TAONG 2005 NANG lakas-loob naming ilantad ang kuwentong meron nang anak si Aubrey Miles. Kasagsagan ng kanyang career noon bilang sexy star. Nagsimula lang ang kuwento sa mga bulungan, hanggang sa trabahuhin namin nang husto ang balita.
Hindi magdamagang imbestigasyon lang ang pinagdaanan ng istoryang inilabas namin. Maraming kababayan nating matagal nang naninirahan sa Amerika ang aming kinapanayam.
Mula sa iba’t ibang kuwento ay nabuo ang senaryo, pero hindi pa rin sapat ‘yun. Kailangang meron talaga kaming pinanghahawakang dokumento na may anak na nga si Aubrey.
Matigas ang kanyang pagtanggi. Sa kanyang mga interbyu, tahasan niyang sinabi na isang malaking kasinungalingan ang aming inilabas. Hinamon pa niya kaming maglabas ng ebidensiya tungkol sa pagkakaroon na niya ng anak.
Tinanggap namin ang hamon. Ilang linggo lang, nakakuha kami ng litrato ng batang lalaki. Isang mahabang proseso na naman ang aming pinagdaanan para makunan ng litrato ang bata na kaaahon lang sa isang swimming pool.
Nag-ikot sa iba’t ibang talk show si Aubrey, idinedenay niya ang pagkakaroon ng anak. Imposible raw mangyari ‘yun dahil napakabata pa niya nu’ng mga panahong sinasabi na nanganak na siya sa Amerika.
Nu’ng mga panahong ‘yun, pinalabas kaming nag-iimbento lang ni Aubrey. Kami ang pinakasinungaling na manunulat noon para sa kanya.
Ang laban at paninindigan namang pinanghawakan namin noon—isang araw ay lalabas din ang katotohanan.
NU’NG LUNES NANG gabi, sunud-sunod na tawag at mensahe sa text ang tinanggap namin. Iisa lang ang direksiyon ng paksa, iyak daw nang iyak si Aubrey Miles sa SNN habang nagtatapat na totoo ngang meron na siyang anak bago pa niya isinilang ang kanilang panganay ni Troy Montero.
Sabi ng isa naming kaibigan, “Kinikilabutan ako! Napanood ko ang mga denials niya noon, talagang nagmamatigas siya sa pagsasabing wala siyang anak, imbento mo lang daw ang kuwento!”
Ang napanood lang namin ay ang teaser ng panayam. Ipinakikita si Aubrey na iyak nang iyak. Masakit ang kanyang iyak habang inaamin niya na totoo ngang nanganak siya sa Amerika nu’ng 2001.
Nu’ng magkaroon kami ng giyera ng salitaan ni Aubrey ay sinabi namin, kaya nating labanan ang init at ginaw, kaya nating pumagitna sa giyera para makipaglaban nang patayan.Pero kapag ang kunsensiya na natin ang nagsalita, wala na tayong maaaring pamilian. Kailangan nating harapin ang katotohanan.
Pagkatapos nang walong taon ng kanyang pagtatago, heto ngayon si Aubrey. Humihingi ng pang-unawa at simpatiya kung bakit niya naatim na itago ang kanyang anak.
Ayon sa sexy star, gusto raw niyang tulungan noon ang kanyang pamilya. Pagiging sexy star ang kanyang linya, tumatabo noon sa takilya ang mga pelikulang pinagbibidahan niya.
Napilitan daw siyang itago ang katotohanan dahil masisira ang kanyang career. Pinalabas niyang sinungaling ang mundo noon para sa kanyang sariling interes.
Maraming salamat sa pagharap sa katotohanan ni Aubrey Miles. Bendikasyon para sa amin bilang manunulat ang kanyang pagtatapat na meron na siyang walong-taong gulang na anak na lalaki ngayon.
Pasable para sa amin ang kanyang pagtatapat, pero ang kakambal na katuwirang sinasabi niya tungkol sa dahilan ng kanyang pagtatago sa bata ay hindi.
Sabi nga sa isang karatulang madalas naming mabasa sa kahabaan ng NLEX, “Everybody deserves a birthday.”
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin