NAGTATRABAHO PO sa Saudi ang aking asawa. Paliit nang paliit ang kanyang ipinapadala para sa aming pamilya. Sa palagay ko ay mayroon na siyang babae at doon nya inuubos ang kanyang pera. May paraan po ba para mapuwersa siyang mag-remit? Balak ko po sana ay isumbong siya sa kanyang employer doon at ibawas sa kanyang suweldo ang suporta na dapat ay para sa amin. At kung hindi pa rin magre-remit, balak ko’y lakarin sa kanyang employer na maalis siya sa trabaho. Ano ang maipapayo n’yo sa akin?—Glenda ng Malabon City
KAYO MUNANG mag-asawa ang mag-linawan. Baka kasi tsismis lang ang sinasabi mong may iba na siyang babae. Alamin mo muna ang kalagayan ng kanyang employment doon.
Pagkatapos, lapitan mo ang kanyang ahensya na nandito sa Pilipinas. Alamin mo roon kung paano sila makakatulong sa iyong problema. Hayaan mo munang ang ahensya ang makipag-usap sa iyong asawa. At saka nito kakausapin ang employer.
Kung wala pa ring mangyari, magsumbong ka na sa POEA. Ang POEA ang magpapatawag sa ahensya para alamin ang sitwasyon at para makipagtalastasan sa iyong asawa.
Maganda ring sabihin mo sa kanila na ang asawa mo ay may nilalabag na batas. Sa ilalim ng batas, ang pagre-remit ay mandatory o sapilitan.
LIBRENG PAYO! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo