SAAN KAYA HAHANTONG ang isyu ngayon sa pagitan ng dalawang directors – isang “experienced” (ayaw nitong patawag na “beterano”) director na si Gil Portes, at isang relatively new director na si Alejandro “Bong” Ramos na director ng indie films na Haw Ang, Butas, Big Night, Pipo, at Halik Sa Tubig.
Diumano’y inaakusahan ni Ramos na kinopya ni Portes ang kanyang script na Biyaheng Norte at siya namang isinumite diumano ni Portes sa Directors’ Showcase category ng Cinemalaya 2010, bilang Two Funerals, kunsaan nagwagi si Portes bilang Best Director.
As a backgrounder, ayon pa rin sa kuwento ni Ramos, isa si Portes sa mga judges o “screening committee” ng entries o scripts submitted ng filmmakers/scriptwriters sa Cinemalaya noong 2008, at dito nga isinumite ni Ramos ang kanyang Biyaheng Norte script, na hindi rin naman nakapasok sa Magic 10 list sa Cinemalaya that year.
Balak talagang gawin ni Ramos ang pelikula, hindi man makapasok as finalist sa Cinemalaya 2008.
Two years later, sa kakatapos lang na Cinemalaya 2010, hindi lang si Direk Gil ang nagwagi for Two Funerals, kundi pati na si Eric Ramos bilang best screenplay. Win din ang pelikula sa audience choice award and special jury prize.
Sa kabila ng akusasyong ito ni Ramos sa mga kakilalang tao habang ongoing ang Cinemalaya (or kahit noong awards night nito noong Linggo), mariin naming pinabulaanan ito ni Portes sa Showbiz Mismo, ang radio program ni Jobert Sucaldito sa dzMM.
Super-tanggi si Portes sa isyung ito, at ayon pa sa kanya, sa Cinemalaya venue ay ipinagkakalat ni Ramos ang chikang diumano nga’y pagiging ‘plagiarist’ niya. Hindi maintindihan ni Portes ang motibo ng nagrereklamo dahil ayon sa kanya’y hindi niya personal na kilala si Ramos.
Ayon pa sa balita, may nagsabi kay Ramos na maghain na lang pormal na reklamo sa tamang venue tulad ng Cinemalaya at huwag nang ipagkalat pa ang isyu.
Huwag naman sanang makaapekto ang balitang ito sa integridad ng Two Funerals as a film (with original story), bagama’t wala pa namang imbestigasyong nangyayari, lalo’t nag-deny na ang inaakusahan ni Ramos.
Karapatang-pantao ni Ramos ang ihinga o ireklamo ang kanyang saloobin, dahil masakit ang plagiarism sa isang scriptwriter. At siyempre, karapatan ding sagutin ito ni Portes, kaya siya nagpa-interview sa radio.
Kung magpapa-interview sa talk shows ang magkabilang panig upang maging fair sa lahat, with all angles covered sa masusing imbestigasyon at sa cooperation ng Cinemalaya, ang publiko na marahil ang dapat humusga.
KILALA SI CRISTY Fermin bilang very close at nanay-nanayan ni Willie Revillame, kaya nang makatsikahan namin ito sa TV5 last weekend, siya ang “nagkumpirma” sa pagbabalik-Wowowee ni Willie, any time now.
Inamin din ni Willie sa interview ni Cristy sa Paparazzi na nagkausap na sila ni Ma’am Charo Santos-Concio at nabanggit nito ang salitang “forgiveness” na mukhang ang pinapatamaan niya ay ang pagpapatawad sa ilang mga taong kasama niya sa show na nakasamaan nito ng loob.
Bagama’t hanggang sa sinusulat namin ito’y wala pa ring kumpirmasyon galing sa ABS-CBN at ang huli nitong statement ay speculations pa lamang ang lahat at nakapag-usap na nga ang panig ni Willie at ng management, ang mga diehard supporters ni Willie ang sabik na sabik sa pagbabalik nito sa show.
Ang sabi pa’y inaayos o ginagawa na ang dressing room ni Willie. Say naman ni Cristy, walang kakayahang magpaalis o magpatanggal ng kasamahan sa show ang kontrobersiyal na TV host. At saludo ito sa pagkamarespeto ni Robin Padilla sa pagtanggi nitong pumalit sa show, habang gusto pa itong balikan ni Willie.
Hindi namin nakumpirma kay Pokwang, pero mainit ang usap-usapang magre-resign na lamang ito sa Wowowee sa kanyang pagbabalik.
Pero kung kami ang tatanungin, maliit lang naman ang showbiz at papasaan ba’t magkakaayos din sina Willie at Pokwang, na siyang hangad ng mas nakakarami.
Wala ring eksaktong date ang binanggit si Cristy, bagama’t may usap-usapang July 31 na magaganap ang sinasabing comeback ni Wilie sa Dos. Magiging kumpirmado lang ito kapag nag-announce na ang ABS-CBN.
Mellow Thoughts
by Mell Navarro