sagot ng PhilHealth ang P2,000.00 para sa cobalt at P3,000.00 para sa linac. May 49,376 claims na ang naiproseso ng PhilHealth ngayong taon at umabot sa halagang P50,825,840.00 ang nabayaran na para dito.
Maliban sa Chemotherapy at Radiotherapy, sagot din ng PhilHealth ang Hepatitis B na nagkakahalagang P11,800.00, Hepatitis C sa P11,800.00 at P13,200.00 naman para sa Cirrhosis. Ilan lamang ito sa mga pakete ng benepisyong pinagkakaloob ng PhilHealth para sa mga miyembro at mga dependents nito kasama na rin ang operasyon sa atay.
Sa ulat na ipinahayag ng IARC, ang pagkasawi sa kanser sa atay ay maaaring tumaas mula 8.2 million hanggang 13 million kada taon, “ngunit kalahati nito ay maaaring maiwasan” sa pagpigil, maagang pagtuklas at paggamot.
Kaya natin iwasan ang sakit na ito kung magiging maagap at tunay na maalaga sa ating katawan, buhay at kinabukasan!
Para sa karagdagang impormasyon, tumawag lamang sa Corporate Action Center ng PhilHealth, 441-7442 o magpadala ng e-mail sa [email protected]. Maaari ring bumisita sa www.facebook.com/PhilHealth o sa www.youtube.com/teamphilhealth.
Sources:
2015 CorPLan/Task Force Informatics
http://www.philstar.com/bansa/428657/liver-cancer-no-3-sa-mga-pinoy
www.healthinfotranslations.org
www.rappler.com
Alagang PhilHealth
Dr. Israel Francis A. Pargas