Dear Atty. Acosta,
AKO PO AY naka-five years na nagtrabaho sa isang agency bilang isang motorized messenger. Ang pangalan po ng agency na pinasukan ko ay FCR Shuttle and Allied Services Corp. Nag-resign ako noong December 31, 2008. Humihingi ako ng employment certification pero ayaw akong bigyan ng may-ari ng agency. Ang gusto niyang ibigay sa akin kapag nag-apply ako sa ibang agency ay recommendation letter lang. P’wede po ba iyon na ayaw niyang magbigay ng employment certification?
Lubos na gumagalang,
Arnulfo
Dear Arnulfo,
SA NGAYON, MAYROONG batas na nagsasabing dapat magbigay ng “Certificate of Employment” ang isang “employer” sa dati nitong empleyado o manggagawa. Ito ay napapaloob sa “Section 6, Rule XXIII, Book V, Rules Implementing the Labor Code of the Philippines” na nagsasaad ng mga sumusunod:
“SECTION 6. Certification of employment. — A dismissed worker shall be entitled to receive, or request, a certificate from the employer specifying the dates of his engagement and termination of his employment and the type or types of work on which he is employed.”
Subalit ang naturang batas ay kadalasang hindi pinapansin ng mga “employer” sapagkat wala itong probisyon para maparusahan ang mga hindi susunod dito. Ganu’n din, sinasamantala ng ibang “employer” ang ganitong sitwasyon para gipitin o gantihan ang kanilang dating empleyado o kaya naman ay para hindi na magreklamo pa ito at pumayag na sa mga kagustuhan ng dati nitong “employer”.
May nakabinbing panukalang batas (Senate Bill No. 1061) sa Senado na naglalayong parusahan ang hindi pagbibigay ng “Certificate of Employment” ng isang “employer”. Sa ganitong paraan, hindi na magagawa ng huli ang hindi magbigay ng nasabing sertipikasyon lalo na kung ito ay mayroon nang karampatang kaparusahan.
Ganu’n pa man, sa kasalukuyan, ang tanging magagawa mo para mapagkalooban ka ng “certification of employment” ay ang makiusap sa iyong dating “employer”. Kung hindi pa rin ito tutugunan, maaari kang magsampa ng reklamo sa Department of Labor and Employment (DOLE) para piliting magbigay ang naturang “employer” ng nabanggit na sertipikasyon.
ANG “PUBLIC ATORNI”, isang reality mediation co-verage ng TV 5, ay inyong mapapanood kada Huwebes ng gabi pagkatapos ng “Aksyon Journalismo”.
Atorni First
By Atty. Persida Acosta