INAMIN NI AUBREY Miles na pumayag siyang maghubad sa pictorial ng FHM magazine. Hindi raw produkto ng retoke lang sa computer ang ilang kuha niya na bakat lamang ng dalawang kamay niya na may putik ang itinakip sa kanyang dibdib. May video pa raw na kuha ng staff habang kinukunan si Aubrey na magpapatunay na hubad talaga that time si Aubrey.
Humingi naman ng patawad si Aubrey sa lahat ng mga taong nasaktan niya sa hindi niya pag-amin sa una niyang anak na lalaki sa dating boyfriend na si JP Obligacion na kasamahan din niya dati sa Best Prends ng GMA7 at sa kUwadra ng manager nila noon na si Wyngard Tracy.
“Ginawa ko lang ‘yun. S’yempre masakit sa akin ‘yun. Hindi ganu’n kadali ang mag-deny. Pero I have to admit na may purpose din. Hindi naman dinenay ko lang for my own happiness. Parang kailangan ko ring gawin. Sabi nga nila, pinagsisihan mo ba na dinenay mo ang anak mo? Hindi ko pinagsisisihan ‘yung something na nakatulong nang malaki sa buhay ko,” pahayag ni Aubrey.
Ang kilalang manunulat at TV host na si Cristy Fermin ang nagpaputok ng isyu na may anak na si Aubrey bago pa man siya pumalaot sa pagiging sexy star. Pagkatapos ng lahat ng pagtanggi ni Aubrey sa isyu, vindicated ang manunulat sa lahat ng kanyang sinabi at sinulat.
“Uhm, hindi naman ako galit. Pero parang tama na. Sige na, okey na ‘yun. Pero ‘yung sa akin before, wala namang makapagsasabi kung kelan ko sasabihin at walang nakaaalam ng totoong buhay ko kundi ako lang. At para sa akin, ikaw lang ang makapagsasabi kung gusto mong i-share ang buhay mo sa public, desisyon mo ‘yan. Pero ako kasi, hindi ako ‘yung klase ng tao na lahat ng detail sa buhay ko, ikukuwento ko. Kahit pa’no gusto ko na hindi na kailangang i-share. Well, pero ganu’n talaga, e.”
Tanggap naman ni Aubrey na vindicated si Tita Cristy sa lahat ng sinulat niya na may anak na siya.
“Yeah, pero hindi ko naman sinasabi na mali siya or ganito. Hindi lang siya ‘yung tao, or para sa akin walang taong makapagpipilit sa akin kung kailan ko gustong sabihin, o kung ano talaga ang totoong buhay ko. Wala, walang nakaaalam. Hindi naman natin masasabi na alam nila ang buhay ko,‘di ba?”
IPINAPALABAS NA SA mga sinehan ang trailer ng pelikulang Lizardman, ang counterpart ng Malaysia sa showbiz local heroes natin, tulad nina Lastikman, Gagambino, at Gagamboy. Patunay lang na uso pa rin talaga ang fantasy films, huh!
Hindi raw pahuhuli sa special effects ang Lizardman sa Spiderman series ng Amerika, kaya tiyak na magugustuhan ng moviegoers, especially ng mga bata. Kuwento ito ng isang ordinary hard-hitting reporter na palaging rejected ang kanyang balita hanggang siya na mismo ang nakaengkuwentro sa mga kaaway ng bayan.
Showing na ang Lizardman on July 22, mula sa World Asia Film Exchange.
Julie Ka!
by Julie Bonifacio