MATAGAL-TAGAL NA pong nagtatrabaho sa abroad ang asawa ko. Hanggang ngayo’y ‘di pa rin regular ang dating ng sustento niya. Nilapitan ko po ang kanyang ahensya para matulungan ako pero wala raw silang magagawa. Wala po bang magagawa ang gobyerno natin para mapuwersa ang ating mga OFW o ang mga employer nila para sundin ang batas sa remittance ng kanilang kita? — Nilda ng Vigan City
SA ILALIM ng ating batas, may ilang kaparusahan sa worker at maging sa employer dahil sa ‘di pagpapadala ng remittance. ‘Eto ang ilan sa mga parusa:
1. Maaaring ‘di mabigyan ng passport o kaya’y di mare-renew ang kanyang passport ‘pag ‘di napatunayan ng OFW na siya ay nag-remit ng kanyang kita mula sa abroad patungo sa Pilipinas;
2. Ang employer naman na ‘di sumunod sa pagbibigay ng pasilidad para makapag-remit ang manggagawa ay maaaring pagkaitan ng lisensya o accreditation;
3. Ang ‘di pagre-remit ay maaari ring mangahulugan ng disapproval ng kontrata sa employment sa pagitan ng worker at employer;
4. Ang manggagawa na ‘di nagre-remit ay matatanggal din sa listahan ng mga OFW. Ang muli niyang paglabag ay maaaring magbunga ng pagpapauwi sa kanya rito sa Pilipinas;
5. Para naman sa suwail na employer, tatanggalin siya sa ating overseas employment program.
Ang maipapayo ko naman sa mga pamilya na pinadadalhan ng remittance ay pagyamanin nila ito at huwag lustayin sa luho o ‘di kinakailangang gastusin. Laganap kasi ang paniniwala na ‘pag nasabing nasa abroad ang isang tao ay malaki ang kita niya roon at ginhawa ang kanyang buhay roon. Hindi nila alam na lubhang napakahirap ang kayod na ginagawa ng mga OFW sa ibang bansa. Panahon na para turuan natin ang mga pamilya ng OFW na dapat maging masinop sa pamumuhay sapagkat ang trabaho sa ibang bansa ay hindi panghabang panahon.
LIBRENG PAYO SA OFW! I-TEXT N’YO AT SASAGUTIN KO! PM <space> saklolaw <space> ang inyong katanungan at i-send sa 2948 (for Globe, Smart and Sun users). E-mail: [email protected].
Ayuda sa OFW
By Ome Candazo