SA PAGLABAS NG aming kolum nu’ng nakaraang Martes ay isang maanghang na mensahe sa text agad ang natanggap namin. May kinalaman ‘yun sa pagpitik namin kina Chin at Juris ng MYMP na ayon sa ilang kasamahan naming manunulat ay may kagaspangan ang ugali.
Sabi ng text na nanggaling sa isang production staff ng ilang programa sa ABS-CBN, “Naku, friendship! May tumawag lang sa akin, parang si Tita Cristy raw ang sumulat ng nega sa MYMP!
“Jusko, sobrang thank you kamo kay Tita Cristy, buwisit talaga ang Chin na ‘yan sa kayabangan!” kumpletong mensahe ng aming dating katrabaho sa Dos.
At nu’ng pagabi na ay meron pa uling tumawag sa amin, ang sabi naman nito, “Ayokong matapos ang araw na ito nang hindi ko nasasabi sa iyo ang chika tungkol sa MYMP.
“Di ba, kasama sila sa Sessionistas ng ASAP? May naka-book silang shows sa ibang bansa, okey na ang lahat, pati ang schedule, okey na sina Nina , Aiza at Sitti.
“Nakausap na rin sina Chin at Juris ng nag-coordinate ng mga shows nila sa States, saka sa Canada, pero nitong bandang huli, nag-iinarte na naman si Chin.
“Hindi raw sila puwedeng sumama, meron daw silang schedule sa mga dates na ibinigay sa kanila, mas nauna na raw ang mga commitment na ‘yun kesa sa booking ng Sessionistas sa ibang bansa.
“E, teka muna. Bakit nu’ng una silang kausapin ng coordinator, hindi pa nila sinabi na hindi sila puwedeng sumama, dahil may prior commitment na nga sila?
“Why only now, kung kailan plantsado na ang lahat, kung kailan committed na ang coordinator nila sa mga producers nila sa ibang bansa? Di sana nu’ng una pa lang, e, sinabi na nila ‘yun, para naiayos ang schedule ng mga shows nila?” simulang kuwento ng aming impormante.
Natural, dahil sa pag-iinarte ni Chin, hindi na nakapagpigil ang isang bossing ng ASAP nu’ng makarating dito ang senaryo.
“Ay, tinalakan talaga siya ni ____(pangalan ng production head) narinig ni Chin ang mga salitang ayaw niyang marinig. Ang akala siguro niya, e, sasantuhin siya nu’ng taong ‘yun, pero nagkamali siya!
“Ang ibang artista nga, e, tuwang-tuwa kapag meron silang booking sa ibang bansa, mga sikat na ‘yun, ha? Pero sila naman na hindi na nga kainitan ang career at pa-gig-gig na lang at sa ASAP na lang halos sila nagkakaroon ng exposure, ganu’n pa ang magiging attitude nila?
“Maangas talaga si Chin, mayabang ‘yun, feeling-sikat at guwapo talaga ‘yun! Ito namang si Juris, don’t tell me na wala siyang kinalaman sa mga pinaggagagawa ni Chin!
Silang dalawa na nga lang ang magkasama, duet lang naman sila at hindi full band, huwag sabihin ni Juris na wala siyang alam sa mga pinaggagagawa ng partner niya?” inis na inis na sabi pa ng boses sa kabilang linya.
Ibig sabihin, hindi lang pala ang mga reporters ang hindi nakakagusto sa MYMP, kahit sa ASAP pala ay marami ring naaangasan sa kanila, lalo na kay Chin?
“Chinapter talaga siya nu’ng bossing,” sundot pa ng aming kausap.
PANSAMANTALANG IPINAHINTO NG Supreme Court ang paggagawad ng National Artist award sa ilang alagad ng sining, kasama na ang sinesentruhan ng mga nagrereklamo na si Direk Carlo J. Caparas.
Pero sa halip na magalit-masaktan ay kinatigan pa ng nobelista-direktor ang pangyayari, ayon kay Direk Carlo ay mas maganda ang nangyari, para maresolbahan na ang inirereklamo ng ilang sektor na hindi masaya sa kanyang tagumpay.
Wala namang pakialam ang Pambansang Kamao sa isyu, para kay Manny Pacquiao ay karapat-dapat lang tanghaling Pambansang Alagad ng Sining ang sikat na direktor, para kay Pacman ay hindi biro-biro ang katangian ng direktor na mula sa pagsusulat ng mga nobela sa komiks ay nakatawid sa mundo ng pelikula at tinanghal pang box-office director.
Cristy Per Minute
by Cristy Fermin