Ayaw Kilalanin ng Ama

Dear Atty. Acosta,

 

NAGKAROON PO ako ng anak sa pagkadalaga. Hindi po nakapirma ang kanyang ama na si John sa birth certificate dahil ayaw niyang tanggapin na kanya ang aking anak. Kinalaunan ay tinanggap na rin ni John na siya ang ama ng aking anak noong nakita niya na kamukha niya ang bata. Nagsama po kami at sa panahong iyon ay nagbigay siya sa amin ng suporta. Ngunit bigla na lang siyang umalis sa aming bahay. Ngayon po ay sinasabi niya muli na hindi kanya ang aking anak. May habol ba ako kung sakaling hihingi ako ng suporta kay John?

 

Ronna Mae

 

Dear Ronna Mae,

 

ANG BAWAT magulang ay may responsibilidad na magbigay ng suporta sa kanilang anak (Artikulo 195, Family Code). Walang tiyak na halaga sa ating batas na kinakailangang ibigay ng bawat magulang sa kanilang mga anak bilang suporta. Bagkus, ang halaga ng suporta ay depende sa pangangailangan ng anak at sa kakayahan ng magulang na magbigay ng suporta (Artikulo 201, Family Code).

Kung ayaw magbigay ng suporta ang magulang o ang halaga ng suporta ay hindi sapat upang tugunan ang pangangailangan ng anak, maaaring magsampa ng isang civil case for support ang anak. Sa kasong ito, patutunayan lang ng anak na siya ay may karapatan upang humingi ng suporta mula sa magulang na sinampahan niya ng kaso. Ang korte na ang magsasabi kung magkano ang ibibigay ng magulang bilang suporta.

Maaari ring sampahan ng anak ang kanyang magulang sa paglabag ng R.A. 9262 na pinamagatang “An Act Defining Violence Against Women and their Children, Providing for Protective Measures for Victims, Prescribing Penalties Therefor, and for other Purposes” sapagkat ang hindi pagbibigay ng suporta o ang pagbibigay ng hindi sapat na suporta ay maituturing na isang economic abuse sa ilalim ng Section 5 (e) ng nasabing batas. Kung mapapatunayan ang paglabag sa batas ng magulang ay paparusahan siya ng pagkabilanggo ng prision correctional (pagkabilanggo ng anim na buwan hanggang anim na taon) (Section 6 [c], R.A. 9262).

Sa dalawang kasong maaaring isampa laban sa magulang, kailangang mapatunayan ng nagsampa na siya ay anak ng taong sinampahan niya ng kaso. Kailangan na malinaw ang relasyon ng partido bilang mag-ama o mag-ina upang dinggin ng korte ang kaso. Ang pinaka-epektibong paraan para mapatunayan ang relasyong ito ay sa pamamagitan ng pagsumite ng birth certificate ng anak kung saan ay nakasulat o nakapirma rito ang magulang na hinihingan ng suporta.

Sa iyong kaso, nabanggit mo na hindi kinilala ni John ang iyong anak sa kanyang birth certificate sapagkat hindi siya naniniwala na sa kanya ang bata noong siya ay ipinanganak. Kahit pa hindi pumirma si John sa birth certificate ay maaari ka pa ring magsampa ng kaso para sa iyong anak. Kailangan mo lang patunayan ang relasyon nila bilang mag-ama sa pamamagitan ng pagsumite sa korte ng iba pang documento (public document o private handwritten instrument). Kung wala namang ibang dokumento, maaari namang patunayan ito sa pamamagitan ng ebidensiya ng “open and continuous possession of the status as illegitimate child” (Artikulo 172, Family Code).

Sana ay nasagot namin ang iyong katanungan. Ang legal na opinyon namin ay maaaring mabago kung madadagdagan o mababawasan ang mga nakasaad sa iyong salaysay.

Atorni First
By Atty. Persida Acosta

Previous articleBilang pasukan na, Google ay to the rescue na naman!
Next articlePasaway lang si General

No posts to display