MAY NABALITAAN akong may gagawing malaking rally sa Chinese Embassy tungkol sa undisputed islands natin sa ating karagatan, na ngayon ay pinag-uusapan na sa International Convention on the Law of the Seas.
Kinunan natin ng pahayag si Atty. Saguisag tungkol dito sa Martsa ng Kalayaan noong June 12, 2015 sa harap ng Chinese Embassy sa Makati.
“Kaya dahil sa kapabayaan ng mga ibang higante riyan, eh, tayo langgam lang tayo, eh. Kaya, ‘eto nga, hindi tayo anti-China, hindi tayo anti-US, we are pro-Filipino. Kaya nais nating ipaalala, hindi natin dapat balewalain. Ang pangkaraniwang Pinoy na kamukha mo at kamukha ko, dahil dito nakasalalay ang kinabukasan ng mga anak at apo natin. Eh, ‘yun sanang undisputed islands eh, pabayaan na sana sa atin ng mga Kano, iwanan na ng mga Intsik para sa sambayanang Pilipino.
“Eh, paano natin tatalunin ang China eh, 1.3 billion sila. Eh, ‘di lang tayo babanatan, baka lang sabihin nila, sabay-sabay tayong lumundag eh, matsu-Tsunami tayo.” Hehehe! Palabiro pala itong si Atty. Saguisag.
“Ang kailangan lang, ayon sa batas, magkaroon tayo ng independent foreign body. And we don’t want to be quarelling with any nation. Gusto nating makipagkasundo sa Amerika, makipagkasundo sa Hapon, Tsina, Russia. Ngayon, kung may mga natural resources ‘yan eh, tayo ang dapat magmaneho at ‘yung mga tutulong sa atin eh, equitable sharing. Win-win, hindi tayo nanalo, hindi tayo natalo, lahat nakikinabang.
“‘Yung Vietnam at Tsina nag-away noong 1979. One month after, tatlumpu’t libo (30,000) ang napatay. Eh, hangga’t maaari, iwasan na natin iyong mga ganoong violent solutions.
“Meron tayong kaso sa UN later this year. Sana magbago na at kung sakaling umatras lang ng kaunti ang Tsina. ‘Yung arbitration na namumuno roon, ‘yung kaibigan nating si Paul Wrikler, ang reports no’n eh, maganda ang takbo.”
Ang pagyao ng kanyang kabiyak
“Ah, apektado ako, nawala ‘yung boses ko. ‘Pag nagsasalita ako, sa tingin ko, kailangan ng microphone. Humina ang tuhod ko kaya nga ako ay nagtutungkod eh, lalo na kapag hindi pantay ang nilalakaran.”
Mukhang maganda ho ang samahan ng inyong kabiyak?
“Oo, talaga.. At saka marami na akong birth anniversaries.” Napansin ko parang ayaw niyang pag-usapan ang tungkol sa kanyang asawa.
“Talagang tigulang na eh… (sabay tapik sa braso ko). ‘Di katulad mo… (ako daw) mukhang makamandag ka pa, eh. Heheheh! Kami eh, mga paos at laos na, eh.
“Ah, ‘yung utak, matagal nang sira ‘yan, eh! (sabak tapik na naman sa balikat ko). Nu’ng kabataan ko, ang nilalabanan ko ay para roon sa mga nag-aabuso, sa mga mandarambong. Ako, nararamdaman ko, nalalapit na rin ako. Kahit alam kong masamang damo ako… may katapusan din ako. Eh, sino bang pagrereportan ko, si San Pedro o si Kalawit? At sino kaya ang kukuha sa akin? (sabay ngiti at tapik sa tuhod ko). Ang balita ko kay San Pedro eh, may Motion for Reconsideration.”
Napapangiti naman ako kapag tinatapik at dinidiinan niya ang aking tuhod habang nag-uusap kaming nakaupo na parang nagsusumbong at naglalambing siya sa isang anak, kapatid, o kakilala. Kaya ang tugon ko ay paniniwala ko na kapag gumawa ka nang mabuti sa sarili mo, sa kapwa mo at sa bansa mo, iyon ay malaking kabanalan sa Diyos. Sa akin, hindi naman totoo ‘yung palasimba ka lang. Tayo ay umuusal din ng pansarili at nakikipag-usap sa Diyos. Malalim siyang nag-isip.
“Naalala ko si Jovito Salonga. Siya ang puno namin noong 1991. Sa June 22, eh, 95 years old na siya. Kaso, matagal na siyang nakahiga na lang, nakalulungkot. Kasi hindi na rin niya ako nakikilala. Iyon ang ikinatatakot ko.”
Nakaramdam ako ng awa.
“Tunay na bayani ‘yung si Jovit”, ani Atty. Saguisag.
Tunay ngang ang lahat ng bagay ay may katapusan. Walang nakalulusot sa ganitong sitwasyon. Kayo kanino ninyo inaalay ang inyong buhay?
Ito ang larawan sa canvas ni Maestro Orobia.
Email: [email protected] CP.# O9301457621
Larawan sa Canvas
By Maestro Orobia