KUNG TUTUUSIN, MAY mali rin talaga si Davao City Mayor Sara Duterte sa ginawa niyang pananapak sa sheriff na si Abe Andres. Pero dapat masagot din ang ilang mga mahahalagang tanong tulad ng una, bakit ayaw pagbigyan ni Andres si Duterte sa kanyang kahilingang ipagpaliban muna ng dalawang oras ang demolisyon kung ito ang magiging daan para maiwasan ang pagdanak ng dugo sa pamamagitan ng mga illegal settlers at mga pulis?
At pangalawa, kung wala sa kapangyarihan ni Andres na pagbigyan ang kahilingan ni Duterte – bago siya nagmatigas, bakit hindi niya tinawagan muna ang amo niyang judge para ipaabot ang kahilingan ng alkalde?
Ang kadalasang humihingi ng court order para sa demolisyon ay mga malalaking negosyanteng nagmamay-ari ng mga lupain na kinatitirikan ng mga bahay ng illegal settlers na nais nilang ipa-demolish. Ang mga negosyanteng ito ay mapera at handang gumastos.
Paano halimbawa kung ang isang negosyante na humihingi ng court order ay nakapagbigay na ng “half now” para sa isang demolisyon at may pangako pang “half later” plus big bonus ‘pag naisakatuparan ang demolisyon? Ano ang gagawin ng korteng iyon? Ang ganitong senaryo ay napapabalitang madalas mangyari rito sa Metro Manila.
Pero sa kaso sa Davao City, sana man lang hindi nagmatigas si Andres at pinagbigyan niya ang munting kahilingan ni Duterte. Kung sakali mang napahamak siya sa kanyang amo at nasibak sa trabaho dahil pinagbigyan niya ang alkalde, lalabas siyang bayani sa mga Davaoeño dahil napigilan niyang mangyari ang isang malaking kaguluhan.
Ngunit hindi rin siya puwedeng sibakin ng amo niyang judge kung sakali mang pinagbigyan niya si Duterte dahil kaya siyang sanggain ng alkalde sapagkat kamag-anak ng mister nito ang judge. Bukod dito, nagbibigay ng suporta ang tanggapan ni Duterte sa mga korte roon para sa pang-gasolina at iba pang mga operational expenses nito.
Pero hindi nga ito ang isyu. Ang isyu ay kung bakit sa kabila ng aking mga nabanggit, nagmatigas pa rin si Andres at ‘di niya pinagbigyan ang simpleng kahilingan ng kanilang alkalde na alam naman niyang hindi korap at tapat sa paninilbihan lalo na sa mga mahihirap niyang kababayan.
Nagmamatigas at ayaw kasing magpa-under ni Andres sa kumander (ng Davao City Hall), tuloy sapok ang inabot niya.
NAIS KONG IPABATID sa lahat na ang Aksyon TV (AKTV) na dati ay napapanood sa Channel 61 sa SkyCable, ngayon ay nasa Channel 59 na. Ang WANTED SA RADYO (WSR), 92.3 FM, Radyo5, ng inyong SHOOTING RANGE ay napapanood din sa AKTV, Lunes hanggang Biyernes, 2:00-4:00 pm. Ang AKTV ay napapanood din sa free Channel 41.
Sa Cignal Cable ang AKTV ay napapanood sa Channel 1 at sa Channel 7 naman sa Destiny.
Bukod sa WSR, ang inyong SHOOTING RANGE ay napapanood din sa BALITAANG TAPAT sa TV5, Lunes hanggang Biyernes, 11:30 am-12:15 noon. At tuwing Biyernes pagkatapos ng Aksyon Journalismo sa programang WANTED.
Para sa inyong mga sumbong at reklamo mag-text sa 0917-7-WANTED o 0908-87-TULFO. Maaari rin kayong dumulog sa action center ng WSR na matatagpuan sa 163-E Mother Ignacia Avenue, Brgy. South Triangle, Quezon City.
Shooting Range
Raffy Tulfo