Ayaw Bayaran ng Umutang

Dear Chief Acosta,

 

ANG KAPATID po ng kaibigan ko ay nagkaroon ng utang sa akin. Nagkaroon po kami ng pirmahan na ibabalik niya ang pera sa loob ng 4 na buwan. Pero hindi na po siya nakikipag-usap sa akin at ayaw sagutin ang mga tawag ko. Ang pirmahan po namin ay sulat-kamay lamang at may isang witness. Ano po kaya ang puwede kong gawin? Inireklamo ko na po siya sa barangay pero hindi po siya sumisipot. Ang sabi niya lang sa akin ay magdemanda ako kung gusto ko. P10,000 po ang utang niya. Wala naman po akong pera para mag-hire ng lawyer. Pinaghirapan ko po naman ‘yon, kaya gusto ko sanang ibalik niya sa akin. Sana po ay matulungan ninyo ako kung ano ang dapat kong gawin.

 

Cindy

 

Dear Cindy,

 

NAIITINDIHAN NAMIN ang iyong nararamdaman sa iyong sitwasyon. Ang pagpapautang mo sa perang iyong pinaghirapan ay dapat lamang na bayaran sa iyo.

Marami ang paraan upang ikaw ay makasingil sa kanya. Tama ang ginawa mong pagdulog sa barangay upang ireklamo at subukang bigyan ng solusyon ang iyong problema. Isa ito sa mga paraan para makasingil. Dagdag pa rito, maaari ka ring humingi ng tulong sa isang abogado upang gumawa ng sulat o demand letter na kung saan ipaaalala sa kapatid ng kaibigan mo ang kanyang obligasyon sa iyo at ang pagpilit sa kanya na magbayad. Kung wala pa ring mangyayari at hindi tutugunan ang sulat na ito, maaari ka nang magsampa ng kaso sa korte upang ito na ang pumilit sa kanya na magbayad.

Sapagkat ang halaga ng iyong pinautang ay hindi lalagpas sa isang daang libong piso (P100,000), ang kasong iyong isasampa ay napapaloob sa “Rules of Procedure for Small Claims Cases” (Administrative Matter No. 08-8-7-SC). Ayon sa nasabing batas, ang mga kaso ng paglabag sa kontrata o ang paghingi ng danyos dahil dito o dahil sa kapabayaan (fault or negligence) at ang pagpapatupad ng kasunduan sa barangay o ang naging kapasyahan nito na kung saan ang halaga na maaaring singilin ay isang daang libong piso pababa, hindi kasama rito ang interes o iba pang bayarin, ay dapat sumailalim sa batas na ito. (Sections 2 and 4,   Administrative Matter No. 08-8-7-SC)

Sa pagsasampa ng kasong ito, mayroon kang dalawang “forms” na dapat punan. Ito ang Form 1-SCC at Form 1-A, SCC na maaaring hingiin sa tanggapan ng Clerk of Court ng Municipal Trial Court, Municipal Circuit Trial Court, Municipal Trial Court in Cities o Metropolitan Trial Court. Sa Form 1-SCC ilalagay ang mga detalye ng kaso gaya ng mga partido nito, kanilang tirahan, kung ano ang inirereklamo at mga ebidensiya para rito, ganun din ang hinihinging kabayaran o danyos. Ang Form 1-A, SCC naman ay maglalaman ng “Verification” at “Certificate of Non-Forum Shopping” na dapat ay notaryado. Kapag ito ay nakumpleto na, kasama ang mga ebidensya na ilalakip dito tulad ng kontrata, sinumpaang salaysay ng mga testigo at iba pa, ito ay maaari nang ihain sa korte. (Section 5, Administrative Matter No. 08-8-7-SC)

Sa sandaling ito ay naisampa mo na, hindi mo na kailangan ng serbisyo ng isang abogado para magrepresenta sa iyo. (Section 17, Administrative Matter No. 08-8-7-SC) Tanging ang iyong pagdalo at pagsipot lamang ang kailangan sa pagdinig sa kaso sa oras o araw na itinakda ng korte. Ang iyong kaso ay nakasalalay sa pagdating mo sa itinakdang pagdinig at ganu’n na rin sa iyong mga ebidensiya.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleAng Enchanteeng Nineteen sa Enchanted Kingdom
Next articleItinulak At Pinarangalan

No posts to display