HINDI ITO huling pahimakas kay Ka Satur. Sa edad na 72, siksik pa siya ng kalusugan, matalino at matalas na pag-iisip at nag-aapoy na damdamin sa kanyang mga pinaglalabanan. Dapat kong sulatin at ialay ang pitak na ito bilang paggunita sa aming halos 4 na dekadang pagsasamahan.
Matapos ang dalawang termino bilang party-list congressman (Bayan Muna), sinamam-palad si Ka Satur na ‘di magwagi sa senatorial race nu’ng 2010. Ngunit sa pananaw ng marami, mas sinawimpalad ang bayan at Senado sa ‘di pagkakaroon ng isang mambabatas na may kalibre ni Ka Satur.
Mahigit na 12 taon siyang nakulong nu’ng Martial Law. Kalahati ng panahong ito ay solitary confinement. Nanindigan. Lumaban. Halos binuwis ang buhay laban sa diktador. At kagaya ng maraming iba pa, dinanas ang ‘di mabibigkas na physical torture sa iba’t ibang piitan.
Nu’ng kasagsagan ng manhunt sa kanya, sinilong siya nang halos isang linggo sa aming munting apartment sa Makati. Madaling-araw na bumubuhos ang ulan nang kumatok siya. Nakikiusap ng kanlong sa isang kaibigan. ‘Di ako nagdalawang-isip.
Ano ang paninindigan at pinaglalaban ni Ka Satur? Tanikala ng imperyalismong umaalipin sa ekonomiya. Pagkitil sa pangtaong karapatan. Korapsyon. Kahirapan. Baluktot na land reform. Karapatan ng manggagawa. Mga suliranin hanggang ngayon. Kadenang kumikitil sa ating leeg.
Saan nag-ugat ang apoy ng kanyang pinaglalabang paninindigan? Mga peasants ang kanyang nasirang magulang sa Sta. Rita, Pampanga. Kapus-palad na biktima ng pag-aabuso at tinaguriang social at economic inequities. Sa paslit niyang mata, nakita ang kalunus-lunos na kahirapan at mala-impiyernong buhay sa kamay ng mga landlords.
Tila wala yatang kapaguran si Ka Satur.
Malayo at malalim ang pinagsamahan namin ni Ka Satur. Magka-eskuwela Lyceum Journalism Class ‘60, magkumpare tatlong suson, lampas-butong pagkakaibigan at marami pang bagay na nagtahi sa aming puso at kaluluwa. Magkaniig kami sa adhikain, pagmamahal sa bayan at kapakanan ng dukha. Isang kisap-mata ang nakalipas.
Hindi ito huling pahimakas sa kanya. Awitin ko ito sa kanyang kadakilaan at kabayanihan. Kaibang nilikha. Mabuhay ka, Ka Satur Ocampo!
SAMUT-SAMOT
WHEN IT rains, it pours. Tangkang imbestigasyon ng committee ni Frank Drilon ang napabalitang misuse of $21-M grant ng World Bank sa Korte Suprema. Nangyari diumano ito mula 2006-2010 sa administrasyon ni CJ Renato Corona. Kung totoo, grabeng black eye sa Mataas na Hukuman at sa Chief Justice. Makakaapekto rin sa kasalukuyang impeachment kay Corona. Simula nang nagsingawan ang baho. Ngunit kailangang iligtas ang kredebilidad ng institusyon.
MAHILIG PUMAPEL. Bakit ‘di na lang mag-stick sa pagliligtas ng kaluluwa at pagpapalago ng pananam-palataya si retired Arch. Oscar Cruz? Nasa mga pahayagan siya kahapon binabasbasan si CJ Renato Corona na nakasalang sa impeachment sa Senado. Religion at politics should not mix. Kulang ba siya sa pansin?
PINAG-UUSAPAN PA hanggang ngayon ang bum stir kay Pangulong Noy tungkol sa diumanong terrorist attacks sa prusisyon ng Black Nazarene sa Quiapo. Binale-wala ng mga milyong devotees ang Pangulo. Sa halip, lumobo pa sa 8 milyon ang buong tapang na dumalo. Anong klaseng military intelligence network mayroon tayo? Ano na rin ang resulta ng Marine ambush investigation sa Mindanao?
SINIMULAN NA ni dating Senator Ernesto Maceda ang pagpulso ng kanyang binabalak na kandidatura sa Senado sa iba’t ibang lalawigan ng bansa. Mainit ang clamor. Kailangan ng Senado ang isang veteran at top-notch legislator kagaya ni Maceda. Let’s get rid of the likes of Bong Revilla, Antonio Trillanes at Lito Lapid. Alis diyan!
AYON SA World Bank report, ang travel agency ni Atty. Estelito Mendoza ang suki ng Supreme Court sa travel needs ng SC officials. Tanong ng ‘di iilan kung coincidence ito sa “influence” diumano ni Mendoza sa Korte Suprema kahalintulad ng reversal ng FASAP case in favor of Lucio Tan, Mendoza’s reported client.
UMAALINGASAW ANG diumano’y baho sa management ng World Bank $21-M grant sa Supreme Court. Ayon sa report, si SC spokesman Midas Marquez ang naghahawak ng multi-jobs that are conflicting sa iba pa niyang posisyon. Inalmahan din ng World Bank ang pag-hire ni Marquez ng isang PR gamit ang pondo ng bangko. Dati-rati all over media si Marquez. Nang mabulgar ang isyu, naglaho na siyang parang bula.
BUKOD SA anti-corruption drive, dapat lang tuunan ng seryosong pansin ng pamahalaan ang tuluy-tuloy na pagbagsak ng ekonomiya. Mga displaced OFWs ay walang patutunguhang trabaho. Country-wide productivity ay nasa stand still. At dahil sa suliranin, lalong nag-deteriorate ang peace and order. Hanggang ngayon, ‘di alam kung ano ang short at long range economic plans ni Pangulong Noy. Puro uwido, patch work, walang focused direction.
KUNG ‘DI magbibitiw si Corona, tinatantiyang tatagal ng 6 na buwan ang impeachment trial. Presentasyon ng evidence at counter-evidence at tatagal ng 3 months each. Marami pang puwedeng makabalam na maaaring ibalakid ng depensa. Sa ngayon, ang public opinyon ay pabor sa impeachment. Pinakamatinding charge daw ay ang SALN isyu o fiscal inproprieties.
NAGLABASAN SA major broadsheets, mga full-page ads pabor sa impeachment ng Chief Justice. ‘Di hamak ang gastos dito! Sino ang nagpopondo? Wala pa ring pagbabago. ‘Di maaaring buhat sa bulsa ng advertisers. Lahat-lahat, tinatantya na mahigit 5 milyon ang ibinayad. Kaawa-awang taxpayers!
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez