TV HOSTS JULIUS at Tintin Babao, nagkahiwalay. Nakakagulantang. Kumislap agad sa isip ko ang isang misa sa St. Pio Parish sa Eastwood, Quezon City kamakailan. Dito ay nagbigay ng testimonya ang dalawa tungkol sa happy marriage at pagpapalaki sa tamang landas ng mga anak. Kasama na dito ang kani-lang pagsasaksi sa isang milagro ni St. Pio nu’ng bumisita sila sa Italya nu’ng nakaraang taon. Maraming nabagbag ang damdamin. At ngayo’y, ang balitang ito?
Kumislap sa aking isip ang sinapit ng aking pamangkin na tuluyan nang nakipaghiwalay sa kanyang maybahay pagkaraan ng isang dekadang pagsasama. Bumaha ang kanyang luha sa pagsisiwalat ng naging kataksilan ng kanyang kabiyak. Gusto na niyang tapusin ang lahat.
Ang mundo ay punung-puno ng ganitong kalungkutan at suliranin. Ang paghihiwalay ng mag-asawa ay mahapdi at masakit. Ang hapdi at sakit ay tagos sa buto lalo na kung ang kadahilana’y pagtataksil.
Balik tayo kay Julius at Tintin. Bakit sila nagkahiwalay?
Ang balita ay nabasa ko sa window story ng Pinoy Parazzi. Ngunit nu’ng binuklat ko sa pahina 8 ang kabuuan ng istorya ay napahumindik ako. Napasigaw ng ‘Ay, mali!’ Ang katotohanan pala ay nagkahiwalay ang dalawa sa TV station na pinagtatrabahuan. Nanatili si Julius sa Channel 2 at lumipat naman sa Channel 5 si Tintin. Nagkahiwalay. Ay, mali!
SAMUT-SAMOT
INULAN NG BATIKOS si VP Binay sa maagang pag-aanunsyo niya ng kanyang balak tumakbo bilang pangulo sa 2016. Maling estratehiya ito. Simula ngayon, lahat ng magandang gagawin ng VP ay mababahiran ng political color. Of course, itinanggi niya ito at kinatuwiran na misquoted lang siya. Ngunit the damage has been done. Mahirap nang alisin sa kaisipan ng tao.
ANO BA NAMAN itong si Dr. Eric Tayag ng DOH? Sobrang conceited. Sundan n’yo sa Channel 2 ang kanyang paulit-ulit na announcement tungkol sa pag-iingat sa Dengue. Sa huli ng announcement, ito ang kanyang binibigkas: “Ito po si Dr. Eric Tayag, Director ng DOH Epidemiology Department, Asst. DOH Health Secretary, at official spokesman ng DOH.” Puwede ba, isang title na lang, Dr. Tayag? Kulang ka ba sa pansin?
Sa ika-59 na kaarawan ng aking kaibigan, Caloy Ardosa, nagbigay ako ng konting salu-salo sa Richmonde Hotel. Konting inuman. Maraming pulutan. Mahabang kantahan. Naging napakaligaya kami ng gabing ‘yun. Iba si Caloy. Matapat. Maprinsipyo. At tapat na alagad ng Diyos. Mapagmahal sa mahihirap. At ‘di nang-iiwan ng kaibigan. Mabuhay ka, Pareng Caloy! Mabuhay ka rin, Bob Rejuso!
Quote of the Week:
The story is told about a mother who told her little boy: “Happy Birthday, son! OK, blow your candles, but first make a wish.”
The son paused for a while, and then blew the candles.
“By the way, what was your wish? asked the mother.
“I wish that next year I will have a birthday cake, along with the candles,” was the son’s reply.
PITIK-BULAG
By Ike C. Gutierrez