“MADALI NAMAN akong kausap, Public Apology lang okey na, naging magkaibigan naman kami, kaya puwede pa kaming maging magkaibigan ulit! Dahil kung hindi sila magpa-public apology, ako naman ang magdedemanda sa kanila.”
Ito ang naging pahayag ni Atty. Ferdinand Topacio sa pinatawag nitong presscon sa Baroque Penthouse, Rembrandt Hotel, Quezon City patungkol kay Bea Binene at ina nitong si Carina.
Ayaw na nga raw nitong umabot pa sa demandahan ang issue sa kanila na madali naman daw maresolba nang isang upuan lang at palinawagan. Kaso raw, nasisira na ang kanyang iningatan at inalagaang pangalan, kaya naman daw kailangan na niyang gawin ito.
Tsika pa ni Atty. Topacio, hindi naman siya galit kay Bea, dahil mabait naman daw ito at saludo siya rito na sa murang edad nito ay may puso itong tumulong sa mga nangangailangan sa pamamagitan ng kanyang Bea Cares Foundation.
At kaya naman daw siya nagsasalita ngayon ay dahil gusto lang daw niyang linisin ang kanyang pangalan na unti-unting sinisira ng issue. Siya na nga raw ang tumulong , pero siya pa raw ngayon ang lumalabas na may kasalanan at balak pang idemanda.
Hindi naman daw siya pipitsuging abogado na makikita lang sa tabi-tabi, dahil bigatin at may mga pangalan ang kanyang mga naging kliyente mula kina former President Joseph Estrada at former First Gentleman Mike Arroyo, atbp.
Basta pinaghahandaan na lang daw nito kung ano mang demanda ang ihahain sa kanya ng kampo ni Bea, at handa raw siyang humarap sa korte para ipagtanggol ang kanyang sarili at ilabas kung ano ang katotohanan. Handa rin naman daw siyang magdemanda na pag-uusapan nila ng kanyang legal counsel, sakaling hindi mag-public apology si Bea o ina nito.
ISA SA malaki ang tsansang maiuwi ang pagka-Best Actor ng reality artista search ng TV5 ay ang guwapong Fil/Japanese na si Akihiro Blanco, na if ever na papalaring mananalo ay gustong magkaroon ng proyektong may temang drama at komedya.
At kung papipiliin daw siya ng magiging ka-loveteam, gusto nito si Chanel Morales na ayon dito ay sobrang galing umarte at maganda. Gusto raw nito ang mala-Lovi Poe na pinaghalong Selena Gomez na beauty ni Chanel.
Dagdag pa nito na between Mark Neumann at Vin Abrenica na parehong pasok sa Final 6, si Vin daw ang alam nitong ma-tindi niyang makakalaban para sa kategoryang Best Actor, dahil magaling daw ito at talaga namang palaban sa lahat ng kani-lang activities.
HALOS REMAKE ng hit OPM 80s at 90s songs ang laman ng 3rd album ni Gerald Santos na tinaguriang Prince of Ballad, produced ng Prinstar Music at distributed ng Ivory Music and Video.
Sa nine-track album, lima ang kanta at minus one ang side B, kaya puwedeng mag-sing-along ang bibili nito. Kasama sa album ang ‘Ikaw Lang’ at ‘Ikaw Pa Rin Ang Mahal Ko’, theme song ng TV5 series Sa Ngalan Ng Ina, ‘Paminsan-minsan’, ‘Hindi Magbabago’ at ‘Maghintay Ka Lamang’.
Si Gerald din ang gaganap na San Pedro Calungsod: The Musical na ipalalabas sa PETA sa October 21 at 27 with matinee shows produced ng Mat-Pil Productions. Sa November 23, magkasama naman sila ni Nina sa isang concert sa Metro Bar.
John’s Point
by John Fontanilla