Auction sa T3!

MAY APAT na pamamaraan upang tayong lahat ay makatulong para sa mga nasalanta ng bagyong Yolanda. Una, maaari ta-yong magbigay ng cash donations. Pangalawa, puwede tayong magbigay ng mga groceries o ng ating mga lumang gamit at damit. Pangatlo, maaari rin tayong mag-volunteer para sa repacking ng relief goods. At pang-apat – kung walang-wala rin – isama sa ating mga dasal ang lahat ng mga biktima sampu ng kanilang mga pamilya.

Ang unang tatlo ay maaari nating idaan o sa pamamagitan ng pagpunta sa Philippine Red Cross o anumang ahensya at foundation na ating nais piliin. Samantalang ang pang-apat – ang pinakamadali, pero mahalaga rin – ay puwedeng gawin nang hindi na tayo kinailangan pang umaalis ng ating

tahanan.

Kaya wala tayong dahilan para sabihing gustuhin man

nating makatulong pero wala tayong kakayahan. Alin man sa apat na ito ay mahalaga bilang pakikiisa sa mga kababayan natin na sa kasawiang-palad ay napasama sa mga naging biktima ng pinakamalakas na bagyo sa ating kasaysayan.

NAIS KO na ring samantalahin ang pagkakataong ito upang ipabatid at mag-anyaya na rin sa lahat na makilahok sa online auction ng T3. Kabilang sa mga bagay na ipao-auction ay mga gamit at damit naming magkakapatid – Ben, Erwin at ako. Ilan sa mga gamit at damit na ito ay minsan nang nagamit sa mga pictorial para sa launching ng T3.

Halimbawa rito ay ang Dolce & Gabbana trench coat na isang beses ko lang isinuot para sa TV, billboard at print campaign ng T3.

Karamihan din sa mga damit na ito ay binili namin para gamitin lamang sa mga live studio airing ng T3 – gaya ng mga leather jacket ng Zara at all-purpose jacket ng Ralph Lauren, Emporio Armani, Lacoste, Tommy Hilfiger, Esprit, Gap, etc.

Ilan ding mga sapatos at belt ang mapasasama sa auction. Ito ay mga sapatos ng Ferragamo, Cole Haan, OTW vans, Clark, Merrel at Nike, at mga belt ng Lacoste, Ferragamo, Cole Haan at Ralph Lauren. Ilan sa mga gamit kong ito ay makailang beses ko lang nagamit.

Kabilang din sa mga mai-auction ay mga T-shirt ng Hugo Boss, Burberry, Emporio Armani, Ralph Lauren, Tommy Hilfiger at Lacoste. Ang mga ito ay makailang beses ko lang nagamit para sa live studio airing ng Wanted Sa Radyo.

Ang size ng aking mga jacket na kasama sa auction ay large hanggang extra large. Ganoon din ang aking mga T-shirt. Samantalang ang mga sapatos ko ay size 9 and 1/2 hanggang 10 – US.

Sa susunod na linggo, makikita ang lahat ng ito sa official Facebook page ng T3. Ang lahat ng proceeds ay mapupunta sa Alagang Kapatid Foundation ng TV5 para sa pagtulong sa mga kapatid nating nasalanta ni Yolanda. Ang Alagang Kapatid Foundation din ang siyang magsu-supervise sa auction proceedings.

NAIS KO ring pasalamatan ang Let’s Ask Pilipinas na ma-pananood sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, tuwing 7:00 pm, pagkatapos ng Aksyon dahil sa pag-anyaya sa akin na lumahok sa kanilang game show noong Lunes para sa episode nilang “Celebrity for Charity”.

Pinalad akong makapasok sa jackpot round at sa ‘di ko malamang dahilan bigla akong nag-all in sa aking naipong panalo mula sa first round na umabot sa P50,000.00 plus. Sinuwerte naman at napili ko ang tamang sagot ng jackpot round.

At dahil times five ang mapapanalunan ng aking ipinustang all in, umabot sa P255,000.00 ang aking naging total winnings. Pinili ko ang Alagang Kapatid Foundation na siyang mapupuntahan ng lahat ng aking pinanalo upang maitulong sa mga nasalanta ng bagyo.

Ang Let’s Ask Pilipinas ay isang top-rated prime time television game show sa gabi na ang anchor ay ang premyadong aktor na si Aga Muhlach.

Shooting Range
Raffy Tulfo

Previous articleMag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion, likas ang pagtulong sa nangangailangan
Next articleBukambibig 11/20/13

No posts to display