VOCAL ANG Pinay international singer na si Charice Pempengco sa pagsasabing gusto niyang pakasalan ang girlfriend na si Alyssa Quijano dahil ito raw ang babaeng gusto niyang makasama sa kanyang pagtanda.
Pero hindi raw sila nagmamadali at wala pang detalyadong araw, buwan o taon kung kailan ito mangyayari dahil ayaw nila itong apurahin. Pero if ever daw na mangyayari na ito ay sa ibang bansa nila ito gagawin, kung saan tanggap ang pagpapakasal ng same sex.
Hindi na rin nga nito iniisip kung ano ang sasabihin ng kanyang ina, kaibigan at mga kamag anak dahil alam naman daw nitong marami rito ang paniguradong hindi sasang-ayon sa kanyang magiging desisyon na pakasalan si Alyssa.
Sa ngayon daw ay ayaw pa nitong isipin ang ganu’ng bagay lalo na’t wala pa naman silang balak na magpakasal ngayong taon. Ang mahalaga raw ay masaya silang magkasama ni Alyssa at nagkakaintindihan sa maraming bagay.
HINDI NAMAN pala isinasarado ng Kapuso star na si Janine Gutierrez ang posibilidad na sumali siya sa isang beauty pageant, lalo na’t marami ang umeengganyo sa kanyang sumali.
Ayon nga kay Janine, sa ngayon daw ay wala pa talaga sa isip niya ang sumali kahit sabihing ilang taon na lang at hindi na siya puwedeng makasali pa kahit gustuhin niya, dahil 24 years old na siya at hanggang 26 years old lang ang puwedeng sumali.
Mas gusto raw kasi nitong mas bigyang-pansin ang kanyang showbiz career (hosting/acting) kaysa raw sumabak sa pagsali sa mga beauty pageant. Pero sa dami nga raw ng nag-aalok sa kanya na sumali siya, masusing pag-iisipan daw nito kung padadala ba siya sa buyo ng kanyang mga kaibigan at subukan na rin ang kanyang suwerte sa pagsali sa Binibining Pilipinas o sa Miss World Philippines.
ITINUTURING NA newest heartthrob sa mundo ng musika ang Viva Recording artist na si MJ Cayabyab na kare-release pa lang ng self-titled album, “MJ Cayabyab, Larawang Kupas” under Viva Records.
Naglalaman ng sure hits songs ang album ni MJ mula sa revival song at kanyang carrier single na “Larawang Kupas” na paborito ngayong patugtugin sa iba’t ibang radio stations, “Mahal na Mahal Kita”, “Kahit Ika’y Nagbago”, “Dahil Sa ‘Yo”, at “Muntik na Kitang Minahal”.
Bukod sa mga awiting nakapaloob sa album ni MJ ay may bonus pa itong minus one, kaya naman after pakinggan ang awit nito sa album, puwede mo na ring sabayan at awitin ang kanyang mga kanta.
John’s Point
by John Fontanilla