MALAKI ANG naging contribution ni Joe Ed Serrano sa music industry dahil nabibigyan niya ng pagkakataon ang mga artist na makapag-perform sa Araneta tulad nina Vice Ganda at Aiza Seguerra na pawang box-office success. This time, si Ate Gay naman ang ipo-produce niya ng concert sa Mall of Asia Arena entitled “Ako Naman, Ate Gay sa Arena!” with special guest Ms. Nora Aunor.
Bakit nga ba biglang naisipan ni Joe Ed na i-produce si Ate Gay ng concert? “The same way na kung paano ko inalok si Vice (Ganda). Noong inalok ko si Vice, hindi ko alam kung bakit ko siya inalok. At that time kasi, kay Vice marami ang hindi naniniwala na mapupuno niya ang Araneta, ako lang. Binigyan ko ng blank check si Vice, naglagay sila ng amount na para bang hindi ko kakagatin ang TF ni Vice eh, kinol ko. Vice is the highest paid artist ever perform in Araneta. Tinalo pa niya ang lahat ng stars, Regine (Velasquez), Mega (Sharon Cuneta), Martin (Nievera).”
Nagpunta lang pala si Joe Ed sa Klownz para manood ng show ni Ate Gay dahil may mga bisita siyang kasama. Biglang lumapit si Ate Gay para bumati ito. ‘Joe Ed, mag-Japan tayo.’ “Sabi ko, wala nang Japan. Gusto mo, i-Araneta kita. Sabi niya, ‘Araneta? Music Museum lang ang kaya ko’. Pinanood ko siya, nakita ko ‘yung response ng tao. Then nag-invite siya ng birthday niya August 9 or 10 , du’n ko tinuloy, napuno niya ang venue (Klownz). Sineryoso ko siya, kinulit-kulit ko na siya, pumayag naman.”
Haggang ngayon raw ay wala pang exact amount kung magkano ang magiging TF ni Ate Gay. “Wala namang blank check na naganap. May deal ako sa kanya, ‘eto ‘yung rate mo, kapag napuno, double ‘yung rate.”
Samantala, ayaw na sanang sagutin ni Ate Gay ang intriga sa kanila ni Vice Ganda. Napilitan itong sagutin ang ilang issue tungkol sa kanilang dalawa. Nand’yan ginagamit daw nito si Vice para sa nalalapit niyang concert. “Si Vice, nagkasama kami sa Klownz, nagpupunta ako sa bahay niya, nagla-lunch,nag-bonding kami at nag-guest ako sa show niya. Nagpapasalamat ako sa kanya na gusto niyang mag-guest sa concert ko dahil kaibigan ko siya. Sabi ko nga, ayaw kong magsalita about Vice, ‘yun sana ang gusto kong hilingin sa inyo. Ayaw kong manggamit ng ibang tao, gusto ko, masaya lang, makapanood sila ng show na walang intriga.
“Noong time na hindi ako natuloy mag-guest sa ‘Showtime’ nasaktan ako siyempre. Tinatanong nila kung sino ang dahilan, ‘yun. Hindi ko naman sasabihin na siya, kung hindi sinabi sa akin ng manager ko. Siya ang nakakaalam, 20 years na siya sa ABS at hindi siya nagsisinungaling. ‘Yun ang binasehan ko, ang manager ko,” diretsong sabi ni Ate Gay.
Nagsalita rin ang manager ni Ate Gay para linawin ang issue na kinasasangktan ng alaga niya. “May mali rin ako, mali ‘yung nai-deliver ko kay Ate Gay. So sabi ko, nag-i-inquire lang pala sila, bayaan mo na, marami pa namang guesting. So, nakapag-tweet na siya na maggi-guest siya sa Showtime, ‘yun ang nangyari. Nagkaroon lang ng misunderstanding, so ang feeling ko, sana maging okay na sila ni Vice kung may lumabas na issue, kasi puwede naman silang mag-usap… para palakihin pa? Isang tawagan lang naman ‘yan para tapos na ang issue,” pahayag ng manager ni Ate Gay.
Nabigla kami nang sabihin ni Ate Gay na hindi totoo ang mga naging pahayag ng manager niya tungkol sa pangyayari. “Ang totoo, hindi totoo ang mga sinabi ng manager ko kaya ang hinihiling ko sa inyo, huwag na lang. Hindi totoo ‘yun kasi kung sasabihin ang totoo ang pangit, ang tanga-tanga mo, ang pangit, ‘di ba? Nasaktan ako doon, off-cam na lang ito, kawawa naman ang manager ko, kung sasabihin niya ang katotohanan, matatanggal siya sa ABS. Kasi, Diyos ang kalaban namin. Totoo ang sinasabi ko, kaya huwag na lang po,” pakiusap ni Ate Gay sa movie press para matapos na ang intrigang ipinupukol sa kanya.
AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield